Filemon Lagman

Message to the Solidarity of Labor Movement Against APEC (SLAM-APEC)

Filemon "Ka Popoy" Lagman

Bago pa ako dinukot ng militar noong Nobyembre 12, sinabi na sa akin na assignment ko na talakayin ang balangkas ng globalisasyon para sa ating Kumperensya.

Hindi ko naman agad naharap ang paghahanda sa dami ng trabaho. Bagamat may mga senyales na malapit nang mahibang, di ko rin inakala na tuluyang maghuhuramentado si Ramos at ako'y ipakukulong.

Kaya't humihingi ako ng paumanhin sa anumang kakulangan ng mensahe kong ito na minamadali kong tapusin. Dahil habang sinusulat ko ito dito sa Kampo Aguinaldo, medyo ako'y nanghihina na rin dahil sa 10 araw na hunger strike at ang laman ng aking katawan ay puros na lang usok ng sigarilyo.

Mga kasama, pwede nating pasukin ang paksa ng globalisasyon mula sa dalawang entrada. Una'y sa usapin ng "intensyon", at ikalawa, sa usapin ng "epekto".

Ang tinutukoy ko sa una ay sino ba ang may pakulo ng globalisasyon at ano ang kanilang totoong intensyon.

Gusto kong magsimulang tastasin ang globalisasyon mula sa entradang ito dahil ito ang natural na dapat nating pagsimulan, dito pinakamadaling mabistahan ang klase ng mundo na gustong gawin ng APEC. Kapag maliwanag sa atin kung kaninong kagagawan ito at ano ang totoong intensyon, sa minimum, ay dapat magduda na tayo.

Sinasabi kong "magduda" na tayo, pero hindi ibig sabihin ay lumundag na agad sa "kongklusyon". Mali rin naman na gumagawa tayo ng "kongklusyon" batay lamang sa mga intensyon, batay lamang sa mga pagdududa.

Kaya't kailangang pasukin natin ang usapin ng "epekto" at dito natin buuin ang matitibay na kongklusyon. Dito natin ibatay, mga kasama, ang pinakamatinding kondemnasyon at pinakamaliwanag na pagtatakwil sa balangkas, nilalaman at nilalayon ng APEC at globalisasyon.

GLOBALISASYON: PARA KANINO?

Magsimula tayo sa tanong na: Sino ba ang pasimuno ng APEC?

Sabi ng gubyerno, inisyatiba raw ito ng Australia, pero umandar nang husto nang i-host ni Clinton ang unang Leaders Summit ng APEC sa Seattle noong 1993 kung saan nabuo ang "vision" ng APEC na isang "Asia Pacific economic community".

Kapirasong pisngi lang ng katotohanan ang ipinasisilip ng ganitong sagot. At hanggang dito na lang ang paliwanag ng gubyerno, halatang-halata na mayroong mas malalim na katotohanang itinatago.

Mismo ang midya ay ayaw man lang kalkalin ang buong katotohanan kung sino talaga ang pasimuno ng APEC, sino talaga ang pwersang nagtutulak sa mga organisasyong gaya ng APEC.

Parang gustong palabasing basta dinapuan na lang at tinubuan ng puso ng mga lider ng mga bansang myembro ng APEC ng mga busilak na intensyon na mag-akbayan ang mga bansa sa diwa ng internasyunal na kooperasyon at pangkalahatang kagalingan ng mamamayan sa Asia-Pacific.

Mas interasado ang midya sa mabentang mga balita kaya't nahuhulog sila sa sensasyonalismo, at hindi kung ano ang mg isyu na dapat malaman ng tao. At simple rin ang paliwanag kung bakit sila ganito. Ang nagpapagalaw rin sa midya, sa ultimong pagsusuri, ay hindi ang interes ng serbisyong publiko kundi ng batas ng negosyo, ang batas ng kapitalismo, ang batas ng kompetisyon at komersyalismo.

Kaya't mga kasama, matuto tayong huwag basta magpapaniwala sa mga deklarasyon ng intensyon dahil ang daang papuntang impyerno ay hinahawan ng magagandang intensyon, at kung makakain lang ng langgam, nalaman na sana ang buong mundo dahil ito'y nababalot ng matatamis na salita na gumagago sa ating mga manggagawa.

Sa tanong na sino ang pasimuno ng APEC, sagutin natin ito batay sa maliwanag na layunin ng APEC. At ito'y walang iba kundi ang "globalisasyon".

Kaya't sa tanong na sino ang pasimuno ng APEC, ang mas eksaktong tanong ay sino ang pasimuno ng "globalisasyon" na siyang dahilan ng pag-iral at pagkakabuo ng APEC. At sa tanong na ito, ang sagot ay hindi si ______ ng Australia at ni hindi rin si Clinton ng Amerika.

Bago pa nabuo ang APEC, ay nagsisimula na ang globalisasyon, mayruon nang mga makapangyarihang mga pwersang nagtutulak ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at privatization. Sila ang tunay na pasimuno ng APEC. Sila ang may gawa ng vision, goals, adyenda at plans ng APEC. Sila ang tunay na may interes sa APEC.

Sino sila? Sila ay ang tinatawag na mga TNCs o transnational corporations sa buong daigdig na umaabot sa bilang na 40,000 at kumukontrol sa 2/3 ng pandaigdigang ekonomiya, ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan.

Bago pa nabuo ang APEC, bukambibig na nila ang salitang "globalisasyon" dahil ipinatutupad na nila ito sa pandaigdigang saklaw. Kinakatawan ng "globalisasyong" ito ang bagong istratehiya ng TNCs -- ang internasyunalisasyon ng kanilang proseso ng produksyon na tumatawid sa hangganan ng mga bansa at tinatampukan ng contractualization ng iba't ibang bahagi ng kanilang produksyon na nakabudbod sa iba't ibang bansa.

Ang mismong ILO-Asia Pacific Regional Office ay nagsabing ang pang-ekonomyang globalisasyon ay pangunahing resulta ng bagong istratehiya ng mga TNCs at ang ubod ng globalisasyong ito ay ng istratehiyang ito ng mga TNCs. Ang ating tanong: Bakit hindi aminin ng gubyerno ang katotohanang ito, bakit itinatago ng gubyerno ang katotohanang ito?

Sa puntong ito'y mahalagang liwanagin. Ang "globalisasyong" ito, ang bagong istratehiyang ito ng mga TNCs ay hindi simpleng kathang-isip na nadiskubre ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo, resulta ng kasalukuyang kalagayan at pag-unlad ng pandaigdigang sistemang ito.

Mahalagang idiin ang puntong ito para basagin ang parating paratang sa atin, na eto na naman tayo sa ating "conspiracy theory", na isa na namang simpleng "pakana ng imperyalismo" ang APEC laban sa buong mundo.

Minsan ay di rin masisisi ang mga nagbibintang ng ganito dahil totoo namang may isang grupo sa ating hanay na masahol pa sa isang "kulto" sa bundok ng Banahaw na ang tingin lagi sa mga pangyayari sa mundo ay isang "pakana" at walang nang ginawa kundi dasalin ang kanilang rosaryo ng mga islogan na pinaglumaan na ng panahon. At dahil nga isang "kulto", ang paniwala nila'y sila lang ang dalisay, sila lang ang laging tama, at ang iba'y peke at mali. Isa sa mga panatikong obispo ng kultong ito ay kababayan ko sa Albay na mukhang sa tagal sa kabundukan ay nahawa na sa kukute ng isang baboyramo sa kagubatan.

Pasensya na mga kasama kung hindi ko mapigil na hindi sikwatin ang grupong ito dahil kung tutuusin, sila ang pinakamabisang propagandista ni Ramos laban sa rebolusyonaryong kilusan at laban sa kilusang manggagawa. Ang grupong ito ang nagbibigay ng masamang imahe sa mga militanteng organisasyon at mukhang ang sumpa sa sarili ay idadamay ang lahat sa kanilang pagkawasak na kanila ring kagagawan.

Bumalik tayo sa ating paksa. Gusto kong idiin na mali na tanawin na ang globalisasyon ay isang simpleng "panibagong pakana ng imperyalismo" kundi ito'y isang panibagong istratehiya ng kapitalismo na nagmula sa realidad ng kasalukuyang pag-unlad ng ganitong pandaigdigang sistema.

May dalawang aspeto ang realidad na ito. Una, ang realidad ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo na nagsimula pa noong 1974 at nagpapatuloy hanggang ngayon sa mga industriyalisadong bansa, at siyang sinisikap na alpasan sa pamamagitan ng globalisasyon. Ikalawa, ang malaking pagsulong sa larangan ng teknolohiya bunga ng mga pagsulong sa microelectronics, computer science, telecommunication at biotechnology. Ang mga pagsulong na ito sa teknolohiya ang nagbigay daan para sa mga TNCs na magawa nito ngayon ang internasyunalisasyon, hindi na lang ng kanilang operasyon, kundi ng mismong proseso ng produksyon na siyang tunay na kahulugan ng globalisasyon at siyang tunay na tinutugunan ng globalisasyon.

Bakit mahalagang maintindihan ang dalawang puntong ito? Sapagkat ipinaliliwanag nito ang penomenon ng globalisasyon, hindi sa balangkas ng isang "imperyalistang pakana" kundi mula sa realidad ng obhetibong sitwasyon ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo.

Mga kasama, bumalik tayo ngayon sa usapin ng "intensyon". Saan natin ngayon ilulugar o kakalkalin ang ipinagmamalaki ni Ramos na "diwa ng internasyunal na kooperasyon" na nagbibigkis sa APEC at siyang magsusulong diumano sa Pilipinas at sa mga bansa ng Asia Pacific sa landas ng progreso at prosperidad pagpasok ng darating na bagong siglo?

Kung mga TNCs ang promotor ng globalisasyon at ang mga patakaran nito ng liberalisasyon, deregulation at privatization, kung ang may gawa ng vision, goals, agenda at plans ng APEC ay ang mga representante ng malalaking negosyante sa Asia Pacific -- paanong mangyayaring ang kanilang intensyon ay "progreso at prosperidad" para sa mamamayan, paanong mangyayaring ang kanilang inspirasyon ay ang diwa ng "internasyunal cooperation"?

Mga kasama!

Hindi ba't ang mga kapitalistang ito, ang mga negosyanteng ito ang dahilan ng ating paghihikahos at pakabusabos dahil sa kanilang kasakiman sa tubo, dahil kinakamkam at sinasarili nila ang yaman na mula sa ating pawis at pagod?

At ngayon, sasabihin ng punyetang gubyernong ito, na ang mga kapitalistang ito -- sila na nagpapahirap sa atin, sila na nang-aapi sa atin, sila na kung tratuhin tayo ay basura at alipin, sila na walang ginawa kundi magpasarap sa ating pinagpaguran, sila na nabubuhay sa kasaganahan habang ang ating pamilya ay naghihikahos, sila na walang pakialam kung magdildil tayo ng asin sa karampot nating suweldo, sila na walang pakialam kung tayo'y magugutom kapag pinatalsik nila sa trabaho, sila na kung durugin ang ating mga unyon ay parang dumudurog lamang ng mga upis, sila na hindi man lang makonsensya na mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga aso kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa, sila na natutulog nang mahimbing kahit alam nilang nagugutom ang ating mga pamilya at di mapag-aral ang mga anak pero kapag lumiliit ang kanilang tubo at nalulugi ang kanilang kompanya ay binabangungot -- ang mga tao bang ito, mga kasama, ang kapitalista bang ito, mga kasama, ang magliligtas sa atin sa impyerno ng karukhaan at magdadala sa atin sa paraiso ng kasaganahan!! Mga kasama, niloloko at ginagago tayo ng baliw at inutil nating gubyerno!

Gusto bang palabasin ng gubyerno na ang kaluluwa ng mga kapitalistang ito ay bilang sinaniban ngayon ng diwa ng internasyunal na kooperasyon, at sila ngayon ay magtutulungan para sa kaunlaran at kasaganahan ng mamamayan? Mga kasama! Kailan nangyari ang milagrong ito, anong petsa, anong araw? Kailan bumuka ang langit at naghulog ng kabutihang loob na sinambot ng lahat ng puso at budhi ng uring kapitalista? Mga kasama, kung ito'y totoo, malamang, ang buong APEC ay myembro na rin ngayon ng El Shaddai ni Brother Mike!

Eh mismo nga ang mga kapitalistang Pilipino ay nagpapatayan sa kompetisyon at handang patayin sa gutom ang kanilang mga manggagawa para lamang makaungos at kumita sa panahong ito ng globalisasyon, tapos palalabasin pa ngayon ng gubyerno, na ang kapitalistang Amerikano, ang kapitalistang Hapon, ang kapitalistang Intsik, at kung sinu-sinong mga kapitalista, ay magtutulong-tulng ngayon para umunlad ang lahat at gumanda ang buhay ng ordinaryong mamamayan sa Asia Pacific! Mga kasama! Kung naniniwala si Ramos sa kahibangang ito, hibang na nga ang ating pangulo!

Sabi ng mga tagapalakpak ng APEC, bigyan daw natin ito ng tsansa, bigyan daw natin ng tsansa ang gubyerno. Kung buladas lang ang APEC, at hanggang buladas lang, hindi natin ito pag-aaksayahan ng panahon. Kung gusto lang magpasikat ni Ramos sa pandaigdigang entablado, walang problemang pagbigyan siya sa kanyang hilig na kumpetensyahin ang tabako ni Fidel Castro.

Ang problema, hindi simpleng buladas ang APEC na lilipas na lang na parang mabahong hangin matapos ang okasyon sa Subic. Hindi simpleng gusto lang magpasikat ni Ramos sa Subic na dapat ikarangal ng mga Pilipino kung susundin ang baluktot na konsepto ng patriyotismo na itinuturo sa atin ng gubyerno. Ni hindi ito usapin ng bantog na hospitalidad ng mga Pilipino dahil dadalawin ang ating bansa ng libu-libong dayuhang delegado.

Ang nakataya sa APEC ay ang kabuhayan at hanapbuhay ng manggagawang Pilipino, ang kinabukasan at kihihinatnan ng sambayanang Pilipino, at ang patuloy na pagkabusabos at paghihikahos ng masang anakpawis sa buong daigdig. Ito ang tunay na isyu sa APEC, ang tunay na epekto ng globalisasyon sa masang anakpawis.

ANG EPEKTO NG GLOBALISASYON

Sa walang tigil na daluyong ng propaganda ng gubyerno sa APEC, ano na ang ating narinig na direktang kabutihang idudulot nito sa masang anakpawis na tuwirang karugtong ng saligang patakaran ng APEC, ang patakaran ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan?

Kapag liberalisado na ang kalakalan, magmumura daw ang mga produkto, kahit mga imported, at tataas ang kalidad dahil sa kompetisyon, at makikinabang raw dito ang ordinaryong mamimili. Kapag liberalisado na ang pamumuhunan, dadagsa raw sa Pilipinas ang mga dayuhang imbestor at maiibsan ang problema ng kawalang trabaho.

Walang sinasabi ang gubyerno sa masamang epekto ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan para sa masang anakpawis, tungkol sa mas malaki at mas pundamental na katotohanan ng liberalisasyong ito na siyang pangunahing instrumento para sa pang-ekonomyang globalisasyon.

Hindi sinasabi ng gubyerno kung ano ang magiging epekto sa mga manggagawa at magbubukid, at sa ating lokal na industriya at agrikultura, kapag lubusan nang binuksan ang bansa sa dagsa ng mga dayuhang kalakal.

Hindi sinasabi ng gubyerno kung paano niya aakitin sa bansa magnegosyo ang mga dayuhang imbestor imbes na sa ibang bansa ng Asia Pacific at ano ang magiging epekto nito sa mga manggagawa at sa mga lokal na negosyante.

Para sa mga manggagawa, kaunting pagkukunot lang ng noo ay maiisip na natin kung ano ang magiging epekto nito, dahil katunayan, nararamdaman na natin ito na parang salot na lumalaganap sa ating hanay. At kung tutuusin, mga kasama, nagaganap na ito sa buong mundo, mismo sa US -- ang sinasabing pinakamayaman at pinakademokratikong bansa sa daigdig -- at dinidilubyo ng globalisasyon ang manggagawang Amerikano.

Ito'y ang pagbagsak ng tunay na halaga ng ating suweldo, ang pagbagsak ng labor standards, ang pagbagsak ng mga unyon na dulot lahat ng globalisasyon. Ito ang pangunahin at tunay na epekto ng globalisasyon na itinatago at binabalewala ng gubyerno.

Ano ang koneksyon ng liberalisasyon at globalisasyon sa ganitong pangyayari?

Para maakit ng Pilipinas ang mga dayuhang imbestor, hindi lang kailangang ibukaka ng bansa ang kanyang likas na yaman kundi gawing baratilyo ang ating lakas-paggawa. Kung hindi, baka sa ibang bansa sila mamuhunan kung saan mas mura ang paggawa, mas maraming oportunidad at mas istable ang kalagayan.

Kapag nagsimula nang dumagsa ang mga dayuhang kalakal, siguradong napakaraming kompanya ang mababangkrap at magsasara dahil hindi makalaban sa kompetisyon at ang magiging epekto nito ay pagdami ng walang trabaho habang maraming kapitalista ay kakamby na lang sa trading o kalakalan, magiging importer na lang ng mga yaring produkto.

Ang mga kompanya naman na mangangahas lumaban, ang siguradong diskarte nila, kasabay ng modernisasyon ng produksyon, ay magbabawas ito ng mga empleyado (downsizing) at gagawa ng iba't ibang diskarte para mapamura ang labor cost, gaya ng contractualization at casualization, samantalang pinaiigting ang produksyon at akumulasyon.

Kapag liberalisado na ang kalakalan at pamumuhunan sa buong mundo, iigting nang walang kasing-igting ang pandaigdigang kompetisyon ng mga kapitalista sa kanilang agawan sa pandaigdigang pamilihan. Ang kompetisyon ito ay hindi lamang pagalingan ng produkto, ito'y pamurahan ng magkakaribal na produkto.

At sa pandaigdigang kompetisyong ito ng kapital at kalakal, ano ang mapagpasya? Ito ay ang presyo ng paggawa, ang labor cost, sapagkat ang nagtatakda ng halaga ng mga kalakal ay ang paggawa at ang mapagpasyang salik sa akumulasyon ng kapital ay ang sobrang-paggawa sa anyo ng tubo.

Ito ang paliwanag kung bakit sa Pilipinas at sa buong daigdig ay bumabagsak ang halaga ng sweldo at mga benepisyo, kung bakit sa buong Pilipinas at sa buong daigdig ay bumabagsak ang labor standards, binabawi ang halos lahat ng pagsulong ng kilusang manggagawa sa nagdaang isang daang taon. Pero bakit pati ang mga unyon ay nawawasak, ang mga kasapian ng mga unyon sa napakaraming bansa ay bumabagsak?

Mga kasama, pagtatakhan pa ba natin ito?

Ang mga unyon ang nakikibaka para maitaas ang sweldo at maparami ang mga benepisyo ng mga manggagawa. Kung anuman ang mga labor standards na naaabot sa buong daigdig at sa bawat bansa, ito ay dahil sa kilusang unyon, at sa partikular, sa militanteng unyonismo.

Natural lamang na ang direksyon ng pangunahing dagok ng kapital ay walang iba kundi ang unyonismo sa paghahanap nito ng mas murang paggawa. Hindi ba't sa lahat ng "Regional Industrial Centers" ng gubyernong Ramos, ang patakaran nito ay "no union, no strike" para maakit ang lahat ng klase ng imbestor? Dahil ang unyonismo ay palakol sa lalamunan ng bawat kapitalista na walang ibang hangad kundi ang mas malaking tubo at walang ibang kinahihibangan kundi ang kapitalistang kompetisyon at akumulasyon.

Mga kasama! Gugunawin ng mundo ng kapital sa pamamagitan ng globalisasyon ang mundo ng unyonismo. Kung tayo'y magsasawalang-bahala at magsasawalang-kibo, magigising na lang tayong ginagapang ng contractualization at casualization ang ating hanay, binabayo ng retrenchment, ginigiling ng rotation, dinudurog ang unyon, inaalisan ng karapatang magwelga. Kapag hindi pa tayo gumalaw para pagkaisahin ang ating hanay, babawiin ng kapital ang lahat ng nagdaan at naipon nating mga tagumpay at ibabalik tayo sa panahong maghihintay na lamang tayo ng limos mula sa ating mga kapitalista kapag umaapaw na ang kanilang mga bulsa sa tubo. Maghihintay na lamang tayong "pumatak" ang benepisyong ipinapangako ng kanilang teoryang "trickle down".

Sa teoryang ito umiinog ang pangakong benepisyo ng globalisasyon. Kapag umasenso raw ang negosyo, aasenso rin daw tayo. Totoo ba ito mga kasama? Pagkarami-rami nang kapitalista ang nakita nating umasenso. Pero kinakitaan man lang ba natin ng totoong pag-asenso ang kanilang mga manggagawa kung di dahil sa unyonismo? Ilan daang taon na ang kapitalismo. Nang magsimula ang kapitalismo, isang kahig, isang tuka ang mga manggagawa. Hanggang ngayon, isang kahig, isang tuka pa rin tayo. Samantalang ang kapital, tumubo nang tumubo, lumago nang lumago, kinakamkam nang kinakamkam ang likhang yaman ng masang anakpawis sa buong mundo. Kung hindi ito totoo, paano nangyaring ang kabuuang ari-arian ng 358 na bilyonaryo sa mundo ay katumbas ng taunang kita ng 2.4 bilyon na tao sa buong daigdig? Ito ba ang "trickle down"?

Pasalamat raw tayo sa kapital sapagkat kung hindi dahil dito wala tayong trabaho, kung wala tayong trabaho, tayo'y magugutom, walang ipapakain sa ating mga pamilya. Ito ang pinakamasakit na kabalintunaan ng kapitalismo. Tayo ang bumubuhay sa ating mga kapitalista, tayo ang bumubuhay sa lipunan, sa ating pawis at lakas nagmumula ang likhang yaman ng daigdig. Pero paano nangyaring tyao na siyang bumubuhay sa lipunan at siyang lumilikha ng yaman, ay hindi mabubuhay kung wala ang kapital? Sapagkat inaari ng kapitalista ang ating ikabubuhay -- pag-aari nila ang mga pabrika, ang mga makina, ang hilaw na kalakal, ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan. Ang pagmamay-ari nilang ito sa mga kagamitan sa produksyon ng lipunan ang tinatawag na kapital. At dahil lamang dito -- dahil pag-aari nila ang ikabubuhay ng lipunan, dahil lamang sa konseptong ito ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon ng lipunan -- at dahil wala tayong pag-aari bukod sa ating lakas-paggawa, nasa kanliang pagpapasya na kung tayo'y magugutom o hindi, kung mabubuhay o hindi ang ating mga pamilya.

Ito, mga kasama, ang kapitalistang sistema, ang sistema ng sahurang pang-aalipin -- alipin tayo ng sistemang ito ng pasweldo dahil kung hindi tayo mamasukan sa kapitalista, kung hindi natin ibebenta ang ating lakas-paggawa kapalit ng sweldo, ng karampot na sweldo, tayo at ang ating mga pamilya ay mamamatay sa gutom. Ito, mga kasama, ang sistemang kinakatawan ng globalisasyon, ang sistema ng sahurang pang-aalipin na sa ilalim ng globalisasyon ay gusto pang barating ang ating sweldo, gustong baratin ang ating pagpapaalipin.

Mayoong bang alternatiba sa globalisasyon? Ang alternatibang ito ay di matatagpuan sa balangkas ng kapitalismo, sa balangkas ng patuloy na paghahari ng kapital sa paggawa. Sa loob ng balangkas ng sistemang kapitalista, ang tanging magaawa natin ay pagandahin ang kondisyon ng ating pagpapaalipin, dekorasyunan ng mga benepisyo, pataasin ang preyso ng ating pagpapaalipin, ngunit alipin pa rin tayo ng kapangyarihan ng kapital. Hanggang dito na lamang ang nagagawa ng unyonismo. Mapait mang aminin, masakit man sabihin, ang CBA ay negosasyon lamang sa terms and conditions ng ating pagpapaalipin sa kapital.

Ngunit kailangan natin ang unyon, kailangan natin ang unyonismo. Kailangan natin ito hindi lamang para labanan ang sukdulang pang-aalipin ng kapital. Kailangan natin ito, higit sa lahat, para bawiin ang ating dignidad, matutong makibaka, matutong magkaisa hanggang sa mabuo natin ang kapasyahang lampasan ang limitasyon ng unyonismo at yakapin ang pangangailangan ng makauring pagkakaisa, ang pagkakaisa ng lahat ng manggagawa saan mang linya ng industriya, para wakasan ang mapagsamantalang lipunang di makatarungan at di makatao.

Ano ang lipunang makatarungan at makatao? Ito ay isang lipunang ang mga instrumento sa produksyon ng lipunan -- ang lupa, ang pabrika, ang mga makina, ang mga hilaw na materyales -- ay hindi inaari ng iilan para gamiting instrumento ng pagsasamantala sa nakararami. Sa bawat pabrika, hindi maaring sabihin ng isang manggagawa na gawa niya ang isang produkto dahil nagdaan ang produktong ito sa kamay ng iba't ibang manggagawa, sa loob at labas ng kanyang pabrika. Ang produksyon sa ilalim ng kapitalismo ay produksyon ng buong lipunan, sosyalisadong produksyon. Hindi maaring sabihin ng isang manggagawa na siya lang ang may gawa ng isang produkto dahil ginawa ito ng maraming manggagawa. Pero mayroong isang tao na may pribilehiyo na sabihing kanya, pag-aari niya ang produktong ito na gawa ng maraming tao -- ang taong ito ay ang kapitalista.

Sosyalisado ang produksyon, pero pribado ang pagmamay-ari sa produkto ng lipunan -- ito ang kapitalismo. At sa ilalim ng globalisasyon, hindi na lang sosyalisado ang produksyon kundi internasyunalisado na ang proseso ng produksyon. Masasabi na nating produkto ng sangkatauhan ang produkto ng globalisasyon. Pero nananatili pa ring pag-aari ng mga may-ari ng kapital, pag-aari ng iilan ang pinagpaguran ng masang anakpawis sa buong daigdig. Ang kulang na lang ay ariin at pakinabanang ng sangkatauhan ang pinagpaguran ng sangkatauhan. Ito ang tunay at tanging globalisasyon na maari nating itaguyod. Ito ang sosyalismo.