Filemon Lagman
Inilathala: 1990;
Na-markup para sa Marxists.org: Simoun Magsalin.
Note: Isinulat ni Popoy ang itong SAMAR bago ang RA–RJ Schism, noong nasa CPP pa siya. Ito ay isang kurso para sa mga tibak bilang isang introduksyon sa Marxismo.
Sukdulan ang pagkasuklam ng mga uring mapang‑api sa anumang kaisipang nagpapalaya sa diwa ng masang manggagawa. Nagpapaliwanag sa kalikasan ng lipunang mapagsamantala. Nagtuturo sa landas ng tunay na pagbabago.
Ito, sa pinakabuod at pinakasimple, ang laman ng Marxismo. Ang paglaganap nito’y lubos na kinatatakutan ng mga mapagsamantala.
Itinuturo ng Marxismo ang isang pananaw na ganap na tumitindig sa panig ng katotohanan at pagbabago, sa kapakanan ng uring manggagawa. Salungat ito sa lahat ng pananaw na bumabaluktot sa katotohanan at sumasagka sa pagbabago sapagkat ang ganitong mga pananaw ay mapang‑alipin.
Ibinubunyag ng Marxismo ang buong katotohanan ng kapitalistang pagsasamantala. Pinatutunayan nito na nasa kaibuturan ng sistemang kapitalista, o anumang sistemang mapagsamantala, ang mismong batayan ng di maiiwasang pagbagsak nito.
Higit sa lahat, ipinaliliwanag ng Marxismo ang makasaysayang misyon ng uring manggagawa na pamunuan ang ganap na pagbabagong panlipunan tungo sa pagtatayo ng sistemang sosyalista. Tinuklas nito ang batas ng tunggalian ng uri sa likod ng pagsulong ng kasaysayan at ang direksyon ng tunggaliang ito patungo sa abolisyon ng lipunang makauri.
Ang tatlong saligang araling ito ng Marxismo ay multo para sa mga uring mapagsamantala. Ngunit para sa uring manggagawa, ito ang tanglaw ng kaalaman, ang bukal ng lakas sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino.
Matapos magbagsakan ang maraming sosyalistang bansa sa pangunguna ng Unyong Sobyet noong dekada 90, hambog na idineklara ng mga kapitalista at kanilang mga tagapalakpak ang tagumpay ng kapitalismo sa mortal nitong digmaan laban sa sosyalismo. Mayabang nilang itinanghal na patay na ang sosyalismo bilang isang alternatiba sa kapitalismo at lipas na ang Marxismo bilang gabay sa pakikibaka ng uring manggagawa.
Diumano ang kapitalismo na ang pinakarurok ng kasaysayan at ang globalisasyon ang pinakaangkop na modelo ng pag-unlad. Sa kalagayang naglaho ang sosyalismo bilang kompetisyon at nademoralisa ang kilusang manggagawa’t rebolusyonaryo sa daigdig, maluwag na lumaganap ang globalisasyon sa iba’t ibang bansa, sa buong mundo.
Subalit wala pang isang dekadang nagtagal ang adelantadong selebrasyon ng mga propeta ng globalisasyon. Sumiklab ang krisis ng globalisadong ekonomiya noong 1997. Sumipa ang isang pandaigdigang resesyon. Sumulpot ang isang pandaigdigang kilusang anti-globalisasyon. Sumigla ang makauring mga pakikibaka sa maraming bayang dinelubyo ng globalisasyon.
Sa liwanag ng mga karanasang ito, buking na nagbagong-bihis lamang ang imperyalismo bilang globalisasyon. Katunayan sa gitna ng pamimilipit ng globalisasyon sa krisis, pumihit sa pananakop ng ibang bayan ang imperyalismo. Ang globalisasyon ang pinakabagong yugto ng imperyalismo at kapitalismo na ugat ng paghihirap, pang-aapi at pagsasamantala sa buong mundo.
Ang mga aral ni Karl Marx at Vladimir Lenin ay nagsisilbi pa ring batayan sa pagsusuri sa kalikasan ng imperyalistang globalisasyon, sa katangian ng krisis ng kapitalismo at sa karakter ng imperyalistang pananakop. Ang tanglaw ng Marxismo ay hindi lamang nagbibigay-linaw sa mga katotohanan ng kapitalistang sistema sa ngayon kundi sa kabuluhan ng pakikibaka ng uring manggagawa para sa sosyalismo sa panahong ito.
Sa halip ng kasinungalingang patay na ang sosyalismo at lipas na ang Marxismo, sa katunayan ay nagpapanibagong-lakas ang mga kilusan ng uring manggagawa sa iba’t ibang bansa at dinadalisay ang Marxismo upang maging gabay sa makabagong sosyalistang rebolusyon sa panahon ng globalisasyon.
Ang bisa ng Marxismo bilang gabay sa pakikibaka ay inilalahad ng patuloy na katumpakan ng pundamental na mga pagsusuri nito hinggil sa kapitalismo sa pagsulong nito sa antas ng globalisasyon at ng kaangkupan ng mga prinsipyo ng sosyalistang pakikibaka sa yugtong ito ng pagbangon ng kilusang anti-globalisasyon. Habang ang Marxismo bilang isang buhay na teorya ay pinagyayaman ng pinakahuling mga karanasan ng makauring tunggalian at ng pinakabagong pag-unlad ng kasalukuyang lipunan.
Ang mga aral ni Karl Marx ay hindi simpleng kathang‑isip ng isang henyo. Sumibol ito bilang direktang karugtong ng pinakaabanteng mga teorya sa pilosopiya, ekonomiya at sosyalismo ng kanyang panahon. Halaw ito sa kaban‑yaman ng kaalaman ng sangkatauhan. Ito ay pagsulong ng pinakamahusay na intelektwal na produkto ng sangkatauhan noong ika‑19 na siglo. Sa partikular, ng Germany sa larangan ng pilosopiya, ng England sa larangan ng ekonomiya at France sa larangan ng sosyalismo. Ito ang tatlong pinagmulan at tatlong sangkap ng Marxismo.
Ang kasaysayan ng pagsulong ng kaalaman ng tao ay walang katapusang pagsisikap na unawain ang kanyang paligid. Tuklasin ang katotohanan. Gamayin ang batas ng pag‑unlad ng kalikasan at lipunan.
Ang syensya at teknolohiya ang ebidensya na ang mga batas ng kalikasan at lipunan ay magagawang tuklasin, at ang tao ay may kakayahang gawin ito. Ito ang pinatutunayan ng kasaysayan ng tao mula nang kanyang maimbento ang paggamit ng simpleng gulong noong sinaunang panahon hanggang sa siya’y makapaglakbay sa kalawakan sa makabagong panahon.
Ang pagsulong ng sinaunang lipunan hanggang sa makabagong panahon ay pagsulong ng kaalaman ng tao. Mula sa kakulangan ng kaalaman tungo sa pagdami ng kaalaman. Mula sa kaisipang bilanggo ng superstisyon tungo sa kaisipang pinalalaya ng syensya.
Mulat sapul, batid ng tao ang halaga ng kaalaman sa kanyang buhay. Kahit noong sinaunang panahon, ang tao ay nagpunyaging magpaunlad ng isang sistema ng pananaw sa kalikasan at lipunan na gigiya sa kanyang pagsisikap na tumuklas ng kaalaman at ipaliwanag ang kanyang paligid. Ang ganitong sistema ng pagtanaw sa daigdig ang tinatawag na pilosopiya.
Ang tao ay nagsimula sa kawalan ng kaalaman at mananatiling laging kulang ang kaalaman sa kalikasan. Kaya’t di kataka‑taka na siya’y nagsimula sa pilosopiyang punong‑puno ng haka‑haka at superstisyon.
Dahil hindi niya maipaliwanag ang kalikasan bunga ng kakulangan pa ng kaalaman at mga kagamitan upang ito’y pag‑aralan, kumatha ang tao ng sariling mga paliwanag. Ito’y mga paliwanag na hindi batay sa aktwal na nagaganap sa kalikasan kundi batay lamang sa kanyang pananaw, sa kanyang pandama.
Dahil hindi niya maipaliwanag ang kalikasan, ginawa niya itong kababalaghan. Binalutan ng misteryo. Binigyan ng ispiritwal na kahulugan. Halimbawa, dahil hindi niya maarok ang mga araw at bituin, ito’y kanyang sinamba. Dahil hindi niya alam ang tunay na dahilan kung bakit may kulog at kidlat, ginawa niya itong ngitngit ng kung sinong bathala sa langit. Ang misteryo ng kalikasan ay lalo niyang ginawang misteryoso.
Mula sa misteryosong pananaw na ito sa kalikasan ay nabuo ang isang pilosopiyang nakabatay sa misteryo. Ito ang idealismo. Nagsimula ang pilosopiyang ito sa mga kultismo ng unang panahon at humugis bilang iba’t ibang porma ng relihiyon.
Ang idealismo, sa esensya, ang pananaw na ang kinikilalang mapagpasya sa daigdig ay ang mga ideya, hindi ang realidad na umiiral sa labas ng isip ng tao. Umabot pa nga ito sa isang antas na hindi nito kinikilala na ang kalikasan o ang materyal na daigdig ay umiiral nang labas o hiwalay sa isip ng tao. Ang pinakamasahol, ang realidad ay kathang‑isip lang ng tao.
Namamayagpag ang ganitong tipo ng idealismo sa kabila ng malalaking pag‑unlad sa kaalaman at syensya ng lipunan. Sa pananaw ng idealismo, ang kalikasan ay likha ng isang kapangyarihang labas sa kalikasan. Kung gayon, ito’y nauna sa kalikasan at siyang katotohanan. Ang kaayusan ng kalikasan ay batay sa disenyo ng kapangyarihang ito.
Pero kahit sa panahong kulang na kulang pa ang kaalaman ng lipunan sa kalikasan, may mga taong nagsimula nang bumaklas sa ganitong pananaw sa daigdig. Sila’y nanindigan nang salungat sa idealismo batay sa antas ng syensyang inabot ng lipunan.
Ang salungat ng pananaw o pilosopiyang ito ay ang tinatawag na materyalismo. Sa pinakasimpleng kahulugan, ito’y ang paninindigan sa kung ano ang totoo at ang totoo ay ang realidad ng materyal na daigdig.
Ang kabilang pilosopiya ay tinawag na idealismo dahil ito’y nagsisimula sa ideya o daigdig ng kaisipan. Ang katunggaling pilosopiya ay tinawag na materyalismo dahil ito’y nagsisimula sa materyal na daigdig o realidad.
Ang materyalismo ay ang pananaw na ang kalikasan, ang materyal o totoong daigdig ay umiiral sa labas at hiwalay sa isip ng tao, at ang kaisipan ng tao ay repleksyon lamang ng panlabas na daigdig. Ang katotohanan ay ang realidad ng panlabas na daigdig at ibang usapin kung ang katotohanang ito’y wastong nasasalamin ng isip ng tao. Ang ganitong pilosopiya ay naninindigang ang materyal na daigdig ay magagawang unawain ng isip ng tao at ang tungkulin ng tao ay magpursiging alamin ang katotohanang ito.
Ang mga pag‑unlad ng syensya at teknolohiya ang katibayan ng materyalistang pananaw. Pinabubulaanan nito ang mga lohika ng idealistang pananaw at pinatutunayan na ang daigdig ay magagawang unawain ng isip ng tao at batay sa wastong pag‑aaral ay mapagsisilbi sa mga pangangailangan ng tao.
Ang materyalismo ay isang pananaw na nakabatay sa realidad samantalang ang idealismo ay isang pananaw na nakabatay sa imahinasyon.
Mula’t sapul ay walang tigil ang tagisan sa pagitan ng dalawang pananaw na ito sa daigdig.
Sa kasaysayan ng labanang ito, ang idealismo ay laging kasangkapan ng mga uring mapagsamantala para bigyan katwiran ang kanilang paghahari, ikubli ang katotohanan ng pagsasamantala, at alipinin ang kaisipan ng masa.
Humahabi ito ng kung anu‑anong kaisipan para bigyan katwiran ang mga pang‑aapi sa lipunan. Pabulaanan ang pagsasamantala ng mga naghahari. Ipatanggap sa masa ang kanilang pagkaalipin. Isang halimbawa nito’y ang pangangaral na “mapalad ang mahirap sapagkat mamanahin niya ang kaharian ng langit.”
Ngunit dahil sa malalaking pagsulong ng syensya at teknolohiya, patuloy ang pagkabulok at pag‑atras ng idealismo habang patuloy ang pag‑abante at paglaganap ng materyalistang pananaw.
Halos kalansay na lang ang nalalabi sa idealismo sa larangan ng pag‑aaral ng kalikasan dahil sa pag‑abante ng syensya. Pero sa pag‑aaral ng lipunan, namamayagpag pa rin ang kaluluwa nito — ang krudong paniniwalang ang ideya o isip ang mapagpasya, hindi ang sariling mga batas ng pag‑unlad ng mga pwersa’t relasyon sa loob ng lipunan.
Ang paniniwalang ang mga kasamaan sa lipunan ay mauugat hindi sa kalikasan ng sistema kundi sa likas na kasamaan ng tao ay halimbawa ng idealistang pananaw sa pagbabagong panlipunan.
Para sa idealismo, ang mapagpasya ay hindi ang panloob na pagbabago ng lipunan kundi ang pagbabago ng kalooban ng tao. Ang pang‑aapi ay halinhan ng pagmamahal, ang panloloko ay palitan ng kabutihan, at iinam ang takbo ng lipunan. Para sa idealismo, paapawin lang sa puso, budhi o isip ng bawat tao ang eternal na mga konsepto ng hustisya, kalayaan at pagmamahal ay magiging matiwasay ang buong mundo.
Ang kahulugan nito’y magmahalan lang ang mga manggagawa’t kapitalista, ang mga asendero’t magsasaka ay liligaya na ang lipunan kahit hindi binabago ang kanilang aktwal na mga relasyon sa produksyon o katayuan sa lipunan. Ang pinapansin lang nito’y ang kasakiman ng isang indibidwal na asendero o kapitalista hindi ang katotohanang ang mismong pagiging asendero o kapitalista ay mapagsamantala.
Sa ganitong pananaw, magiging maligaya ang mga uring mapagsamantala dahil patuloy silang mabubuhay sa pawis ng iba habang ang kaligayahan ng mga uring pinagsasamantalahan ay nasa antas lang ng imahinasyon hindi sa kanilang tunay na sitwasyon. Ito ang idealismo — ang realidad ay nasa isip kaya’t ang pagbabago nito’y nasa isip.
Ang mga tiwarik na pananaw sa daigdig ng idealismo ay tinunggali ng mga unang materyalistang pilosoper bago pa kay Karl Marx. Ang materyalismo bilang pilosopiya ay may kasaysayan na ng ilandaang taong pag‑unlad nang ito’y yakapin ni Marx bilang pananaw sa daigdig.
Ngunit bilang isang tunay na materyalista, pinaunlad niya ito bilang pangkabuuan o integral na pananaw sa daigdig. Ito’y kanyang pinalalim bilang syentipikong pananaw sa pag‑aaral ng mga batas ng pag‑unlad ng kalikasan. Pinasaklaw sa pag‑aaral ng mga batas ng pag‑unlad ng lipunan. Pinanday bilang sandata ng uring manggagawa sa pagtupad sa kanyang istorikal na misyon sa pagbabagong panlipunan alinsunod sa batas ng kasaysayan.
Ang pagpapalalim at pagpapaunlad na ito ni Marx sa materyalistang pilosopiya bilang isang integral na pananaw sa daigdig, bilang syentipikong teorya ng pag‑unlad ng kalikasan at lipunan, at bilang makauring ideolohiya ng proletaryado ang kabuuan ng Marxistang pilosopiya. Ang materyalismo ni Karl Marx ang tinatawag na dayalektiko at istorikong materyalismo, at ito’y lubos na naglilingkod sa interes ng uring manggagawa at masang anakpawis bilang sandata ng kanyang malayang kaisipan laban sa pang‑aalipin.
Ang pagkamangha sa mga nagaganap sa kanyang paligid at ang pagsisikap na unawain at ipaliwanag ito ay laging laman ng isip ng tao.
Ang mga tao ng sinaunang panahon ay namangha sa apoy na likha ng kidlat at ito’y kanyang sinikap na pag‑aralan. Hanggang sa ito’y kanyang maintindihan, matutunang gawin at gamitin. Mula’t sapul, ang tao’y namamangha sa kalawakan. Ito’y walang tigil na pinag‑aralan hanggang sa marating ng tao ang kalawakan.
Sa bahagi ng mga pilosoper, ang kanilang paghahanap ng kaalaman ay hindi nakatuon lang sa partikular na mga bagay o pangyayari sa daigdig.
Ang kanilang hinahanap ay ang pangkalahatang paliwanag sa pag‑iral at pag‑unlad ng kabuuan ng kalikasan. Ang iisang katangian na magpapaliwanag sa mga pagbabagong nagaganap sa kabuuan ng kanyang paligid, ang unibersal na batas na mistulang sinulid na tumatahi sa mga pangyayari sa daigdig.
Sa mga idealista, ang kasagutan at paliwanag sa misteryo ng kalikasan ay kanilang hinahanap hindi sa mismong kalikasan. Hinahanap nila ito sa labas ng kalikasan — sa isang ispiritwal na kapangyarihang may likha ng lahat o sa kaloob‑looban ng mapanlikhang labaratoryo ng kanilang utak.
Ipinaliwanag ng marami ang misteryo ng daigdig sa pamamagitan ng isa pang misteryo. Ang iba nama’y ipinaliwanag ito sa pamamagitan ng simpleng lohika ng pag‑iisip.
Ang ganitong pamamaraan o paliwanag sa pag‑iral at pag‑unlad ng kalikasan o materyal na daigdig ang tinatawag na metapisiko o sa literal na kahulugan — labas at lampas sa pisikal na daigdig.
Hinahanap ng metapisiko ang mga paliwanag hindi sa loob ng kalikasan ng isang bagay o pangyayari kundi sa labas nito. Metapisikal ang saligang paraan ng pag‑aaral at paliwanag ng idealismo sa kalikasan, lipunan at tao.
Hindi maiintindihan kung bakit ang tubig ay magiging yelo o usok sa ilalim ng isang takdang lamig o init kung metapisikal ang magiging paraan ng pagsusuri sa pagbabago nito. Ibig sabihin, hindi masasapol ang ugnayan sa pagitan ng panloob na kalikasan ng tubig at panloob na kalikasan ng lamig o init.
Habang panahon ay magiging alipin ng kalikasan ang tao kung simpleng ipaliliwanag ang pagsabog ng bulkan at paglindol sa ilalim ng lupa bilang parusa sa kasalanan ng tao. Habang panahong magiging alipin ang masang anakpawis kung paniniwalaang ito talaga ang guhit ng palad at gulong ng buhay.
Nananalaytay sa sistema ng metapisiko ang ganitong pamamaraan ng pagsusuri na nagdidiin sa panlabas na mga dahilan, mga panlabas na koneksyon ng mga bagay at pangyayari. Bunga nito, hindi maipaliwanag ng metapisiko ang kalikasan ng pag‑unlad at pagbabago na aktwal na nagaganap sa materyal na daigdig.
Kahit sa pag‑aaral ng lipunan ay ganito ang metapisikong paraan. Ang mga kasamaan sa lipunan ay dahil sa likas na kasamaan ng tao, sa paglihis ng tao sa mga unibersal na konsepto ng kabutihan o moralidad.
Kung saan nagmula ang kasamaang ito ng tao, kung saan nagmula ang pamalagiang mga pamantayang ito ng moralidad ay muling ipaliliwanag ng metapisiko sa panlabas na mga dahilan na ang laging dulo ay ang abstrakto o ispiritwal na daigdig.
Dahil ang pananaw ng metapisiko ay hindi panloob ang pag‑unlad ng mga bagay kundi panlabas, ang kongklusyon nito’y ang mga bagay ay hindi tunay na nagbabago sa kaibuturan kundi nagpapalit lang ng mga anyo.
Nadadagdagan o nababawasan. Naglilipat‑lipat ng pwesto. Umiikut‑ ikot at nag‑uulit‑ulit. Pero nananatili ang dating kalikasan. Ito ang esensyal na teorya ng metapisiko hinggil sa mga batas ng pag‑ unlad ng kalikasan pati ng lipunan.
Sa malalaking pagsulong ng syensya, laluna ang eksaktong mga sangay nito, halos wala nang tuntungan ang ganitong metapisikong teorya ng pag‑unlad. Pero sa larangan ng mga syensyang panlipunan, malakas pa rin ang metapisikong impluwensya.
Kung ang metapisiko ay may pag‑atras sa maraming prontera ng syensya, ito’y nagpapalalim ng trensera sa panlipunang pag‑aaral. Ito’y dahil ang metapisikong kaisipang idealista ang pang‑ideolohiyang depensa ng reaksyonaryong sistema.
Sa batayan ng syentipikong kaalaman ay tumining ang materyalistang pananaw sa daigdig. Bawat pag‑abante ng syensya ay pagtibag sa metapisikal na mga paliwanag sa pag‑unlad at pagpapatatag ng pundasyon ng materyalistang pilosopiya.
Si Marx, sa lahat ng pilosoper, ang nakagawa ng mapagpasyang hakbang para pagsanibin ang pilosopiya at syensya sa pamamagitan ng teorya ng pag‑unlad na tinawag niyang dayalektikong materyalismo.
Pinalalim ni Marx ang pilosopiya sa antas ng syensya at tumangging pangibabawan nito ang syensya di gaya ng mga pilosoper na nauna sa kanya. Higit sa lahat, dinala niya ito sa masa.
Para kay Marx, ang daigdig ay di dapat intindihin bilang isang kulumpon ng permanenteng mga bagay kundi kombinasyon ng mga proseso na pumapailalim sa walang tigil na mga pagbabago at pag‑unlad, ng pag‑iral at paglaho.
Para sa dayalektikong materyalismo, walang pinal, absoluto, sagrado. Ang lahat ng bagay ay laging sumasailalim sa walang tigil na pagbabago.
Kaakibat ng pag‑iral ng isang bagay ay ang kanyang paglaho, at ang paglitaw ng bagong proseso sa mas maunlad na antas. Kasabay ng kanyang pagiging isang bagay ay ang kanyang pagiging ibang bagay.
Ang dayalektikong lohikang ito ang wastong nagpapaliwanag sa pag‑unlad ng kalikasan at ito’y sinusuportahan ng ispesyalisadong mga pag‑aaral ng lahat ng sangay ng syensya. Kaya’t ang dayalektika ni Marx ay ang syensya ng pangkalahatang mga batas ng pag‑unlad o pagbabago, kapwa ng materyal na daigdig sa labas ng isip ng tao, ng mismong pag‑iisip ng tao at kanyang buhay sa lipunan.
Tinawag itong dayalektikong materyalismo dahil ang esensya ng ganitong pananaw ay ang pagsapol sa panloob na mga kontradiksyon sa loob ng mga bagay o pangyayari. Ang batas ng kontradiksyon ang tunay na nagpapaliwanag sa walang tigil na paggalaw, pag‑unlad at pagbabago ng materyal na daigdig.
Ang salitang “dayalektiko” ay nagmula sa salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “magtalo” o “magsalungatan”. Ang dayalektikong pamamaraan ni Marx ay hinalaw at pinaunlad niya mula sa dayalektika ni Hegel, isang bantog ng pilosoper na Aleman.
Ngunit ito’y kanyang “binaliktad” dahil nakatindig ito ng tiwarik — nakatayo sa ulo, nakabatay sa paghahari ng ideya, batay sa idealismo. Ito’y kanyang itinayo sa pundasyon ng materyalismo.
Ang kaluluwa ng metapisiko ay ang misteryo ng eksternal na pwersa sa labas ng mga bagay. Ang esensya ng dayalektika ay ang teorya ng pagbabago bunga ng mga salungatan sa loob ng mga bagay.
Ang pangunahing sinasalungat ng dayalektikal na pananaw ay ang pagtinging istatiko at kantitatibo ng metapisikal na teorya sa pag‑unlad ng daigdig bunga ng pagtatangkang ipaliwanag ang pag‑unlad na ito sa panlabas na mga dahilan.
Sa pananaw ng dayalektika, walang tigil ang pagbabago sa loob ng mga bagay o pangyayari dahil walang tigil ang tunggalian ng magkakasalungat na kalikasan sa loob nito.
Ang unti‑unti o kantitatibong pagbabago ay resulta ng unti‑unting pananaig ng isang katangian laban sa katunggaling katangian, ng isang aspeto laban sa katunggaling panig sa aspeto ng isang bagay o pangyayari.
Ang pagbabago sa kalidad ay resulta ng ganap na pananaig ng katunggaling aspeto o kalikasan. Nagaganap ang pangkalidad na pagbabago o nagiging iba kaysa dati ang isang bagay dahil ito’y nasa kanyang kalikasan. Umiiral sa loob mismo ng parehas na bagay ang kanyang kaibhan.
Kung hindi umiiral sa loob mismo ng parehas na bagay ang kanyang kaibhan, ang kanyang naiibang katangian, ang kanyang kapasidad na magbago, hindi ito magkakaruon ng pagbabago. Ito ang ibig sabihin ng salungatan sa loob ng isang bagay.
Katunayan, kung wala ang batas ng kontradiksyon, ni hindi magkakaruon ng pag‑iral at pagbabago ang materyal na daigdig. Bawat bagay ay may kakanyahan o katangian, bawat bagay ay may kasaysayan o dinaanang proseso ng pagbabago.
Kung bawat bagay ay may kakanyahan, ibig sabihin, ito’y may kaibhan. Kung bawat bagay ay may kasaysayan, ibig sabihin ito’y may pinagsimulan at may katapusan. Magkalakip ang ganitong kalikasan ng mga bagay.
Nasa kakanyahan at kaibhan ng isang bagay ang kanyang pag‑iral. Ganito ang isang bagay dahil dati siyang hindi ganito. Batay sa ganitong katangian ng isang bagay, ibig sabihin, mayruon siyang dinaanang kasaysayan.
Kung bawat bagay ay may kasaysayan, bawat bagay ay may pinagmulan at katapusan. Pero sa kabilang panig, ang ibig sabihin nito’y ang materyal na daigdig ay walang hanggan, walang pinagsimulan at walang katapusan, may eternal na pag‑iral.
Walang pinagsimulan at walang katapusan ang materyal na daigdig dahil hindi ito maaring magsimula sa wala at magwakas sa wala. Wala itong katapusang paghahanap sa pinagsimulang dulo at pagwawakasang kabilang dulo. Ito ang dayalektika ng materyal na daigdig. Ito mismo ang batayan ng materyalismo.
Bilang gabay sa pagsusuri, ang kabuluhan ng dayalektikong materyalismo ay ang pagtuturong laging magsimula sa realidad hindi sa mga haka‑haka, at tanawin ang mga bagay sa kanyang paggalaw, pag‑unlad o pagbabago.
Laging hanapin ang kongkretong mga salungatan sa loob ng mga bagay na nagiging dahilan ng pag‑iral at pagbabago nito at sapulin ang makabago’t progresibong aspeto.
Sa paghahanap sa magkakasalungat na aspeto, ang dapat pagsimulan ay ang mismong realidad at kung ano ang depinidong bagay at kalikasang pinag‑aaralan. Ibig sabihin, ano ang mga aspeto o salik na magkakasalungat na nagtatakda sa kakanyahan at kaibhan, ng pag‑iral at pagbabago ng sinusuring bagay o pangyayari.
Laging subaybayan ang dahan‑dahang mga pagbabago sa proseso ng pag‑unlad ng mga bagay at tukuyin ang antas ng biglaang pag‑igpaw ng kalidad.
Dito’y ang mahalaga’y ang pagkakasapol sa kasaysayan ng isang bagay at kalikasan ng magkakatunggaling aspeto, ang pinagsimulan, ang dinaanang pag‑unlad, at ang direksyong tinutungo ng pagbabago ng bagay.
Laging pag‑aralan ang makabagong mga paraan ng syentipikong pag‑aaral dahil ito ang pamamaraan ng dayalektikong materyalismo.
Ang pamamaraan ng dayalektikong materyalismo ay hindi lamang ang pag‑aaral sa mga kontradiksyon. Ang dayalektikong materyalismo ay ang syentipikong paraan ng pag‑aaral sa kalikasan, pag‑unlad at pagbabago ng anumang bagay. Lahat ng wasto at syentipikong paraan ng pag‑aaral ay dapat maging bahagi’t rekisito sa aplikasyon ng dayalektikong materyalismo.
Bilang unibersal na teorya ng pag‑unlad, dapat lamang gamitin ang dayalektikong materyalismo bilang integral na pananaw na gumagabay sa lahat ng pag‑aaral at praktikal na gawain, sa lahat ng aspeto ng buhay.
Batay sa pag‑aaral ng mga batas ng pag‑unlad ng kalikasan, pinag‑aralan ni Marx ang mga batas ng pag‑unlad ng lipunan.
Bunga ng mga pag‑aaral na ito, nabuo niya ang materyalistang pagtanaw sa kasaysayan ng lipunan o ang istorikong materyalismo.
Ang istorikong materyalismo ang aplikasyon ng dayalektikong materyalismo sa pag‑aaral ng kasaysayan ng lipunan, sa pagsusuri ng paglitaw, pag‑unlad at pagbagsak ng iba’t ibang sosyo‑ekonomikong sistema.
Mapanlikhang inilapat at pinagsanib ni Marx sa pag‑aaral ng lipunan ang unibersal na mga prinsipyo ng materyalismo at dayalektika.
Sa pamamagitan ng materyalismo, nasapol niya ang tamang relasyon sa pagitan ng kaisipan ng tao na gumabay sa kanyang mulat na pagpapatakbo sa lipunan at sa materyal na kondisyon ng lipunan na siyang tunay na nagtatakda ng paggalaw ng tao sa entablado ng kasaysayan at ng mismong mga institusyong kanyang binuo sa ibabaw ng lipunan.
Sa pamamagitan ng dayalektika, nasapol niya ang pundamental na mga kontradiksyong bukal sa pagbabago at pag‑unlad ng lipunan, ng paglitaw at paglaho ng iba’t ibang sosyo‑ekonomikong sistema. Una’y ang kontradiksyon sa pagitan ng relasyon sa produksyon at mga pwersa sa produksyon ng lipunan. Ikalawa’y ang walang tigil na tunggalian ng mga uri na nagsisilbing motor ng pagsulong ng kasaysayan mula nang sumibol ang lipunang makauri.
Ayon sa materyalismo, ang kaisipan ng tao, sa pangunahin, ay resulta at repleksyon ng kanyang materyal na paligid, hindi ang kabaliktaran nito.
Ang aplikasyon ng materyalistang aral na ito sa kasaysayan ay ang paliwanag na ang pagtingin ng tao sa lipunan ay batay sa kanyang buhay sa lipunan. Kung nais nating alamin ang kasaysayan at katotohanan ng mga kaisipang panlipunan, dapat itong sunsunin sa kanilang pinagsibulan — sa buhay panlipunan.
Ang opinyon sa isang indibidwal ay di dapat ibatay sa kanyang palagay sa kanyang sarili. Gayundin dapat ang paghuhusga sa isang sistemang panlipunan. Di ito dapat husgahan batay sa mga pananaw ng lipunan sa kanyang sarili.
Ang dapat direktang pag‑aralan ay ang materyal na mga kondisyon ng lipunan na pinagsibulan ng mga kaisipan at institusyon nito.
Ayon sa dayalektika, ang pag‑unlad ng mga bagay ay nasa kanilang panloob na kalikasan, at ang kanilang pagbabago ay bunga ng panloob na mga kontradiksyon.
Ang aplikasyon ng dayalektikal na batas na ito sa lipunan ay ang pagsapol sa panloob na kalikasan ng sistema ng produksyon ng lipunan at sa pagbabago nito batay sa kontradiksyon sa pagitan ng mga relasyon at pwersa sa produksyon, at sa batas ng tunggalian ng uri.
Punong‑puno ng mabubuting intensyon ang tao para sa lipunan. Ang landas ng kasaysayan ay namumutiktik sa magigiting na mga indibidwal.
Ngunit ang pag‑unlad ng lipunan at kasaysayan ay may sariling martsa ng pagsulong na di basta mababago ng mga intensyon gaano man kadakila o ng mga indibidwal gaano man kagiting. Ang mga ito’y eksternal na ekspresyon o kondisyon lang ng panloob na pagsulong ng lipunan.
Ang magkakaibang intensyon ng tao, ang nagtatagisang mga karakter sa drama ng kasaysayan ay likha ng likas na mga kontradiksyon sa loob ng lipunan. Ang kasaysayan ang may likha ng mga bayani, hindi ang mga bayani ang may likha ng kasaysayan.
Ang ganitong pananaw ang malaking kaibhan ng istorikong materyalismo sa naunang mga teorya sa kasaysayan bago kay Marx.
Nagsisimula ang mga teoryang ito sa pagsusuri sa mga ideya, sa mga motibo, sa mga intensyon ng mga tao sa kanyang paggalaw sa lipunan. Nagwawakas ito sa pagtatanghal sa namumukod na papel ng mga indibidwal sa paglikha ng kasaysayan.
Ipinaliliwanag nito ang kasaysayan batay sa naunang mga paliwanag rin ng tao at ginagawang mapagpasya sa takbo ng kasaysayan ang aksyon ng magigiting na indibidwal.
Ang pinag‑aralan ng mga teoryang ito ay ang umiiral nang mga pananaw ng tao sa lipunan, ang kanyang itinayong mga institusyon sa ibabaw ng lipunan, at ang pagbabagu‑bago ng mga pananaw at institusyong ito sa paggulong ng kasaysayan.
Ngunit, kaysa sunsunin kung bakit nagbabagu‑bago ang mga pananaw at institusyong ito ng tao sa pagbabagu‑bago ng lipunan, ang tanging nagagawa ng mga teoryang ito ay paghambingin ang mga ito at husgahan kung alin ang mas mahusay.
Inuusig nito ang kasaysayan sa unibersal na hukuman ng moralidad at hinusgahan batay sa eternal na mga sukatan ng rason at hustisya, sa abstraktong mga konsepto ng kalikasan ng tao.
Inuugat nito ang mga kasamaan sa lipunan sa paglabag ng tao sa mga eternal na konsepto ng kabutihan at katarungan hindi sa kalikasan at limitasyon ng umiiral na kaayusang panlipunan.
Inuukit nito ang kasaysayan mula sa talambuhay ng dominanteng mga indibidwal sa lipunan at sila ang itinatanghal na tagaukit ng kasaysayan ng sangkatauhan.
Kung tama ang mga teoryang ito, ang kailangan lang pala’y isinilang nang mas maaga ang isang ubud nang giting na indibidwal, hinagupit ang sangkatauhan na sumunod sa batas ng katarungan, at nakatipid sana ang kasaysayan ng ilang libong taon ng pagsasamantala ng tao sa tao. Sana’y di nagkaruon ng sistemang alipin, pyudal at kapitalista.
Ang ganitong idealista at metapisikal na pananaw sa kasaysayan ang itinutuwid at binabaka ng istorikong materyalismo.
Kinikilala ng istorikong materyalismo ang kahalagan ng kaisipan at indibidwal sa pagbabago ng materyal na daigdig. Katunayan, may antas sa istorikal na pag‑unlad, halimbawa ng lipunan, na mapagpasya ang papel ng ideya at lider.
Pero ang kanilang kahalagahan o mapagpasyang papel ay depende kung ang nilalaman ng ideya o ginagawa ng lider ay umaayon sa batas ng pag‑unlad ng binabagong lipunan.
Para kay Marx, bago mag‑isip ang tao ng ibang bagay, kailangan niya munang mabuhay o pag‑isipan ang kanyang ikabubuhay. Kailangan niyang kumain at buhayin ang kanyang pamilya, at magkaruon ng proteksyon sa kalikasan.
Ang materyal na reproduksyon ng kanyang buhay, ang produksyon ng kanyang materyal na ikabubuhay sa araw‑araw — ito ang saligang kondisyong nagbubunsod sa aktibidad ng tao at ng lipunan. Ang relasyon ng mga tao sa isa’t isa ay dito pangunahing umiinog at ang kanyang mga kaisipan ay dito tunay na nakapundar.
Sa ganitong napakasimpleng katotohanan dapat magsimula ang anumang pag‑aaral ng lipunan at kasaysayan. Sa esensya, ang kasaysayan ang aktibidad ng tao sa kanyang pagsisikap na mabuhay at mapaunlad ang buhay sa lipunan. Ang tema ng istorikong materyalismo ay ang ganitong pag‑aaral ng kasaysayan.
Ang tao ay nabubuhay sa isang lipunan dahil kailangan niya ang lipunan para mabuhay. Siya’y nabubuhay sa pamamagitan ng produksyon ng lipunan, sa kaparaanan ng produksyong panlipunan.
Ito’y isang produksyong nagaganap sa pamamagitan ng pag‑uugnayan ng mga tao sa isa’t isa. Mga ugnayang pangkabuhayan na obligado niyang pasukin para mabuhay. Ang pag‑uugnayan ng mga tao sa prosesong ito ng produksyong panlipunan ang tinatawag na mga relasyon sa produksyon.
Sa kanyang paglahok sa produksyon, ang mga tao ay pumapaloob sa depinidong mga relasyon sa produksyon na hindi ang sarili nilang kagustuhan ang nagtatakda. Ito’y itinatakda ng at umaayon sa depinidong yugto ng pag‑unlad ng mga pwersa sa produksyon ng lipunan. Ang mga pwersang ito’y ang mga taong kasangkot sa produksyon at ang mga kagamitan para dito.
Ang kabuuang ng mga relasyon sa produksyon pati ang mga pwersa sa produksyong katugma nito ang bumubuo sa istrukturang pang‑ekonomya ng lipunan o sistema ng produksyon. Sa pundasyon ng sistemang ito sumisibol ang ligal at pulitikal na mga istruktura at dito’y umaayon ang depinidong mga porma ng kaisipang panlipunan.
Sa esensya, umiinog ang mga usapin ng relasyon sa produksyon sa usapin ng pag‑aari ng mga kagamitan sa produksyon kaya’t ang ligal na ekspresyon nito’y tinatawag na mga relasyon sa pag‑ aari.
Ang relasyon sa produksyon ay relasyon sa pag‑aari. Kung ano ang depinidong mga relasyon sa pag‑aari sa isang lipunan, gayundin ang mga relasyon sa produksyon.
Ang unang‑unang tipo ng lipunan ng tao ay ang tinatawag na primitibong komunal na lipunan.
Sa primitibong lipunan, ang mga kagamitan sa produksyon ay pag‑ aari ng buong tribu o komunidad.
Dahil pag‑aari ng lahat ang mga kagamitan sa produksyon, ang buong tribu ang tuwirang kalahok sa produksyon at ang bunga ng kanilang pagtatrabaho ay para sa buong tribu.
Ang kanilang relasyon sa produksyon ay tinatampukan ng sama‑ samang paggawa at pantay‑pantay na partihan. Nang ang komunal na pag‑aaring ito ng mga kagamitan sa produksyon ay halinhan ng pribadong pag‑aari, ang mga relasyon ng tao sa produksyon at mismo ang kabuuan ng mga panlipunang relasyon ay ganap ring nagbago.
Ang unang sistemang panlipunang nakabatay sa pribadong pag‑aari ay ang lipunang alipin.
Sa ilalim ng sistemang alipin, pag‑aari ng mga panginoong may‑ alipin di lang ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan. Pati ang mismong buhay ng mga alipin ay kanilang pag‑aari.
Kaya’t ang relasyon sa produksyon ay ang kalagayang tanging ang alipin ang nagtatrabaho at kahit isang butil ay wala siyang karapatan sa produkto ng kanyang trabaho.
Ito’y dahil bukod sa wala siyang pag‑aaring kagamitan sa ikabubuhay, mismo ang kanyang buhay ay hindi kanya. Nasa pagpapasya ng panginoong may‑alipin kung siya’y pakakainin para mabuhay at patuloy na makapagtrabaho.
Kung sa pananaw ng kanyang panginoon ay wala na siyang pakinabang, may karapatan siyang patayin o kaya’y ipagbili ang kanyang alipin.
Nang mawasak ang sistemang alipin, pinalitan ito ng lipunang pyudal.
Sa ilalim ng sistemang ito, ang mga panginoong may‑alipin ay pinalitan o naging mga panginoong maylupa. Ang pag‑aari nila ay ang lupa hindi ang tagabungkal nito.
Dahil ang ikinabubuhay ng lipunan ay pagbubungkal ng lupa, ang mga magsasaka para mabuhay ay obligadong pumasok sa ganitong relasyon sa produksyon na sila ang tagabungkal ng lupang pag‑ aaari ng iba.
Kinakamkam ng panginoong maylupa ang malaking parte ng produkto ng pagbubukal ng magsasaka at sapat lamang ang iniiwan para mabuhay ang magsasakang alipin sa lupa.
Pinalitan ng lipunang kapitalista ang sistemang pyudal.
Sa ilalim ng sistemang ito, ang pabrika ang pangunahing instrumento sa produksyon. Ito’y pag‑aari ng mga kapitalista o ang tinatawag na burgesya.
Dahil ang pangunahing ikinabubuhay sa kapitalismo ay pagtatrabaho sa mga pabrikang ito, ang taong walang pag‑aaring kasangkapan sa produksyon o ibang propesyon, ay walang ibang ikabubuhay kundi ang magtrabaho sa mga pabrikang ito.
Sa pagtatrabaho dito, obligado silang pumasok sa kapitalistang relasyon sa produksyon na ang tampok na katangian ay ang pagbebenta nila ng kanilang lakas paggawa kapalit ng sahod.
Ang ganitong relasyon sa produksyon ay sahurang pang‑aalipin. Ang manggagawa ay alipin ng kapital. Isang sahurang‑alipin dahil sa buong panahong nasa loob siya ng pabrika, ang kanyang lakas‑ paggawa ay pag‑aari ng kapitalista.
Pag‑aari ng kapitalista sapagkat binili niya ang lakas‑paggawang ito sa porma ng sahod. Dahil ito’y kanyang pag‑aari, kanya rin ang anumang halagang nalilikha nito na tinatawag na tubo.
Ang uring manggagawa ng modernong lipunan ang dating mga magsasaka ng sistemang pyudal. Mga magsasakang dating personal na pag‑aari ng mga panginoong may‑alipin. Ang dating ganap na alipin ng sinaunang panahon ay ginawang alipin sa lupa, at ngayon, sa makabagong panahon, ay ginawang alipin ng kapital, mga sahurang alipin.
Ang ganito bang naganap na pagbabagu‑bago ng mga pamamaraan ng pang‑aalipin, ng mga relasyon sa produksyon ng tao ay sadyang diniskubre at mulat na dinisenyo ng mapang‑aliping kalikasan ng tao? Sinadya ba ng tao ang pagkakaruon ng panginoong may‑alipin, pagkatapos ay panginoong may‑lupa, at sa huli’y panginoong maykapital?
Ang ganitong kasaysayan ng pagbabagu‑bago ng mga relasyon sa produksyon na dinaanan ng kasaysayan ng lipunan mula sa primitibong yugto hanggang sa modernong panahon ay nagpapatunay sa kahungkagan ng mga moralistang interpretasyon sa kasaysayan.
Ang ganitong kasaysayan ng pang‑aalipin ay nagpapatunay na hindi iniluwal ang isang bagong sistema sa sinapupunan ng luma batay sa isang unibersal at eternal na konsepto ng hustisya.
Kung tatanawin ang kasaysayan mula sa punto de bista ng kasalukuyan, nasaan ang hustisya ng lahat ng pang‑aaliping ito sa masang anakpawis?
Ang isang sistema ng lipunan ay hindi nalilikha batay sa isang konsepto ng moralidad at hustisya bagkus ang bawat partikular na lipunan ang lumilikha ng sariling moralidad at hustisya na nagbibigay katwiran sa kanyang paglitaw at paghahari.
Para kay Marx, ang bawat partikular na relasyon sa produksyon ay lumilitaw hindi dahil ito ang sadyang kagustuhan ng tao, at kung gayon, hindi mauugat sa kalikasan ng tao.
Itinatakda ito ng antas ng pag‑unlad ng mga pwersa sa produksyon sa bawat istorikal na yugto ng pag‑unlad ng lipunan. Umaayon ito hindi sa kagustuhan ng tao kundi sa antas ng pag‑unlad ng kakayahan at kagamitan ng tao sa produksyon.
Gayundin, ang pagbabago ng mga relasyon sa produksyon ay hindi rin idinidikta ng sariling kagustuhan ng tao. Nagaganap ito kapag ang lumang relasyon ay di na umaayon, bagkus nagiging sagabal na, sa pag‑unlad ng mga pwersa sa produksyon.
Ang isang bagong relasyong sa produksyon ay di kusang tumutubo sa kamalayan ng tao. Ito’y umuusbong sa sinapupunan ng lumang lipunan.
Ang kalikasan ng bagong relasyon ay hindi umaalinsunod sa lawak ng imahinasyon ng mga tagapagtaguyod nito bagkos itinatakda at nililimitahan ng kalikasan ng pag‑unlad ng bagong mga pwersa sa produksyon.
Nawasak ang primitibong lipunan dahil ang komunal na relasyon sa produksyon ay hindi na umaayon sa narating na antas ng pag‑unlad ng mga pwersa sa produksyon nito.
Sa pag‑unlad ng kapasidad at mga kagamitan sa produksyon ng primitibong lipunan, nalikha ang materyal na kondisyon sa pagkawasak nito.
Mula sa komunal na paggawa ng buong tribu ay lumitaw ang panimulang mga porma ng dibisyon at ispesyalisasyon sa paggawa bilang mas produktibong sistema ng produksyon.
Naganap ito batay sa pag‑unlad ng mga kagamitan at pamamaraan ng produksyon. Mula sa sama‑samang pangangaso at pagala‑galang pamimitas ng makakain ay natuto ang tribu na magtanim at maghayupan, at ibayong magpaunlad ng mga kagamitan at kasanayan para dito.
Nang umunlad ang produksyon ng tribu, nailatag ang materyal na kondisyon para matuklasan nito na mas produktibo ang manakop at mang‑alipin ng ibang tribu kaysa magtrabaho ng sarili.
Itrinansporma ng maunlad na tribu ang kanyang sarili bilang isang naghaharing tribu. Dito nagsimulang umunlad ang isang lipunang nahahati sa mga uri.
Ang pinakamalakas na tribu ang siyang nakapaghari. Ang nasakop na mga tribu ang siyang pinagharian. Ang una’y umunlad bilang uring mapang‑alipin at ang huli’y naging uring alipin.
Bago naabot ng lipunan ang isang antas ng pag‑unlad ng kakayahan sa produksyon, walang materyal na batayan para sa ganitong pang‑ aalipin ng tao sa tao, ng tribu sa tribu.
Ito’y sa dahilang wala pang kakayahan at kagamitan sa produksyon ang lipunan para buhayin ng isang seksyon ang buong lipunan habang ang isang seksyon ay hindi nagtatrabaho at palamunin lamang.
Bago nito, walang saysay ang magmantina ng bihag sapagkat dagdag lang itong pakakainin ng nakabihag na tribu. Ang produksyon ng tribu ay sapat lang o kulang pa nga para sa pangangailangan ng mga myembro nito.
Di maiiwasang umunlad ang kasanayan at kagamitan sa produksyon ng tao sa antas na may kapasidad na itong lumikha ng sobra sa indibidwal na pangangailangan.
Nang maabot ang kakayahang ang isang indibidwal ay maari nang lumikha ng labis sa kanyang sariling pangangailangan para mabuhay, nagkaruon ng batayan para sa pagsasamantala ng tao sa tao. Lumitaw ang pagsasamantalang ito sa paglitaw ng pribadong pag‑aari ng mga kagamitan sa produksyon.
Ang paglitaw na ito ng lipunang makauri ay pag‑abante di pag‑ atras ng kasaysayan ng lipunan maski nangahulugan ito ng paglitaw ng pagsasamantala at pagkawasak ng primitibong sistemang walang malay sa pang‑aalipin.
Ito’y pagsulong sapagkat ang lipunang alipin ay hamak na mas produktibo kaysa lipunang komunal sapagkat sa paraang ito’y pwersahang kinatas ang kapasidad sa produksyon ng mga alipin.
Bagamat ito’y walang kapantay sa dahas at kalupitan, pinaunlad nito ang kapasidad sa produksyon at kaukulang mga institusyon ng tao at lipunan.
Katunayan, ang paglitaw ng sistemang alipin ang tinatawag na panahon ng sibilisasyon — sibilisasyong nakabatay sa pang‑aalipin, sibilisasyong ipinundar ng mga alipin.
Ganito ang sistema ng lipunang nagtayo sa kaharian ng mga Pharaoh ng Egypt, sa sibilisasyon ng Greece, sa imperyo ng Rome.
Sa paglitaw ng lipunang nahahati sa uri, ng lipunang nakabatay sa pribadong pag‑aari at pagsasamantala sa pamamagitan nito, nailatag ang materyal na kondisyon at pangangailangan para sa isang armadong kapangyarihan na tumatayo sa ibabaw ng lipunan.
Ang eksaktong tawag dito ay estado, o gubyerno sa palasak na gamit.
Sa panahon ng primitibong lipunan, walang pangangailangan para lumitaw ang isang kapangyarihang gaya ng estado dahil walang seksyon ng lipunang paggagamitan ng armadong panunupil nito sa kalagayang pantay‑pantay at komunal ang pamumuhay.
Nakasasapat ang tinatawag na mga konseho ng matatanda ng mga tribu para pangasiwaan ang buong tribu batay sa mga tradisyon nito.
Ang mga konsehong ito ay walang sariling mga sundalo sapagkat ang buong tribu mismo ay armado. Di gaya ng isang estado na may sariling armadong pwersa na may awtoridad sa kabuuan ng di‑ armadong populasyon.
Ang konseho ng tribu ay nangangasiwa hindi gaya ng estado na naghahari sa ibabaw ng lipunan. Ang awtoridad nito sa tribu ay batay sa pwersa ng tradisyon at hindi batay sa pwersa ng armas at batas.
Kinailangan ng lipunang alipin ang isang estado dahil sa marahas na kalikasan ng lipunang ito. Ito’y isang lipunang nakabatay sa karahasan. Walang magpapaalipin kung wala ang ganitong dahas, at ang estado ay walang iba kundi isang organisadong makinarya ng karahasan ng uring mapang‑alipin laban sa mga uring inaalipin.
Ang ganitong marahas na kalikasan ng estado ay itinatakda ng marahas na kalikasan ng lipunang makauri. Walang seksyon ng populasyon ng lipunan ang papayag na maging biktima ng pagsasamantala kung wala ang ganitong makinarya ng karahasan na nagtatanggol sa ganitong sistema mapagsamantala.
Pinatutunayan ng istorikal na datos na ang kinamulatan nating ordinaryong kalakaran sa lipunan — ang pribadong pagmamay‑ari ng mga kagamitan sa produksyon, ang pagkakahati ng lipunan sa mga uri, ang estado bilang armadong kapangyarihan sa ibabaw ng lipunan, at ang pagsasamantala ng tao sa tao — lahat ng ito, ay may kasaysayan gaya ng dayalektikal na katotohanang ang lahat ng bagay sa daigdig ay may kasaysayan.
Ang pribadong pag‑aari, ang lipunang makauri, ang marahas na estado at ang pagsasamantala ng tao sa tao ay hindi sumibol kakambal ng tao nang siya’y lumitaw sa ibabaw ng mundo.
Hindi mga bagay na walang pinagsimulan at walang katapusan, at kung gayo’y eternal ang magiging pag‑iral. Katunayan, hamak na mas mahaba ang kasaysayan ng tao at lipunan na ito’y walang malay sa anumang konsepto ng pribadong pag‑aari, uri, estado at pagsasamantala.
Sinaliksik ni Marx ang kanilang kasaysayan, ibig sabihin, ang kanilang paglitaw sa isang partikular na yugto ng pagsulong ng lipunan. At batay sa unibersal na batas ng dayalektika, anumang bagay na lumilitaw ay tiyak rin na maglalaho sapagkat ito ang kalikasan ng batas ng pagbabago.
Sa pamamagitan ng istorikong materyalismo, sinunson ni Marx ang mga batas ng paglitaw, pag‑unlad at pagbagsak ng iba’t ibang sosyo‑ekonomikong sistema.
Sa kaparaanang ito’y kanyang napatunayang batay mismo sa panloob na batas ng pag‑unlad ng lipunan, na darating ang panahong ang lipunang makauri ay babagsak. Sa pagbagsak nito’y maglalaho ang pribadong pag‑aari, ang pagsasamantala ng tao sa tao at ang mapanupil na estado sa ibabaw ng lipunan.
Kung paano nawasak ang primitibong lipunan dahil sa kontradiksyon ng lumang relasyon sa produksyon at pag‑unlad ng mga pwersa sa produksyon, gayundin ang nangyari sa lipunang alipin at lipunang pyudal, at siyang nagaganap ngayon sa lipunang kapitalista.
Ngunit sa paglitaw ng makauring lipunan, isang pundamental na batas ng pag‑unlad ang kaakibat na lumitaw — ang batas ng tunggalian ng uri. Ayon kay Marx, ang kasaysayan ng makauring lipunan ay kasaysayan ng tunggalian ng uri.
Nawasak ang lipunang alipin nang ang relasyon sa produksyon ng sistemang ito, na sa simula’y nagpasulong sa lipunan at sa mga pwersa nito sa produksyon, ay sa bandang huli’y naging sagabal sa pag‑unlad at nagiging dahilan pa nga ng pagkawasak nito.
Ibayong umunlad sa ilalim ng sistemang alipin ang pinasimulang agrikultura ng primitibong lipunan. Tumuklas ng mga bagong paraan ng pagsasaka’t paghahayupan, mga bagong kasangkapan sa produksyon ng lipunan. Sa pamamagitan nito’y ginawang mas produktibo ang sistemang pang‑ekonomyang nakabatay sa aliping paggawa.
Ngunit ang pag‑unlad na ito ng mga pwersa sa produksyon ng sistemang alipin ang mismong naging dahilan ng pagkawasak ng mga relasyon sa produksyong nakabatay sa sistemang ito. Ang relasyon sa produksyong nakabatay sa aliping paggawa na sa simula’y nagpaunlad sa sistemang alipin sa bandang huli’y ay siya mismong umutas sa lipunang alipin.
Ang relasyon sa produksyon ng sistemang alipin ay nakabatay sa walang tigil na pagpapalago ng bilang ng mga alipin sa pamamagitan ng mga gera’t pananakop.
Sa ganitong paraan naitayo ang higanteng imperyo ng Rome na sumakop o sumaklaw hanggang sa kasabayan nitong malalaking kaharian sa Europe kasama ang England hanggang sa Aprika at Asya kabilang ang lupain ng mga Pharao ng Egypt na pawang nakabatay rin sa aliping paggawa.
Nagpaparami ng mga alipin para lalong makapang‑alipin. Ganito ang pag‑inog ng sistemang alipin.
Inuubos at winawaldas nito ang kayamanang likha ng aliping paggawa sa mga gera’t pananakop bukod sa luho ng mga panginoong may‑alipin.
Ganito ang kalikasan ng sistemang alipin — ang mambihag ng mas maraming alipin, ang manakop ng mas maraming lupain para alipinin. Hanggang sa nilamon ng sariling kontradiksyon ang ganitong sistemang nagsimulang bumagsak sa sarili nitong bigat gaya ng nangyari sa imperyo ng Rome.
Ang sistemang alipin ay di nakabatay sa partikular na pagpapaunlad ng mga pwersa at pamamaraan sa produksyon kundi sa simpleng pagpiga sa aliping paggawa hanggang sa ito’y masagad at sa pagpaparami ng mga bagong alipin sa pamamagitan ng gera’t pananakop.
Gayunman, sa sinapupunan ng sistemang alipin ay nagaganap ang sariling pag‑unlad ng mga pwersa sa produksyon at ang naiipong paghihimagsik ng masang alipin.
Sa mga lupaing sakop ng kaharian ng mga panginoong may‑alipin ay sumibol ang mga bagong pwersang panlipunang may sariling interes na salungat sa mga naghaharing uri.
Bagamat sila’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng naghaharing mga mananakop at nagmamay‑ari rin ng mga alipin, mas maituturing silang mga katiwala ng kaharian.
Sila ang pwersang may partikular na interes na paunlarin ang mga pwersa sa produksyon laluna’t sila mismo’y pinipiga ng lumalaking pangangailangan sa luho’t pananakop ng mga panginoong may‑alipin.
May partikular silang interes sa pagpapaunlad ng bagong relasyon sa produksyon dahil hindi naman sila ang tunay na nakikinabang sa lumang relasyon kundi ang naghaharing mga panginoong may‑alipin na abala sa pagtatampisaw sa luho’t gera.
Higit sa lahat, sila ang direktang saksi sa nagaganap na paghihimagsik ng masang alipin, sa pagkabulok at pagkawarat ng sistemang alipin.
Alam nilang di na ito matitiis na masang alipin at itinaya nila ang kanilang interes sa pagwasak ng lumang kaayusan.
Sinunggaban nila ang paghihimagsik at lakas ng masang alipin, ang kumukulong rebolusyong panlipunan sa sinapupunan ng sistemang alipin. Pinamunuan ang pagwasak sa sistemang nakabatay sa aliping paggawa.
Hanggang sila ang mailuklok bilang mga bagong naghaharing uri, hindi bilang mga panginoong may‑alipin kundi mga panginoong maylupa.
Sa pagkawasak ng relasyon sa produksyong batay sa aliping paggawa, nalagot ang kadenang nagtatali sa masang anakpawis bilang personal na pag‑aari ng panginoong may‑alipin na pwede nitong ipagbili, gutumin o patayin.
Ngunit kasabay nito, sila’y isiningkaw sa lupang kanilang binubungkal na monopolyo ng mga panginoong maylupa. Ngunit ang kanilang paglaya bilang indibidwal — bagamat nakatali sa lupa — at pagkakamit ng karapatan sa isang parte ng produkto ng kanyang pawis — gaano man ito kaliit — ay isang mapagpasyang pag‑unlad bilang pwersa sa produksyon.
Mula sa pagiging alipin, sila’y naging mga magsasaka sa ilalim ng isang bagong relasyon sa produksyon — ang pyudalismo. Ang terminong pyudalismo ay mula sa salitang Latin, feudum, na siyang tawag sa mga lupaing pinamahagi ng hari sa kanyang mga alipures o katiwala kapalit ng kanilang katapatan.
Sa ilalim ng pyudal na kaayusan, ang dating malalawak na kaharian ng mga panginoong may‑alipin ay hinati‑hati sa mga teritoryong pinaghaharian naman ng mga panginoong maylupa.
Nanatili ang kapangyarihan ng indibidwal na mga hari at nobilidad gaya ng kapanahunan ng sistemang alipin. Pero ang tunay na kapangyarihang pang‑ekonomya at pampulitika ay nasa kamay na ng mga panginoong maylupa. Mismo ang mga hari’t nobilidad na ito ang naging pinakamalalaking panginoong maylupa.
Saligang katangian ng pyudal na kaayusan ang nagsasariling tipo ng ekonomya na umiinog sa paggawa ng magsasaka, sa indibidwalisadong produksyon.
Ito’y isang lipunan ng mga indibidwal na prodyuser na sa saliga’y para sa sariling konsumo ng magsasaka at kanyang panginoon, at limitadong produksyon at palitan ng mga kalakal sa pagitan ng mga indibidwal na prodyuser at sa pagitan ng nayon at syudad.
Sa ilalim ng pyudal na kaayusan, ang mga instrumento ng paggawa — ang lupa, ang mga kasangkapan sa pagsasaka, ang maliliit na talyer at ang simpleng mga kasangkapan dito — ay mga instrumento ng paggawa ng nagsosolong indibidwal.
Angkop lamang sa ito sa paggamit ng isang trabahador, at, kung gayon, maliit at limitado ang produksyon. Mismo ang malalawak na lupaing pag‑aari ng mga panginoong maylupa ay obligadong hatiin sa maliliit na parsela para bungkalin ng indibidwal na magsasaka at ng kanyang pamilya. Ang ibang instrumento sa produksyon, dahil maliit at limitado, ay karaniwang pag‑aari ng mismong trabahador o prodyuser.
Narito ang malaking kaibhan ng pyudal na kaayusan sa sistemang nakabatay sa aliping paggawa. Narito ang mapagpasya at makasaysayang kabuluhan ng paglaya ng mga alipin bilang pribadong pag‑aari ng kanilang mga panginoon sa pagsulong ng produksyong panlipunan.
Sa ilalim ng sistemang alipin, lahat ng produkto ng aliping paggawa ay kinakamkam ng panginoong may‑alipin, winawaldas sa luho at inuubos sa gera. Walang insentibo ang alipin sa produksyon bukod sa kapalit nito’y siya’y pakakainin o bubuhayin ng kanyang panginoon.
Pinalaya ng pyudal na relasyon sa produksyon ang pangunahing pwersang produktibo ng lipunan — ang alipin — at pinaunlad di lang bilang magsasaka kundi bilang indibidwal na prodyuser.
Kahit malaking parte ng kanyang ani ay kinakamkam ng panginoong maylupa, siya’y may sariling parte sa produkto ng kanyang pagbubungkal. May panahon siya para sa sariling produksyon. May karapatan sa sariling kagamitan.
Bunga nito, gumulong nang mas mabilis ang produksyon ng lipunan kaysa sa sistemang alipin pati ang limitadong produksyon at palitan ng mga kalakal. Mula sa limitadong produksyong ito ng kalakal ay umunlad ang kalakalan at pag‑iipon ng kayamanan batay sa kalakalan.
Gayunman, kung parasitiko ang panginoong may‑alipin gayundin ang panginoong maylupa. Ang relasyon sa produksyong kinakatawan nila ay limitado lang sa pagkamkam sa malaking parte ng ani ng magsasaka.
Ang anumang pang‑ekonomyang dinamismo ng indibidwal na produksyon na binigyang puwang ng pyudalismo ay epekto hindi karakter ng sistemang ito ng produksyon. Ang dinamismong ito ang mismong binhi ng bagong relasyon sa produksyon sa sinapupunan ng pyudalismo.
Kung ang tanging inaatupag ng mga panginoong may‑alipin ay paano paduguin ang alipin sa pagtatrabaho, gayundin ang mga panginoong maylupa.
Pinipiga lang nila ang magsasaka na palakihin ang kanilang parte sa ani. Kung ang pagpapalaki ng produksyon ng aliping paggawa ay nasa pagpaparami lang ng mga alipin, gayundin ang pyudal na relasyon sa produksyon.
Ginagawa ito ng mga panginoong maylupa sa pamamagitan ng pagpaparami ng lupang makakamkam at ipabubungkal sa mas maraming magsasaka.
Ang simpleng pagkamkam ng ani ng magsasaka ay walang silbi sa sariling pagpapalago ng produksyon ng lipunan. Ito’y kinukonsumo lang ng mga panginoong maylupa para sa kanilang mga luho.
Ang likas at likhang yaman ng lipunang pyudal, gaya ng lipunang alipin, ay inuubos at winawaldas lang sa kamay ng panginoong maylupa bilang isang uri.
Di nila ito muling pinagugulong sa proseso ng produksyon upang ibayong mapalago di gaya ng tinatawag na tubo ng uring kapitalista sa modernong lipunan.
Nang masagad ang progresibong papel ng pyudalismo sa pagwasak sa lipunang alipin, agad rin nitong sinimulang sagarin ang sariling mga pwersa sa produksyon at mabilis na naagnas.
Sa sinapupunan ng pyudal na lipunan ay lumitaw ang isang uri na unti‑unting iniipon sa kanilang kamay ang yaman na nililikha ng indibidwal na mga prodyuser at winawaldas ng panginoong maylupa.
Hindi lamang ito kinukonsentra, kundi pinalalago sa paraang labas at lampas sa pyudal na relasyon sa produksyon. Ang pagpapalagong ito ng konsentradong kayamanan ay nakasandig sa paglitaw ng mga bagong pwersa sa produksyon sa sinapupunan ng pyudal na kaayusan. Mula sa pusod ng produksyong indibidwal ay lumitaw ang produksyong sosyal ng mga kalakal.
Sa batayan ng ispontanyo, kalat‑kalat at limitadong produksyon at palitan ng kalakal ng maliliit na indibidwal na prodyuser, ng umuunlad na dibisyon ng paggawa sa pagitan ng syudad at nayon, at ng pagkaagnas ng pyudal na kaayusan — lumitaw at lumakas ang mga bagong pwersang panlipunan sa sinapupunan ng pyudal na sistema — ang mga kapitalista at manggagawa.
Mula sa mga sentrong bayan kung saan umiinog ang kalakalan ng pyudal na sistema, unti‑unting umuunlad ang bagong mga kasangkapan sa produksyon. Nagsisimulang magkahugis ang handikrap sa anyo ng manupaktura. Umuunlad ang palitan ng salapi at lumalabnaw ang pyudal na relasyon ng produksyon na mas nakabase sa kanayunan.
Mula sa mga sentrong bayang ito ay lumitaw ang tinatawag na burgesya (mula sa burghers ng wikang Ingles na ang literal na kahulugan ay “taga‑bayan o taga‑syudad”).
Ang bagong pwersang ito’y nagmula sa itinuturing na panggitnang uri ng lipunang pyudal na siyang ninuno ng uring kapitalista ng modernong lipunan.
Kabilang dito ang mga mangangalakal na nagkakamal ng kayamanan, hindi lang sa porma ng koleksyon ng buwis o parte sa ani na gaya ng mga panginoong maylupa, kundi sa pamimili’t pagbebenta ng mga kalakal ng syudad at nayon at pagtugon sa maluhong konsumo ng mga panginoong maylupa.
Ang kanilang yaman ay mula rin sa pag‑uusura, sa pangangalakal ng mga kulimbat ng mga pirata, at pangungurakot sa pyudal na gubyerno bilang maliliit na burokrata ng mga asendero. Kaya’t kung tutuusin, ang kayamanang pinagmulan ng orihinal na kapital ng orihinal na mga kapitalista ay mula sa katusuhan ng mangangalakal, pangungulimbat ng pirata, kalupitan ng usurero at pangungurakot ng isang burokrata.
Panahon pa ng sistemang alipin ay umiiral na ang mga mangangalakal na ito. Ngunit ang kanilang paglarga bilang makapangyarihang pwersa sa produksyon ng lipunan ay nangangailangan ng paglarga ng produksyon ng kalakal ng lipunan. Inilatag ng pyudal na sistema, inilatag ngunit hanggang sa isang antas lang, ang paborableng kondisyong ito sa pamamagitan ng isang ekonomyang nakabatay sa indibidwal na prodyuser ng kalakal.
Pero ang bagong pwersang panlipunang ito — ang burgesya — ay hindi maaring umigpaw at lumakas sa pagiging isang ganap na bagong makauring pwersa mula sa pagiging mangangalakal sa sistemang pyudal o kahit sa panahon ng sistemang alipin kung wala ang kanilang kakambal — ang uring manggagawa.
Ang mga manggagawang ito ang tinatawag na proletaryado (mula sa wikang Latin, proletarius, na ang ibig sabihin ay “mamamayang walang pag‑aari at kabilang sa pinakamababang uri sa lipunan”).
Lumitaw ang uring proletaryado mula sa syudad at nayon ng lipunang pyudal. Sa syudad — mula sa pagsulong ng bagong mga pwersa sa produksyon. Sa nayon, mula sa pagkaagnas ng lumang mga pwersa sa produksyon ng nabubulok na lipunan. Sila ang mga itinaboy mula sa lupa, mga nawalan ng kasangkapan sa produksyon na nabubuhay na lang sa pamamagitan ng pagpapaupa ng lakas‑paggawa.
Sa mga sentrong bayan, ang maliitang produksyon ng kalakal na ipinagpapalit sa mga produkto ng kanayunan ay nagbunsod sa pag‑ unlad ng bagong mga instrumento ng produksyon para sa paggawa ng mga kalakal na ito.
Mula sa maliliit na mga talyer ng bihasang indibidwal na mga prodyuser na may sariling mga kagamitan ay nabuo ang mga asosasyon (guilds) batay sa kanya‑kanyang linya ng kasanayan o kalakal na nililikha at batay sa simpleng kooperasyon sa paggawa. Sa mga asosasyon ay pumasok ang mga baguhang trabahador o apprentice para magsanay sa ilalim ng sahurang‑ paggawa.
Mula sa handikrap na yugto ng produksyon ng kalakal sa balangkas ng maliitang produksyon na sa saliga’y surplas lang ng pansariling konsumo, tumungo sa makalumang tipo ng manupaktura.
Dito’y tinitipon ang mas malaking bilang ng mga trabahador sa isang empresa o pabrika at ginagawa ang kumpletong produkto sa prinsipyo ng dibisyon ng paggawa. Bawat trabahador ay gumagampan lang ng isang parsyal na operasyon, kaya’t ang produkto ay nakukumpleto lang matapos pasa‑pasang magdaan sa kamay ng lahat.
Sa yugtong ito ng manupaktura nagsimulang pumasok ang kapital ng burgesya. Dito ito nagsimulang umalpas sa mga pyudal na limitasyon ng handikrap. Mula sa manupaktura ay sumulong ang burgesya sa antas ng makabagong industriya. Sa yugtong ito, ang produkto ay ginagamitan ng makina na pinaaandar ng enerhiya at siyang instrumento sa produksyon ng manggagawa.
Ang mga appentice sa mga talyer, ang mga arawang trabahador ng handikrap at manupaktura ang naging mga unang proletaryado ng sistemang kapitalistang sumisibol sa pusod ng sistemang pyudal.
Binaklas sila sa sariling kagamitan sa produksyon, pinahawakan sa kanila ang mga kagamitang pag‑aari ng kapitalista at pinagtrabaho sa ilalim ng sistema ng sahurang‑paggawa.
Imposibleng lumago ang kapitalistang relasyon sa produksyon at lumakas ang burgesya kung hindi magaganap ang sapilitang pagkabaklas na ito ng indibidwal na mga prodyuser sa kanilang sariling kagamitan sa produksyon at obligadong pagpapailalim sa sistema ng sahurang paggawa.
Ang bukal na ito ng lakas‑paggawa ay ang masang magsasaka. Hanggat ang mga magsasakang ito’y nakatali hindi lang sa pagbubungkal ng lupa kundi mismo sa lupa alinsunod sa kaayusang pyudal, imposible ang pagyabong ng kapitalismo at pangingibabaw ng burgesya.
Inilatag ng pyudalismo sa pamamagitan ng indibidwal na produksyon ang materyal na kondisyon sa pag‑unlad ng kapitalismo dahil sa pag‑unlad ng produksyon ng kalakal kahit maliitan, ispontanyo at kalat‑kalat.
Pero ang sistema ng indibidwalisadong produksyon ay salungat sa kapitalistang produksyon na sosyalisado ang katangian. Narito ang dayalektikal na pagkakaisa’t salungatan ng dalawang sistemang ito.
Patunay ito ng katotohanang sa pusod ng lumang sistema ay isinisilang ang bago, bagong sistemang papatay sa luma. Ganito ang kasaysayan ng pag‑unlad ng lipunan.
Ang importansya ng indibidwal na produksyon sa pagsibol ng burgesya ay nasa paglaganap sa lipunan ng produksyon ng kalakal at pag‑unlad ng mga instrumento sa produksyon nito. Di maiimbento ang bagong mga instrumento kung di kailangan at di pagkikitaan ang mga produkto nito.
Pero hanggang dito lang ang silbi ng indibidwal na produksyon para sa sumisibol na burgesya.
Kapag umunlad na ang produksyon ng kalakal sa lipunan kahit sa paraan ng indibidwal na produksyon, kasunod ang pagsibol ng sosyalisadong produksyon batay sa antas ng pag‑unlad ng mga instrumento para dito.
Sa paggulong ng produksyong sosyal, di maiiwasang mapisak ang indibidwal na mga prodyuser at maagnas ang indibidwal na produksyong pyudal.
Kapag ikinonsentra ang mga instrumento ng produksyon sa kamay ng burgesya at ginawang sosyalisado ang produksyon, mawawalang bisa ang mga instrumento ng produksyon, at gayundin ang produkto, ng indibidwal na mga prodyuser dahil sa batas ng kompetisyon. Wala na siyang pagpipilian kundi ang maging sahurang‑manggagawa, sahurang‑alipin ng kapitalista.
Dati’y ang sahurang‑paggawa ay bihira sa lipunan at buntot lang ng sariling‑paggawa. Nang lumago ang kapangyarihan ng kapital, ito ang naging kalakaran at salalayan ng buong produksyon. Ang paminsan‑minsang sahurang‑manggagawa na naghahanap lang ng pandagdag‑kita sa kanyang sariling‑paggawa ay naging buong‑ panahon, habang‑buhay na sahurang‑alipin.
Ang bilang ng permanenteng mga sahurang‑manggagawa ay lalong lumaki sa pagkaagnas ng pyudalismo sabay ng paglago ng kapitalismo. Naaagnas ang pyudalismo dahil sa magkasabay na pagngatngat ng burgesya sa kalunsuran at sariling kabulukan ng aristokrasya sa kanayunan.
Ang kabulukang ito ng pyudalismo sa kanayunan ang nagpaalsa sa masang magsasaka laban sa mga panginoong maylupa at siya ring nagbigay ng suplay ng bagong mga manggagawa sa mga sentrong bayan para sa pangangailangan ng kapitalismo.
Nang ganap na malampasan ng pag‑unlad ng makabagong mga pwersa sa produksyon ang atrasadong pyudal na relasyong bumabansot at sumasagka sa ibayo nilang pag‑unlad, umabot sa sukdulan ang tunggaliang uri sa lipunang pyudal na nagpabilis at lumubos sa pagbagsak nito.
Pinamunuan ng burgesya ang rebolusyong panlipunang ang pangunahing pwersa ay ang magsasaka at ibinagsak ang kapangyarihan ng pyudal na mga panginoong maylupa. Ang pinakabantog sa mga rebolusyong ito ay ang Rebolusyong Pranses ng 1789.
Sa pag‑aaral sa kalikasan ng isang lipunan, kailangang magsimula kung paano nabubuhay ang tao sa ganitong lipunan: paano ang produksyon ng kanilang materyal na ikabubuhay pati ang palitan ng kanilang mga produkto.
Ang pamumuhay sa kapitalisno ay ganap na naiiba sa naunang mga lipunan. Di mabubuhay ang tao sa modernong lipunan kung wala siyang salapi. Sa kapitalismo, ang libre lang ay ang simoy ng hangin, ang sinag ng araw.
Lahat ay binibili’t binebenta. Kung walang pambili at walang ipagbibili, ang isang tao’y mamalimos at magugutom.
Dati nama’y di ganito ang kapangyarihan ng salapi. Ang kalakhan ng produkto ng tao ay dati’y di ipinagbibili o ibinebenta. Direktang ginagawa ng indibidwal — bukod sa palamuning mga uri — ang mga produktong kailangan para mabuhay. Nabubuhay ang alipin o ang magsasaka kahit walang salapi sa bulsa.
Ang masang anakpawis pa rin ang gumagawa ng mga produktong bumubuhay sa kapitalistang lipunan. Ang sahurang manggagawa, ang sahurang magbubukid pa rin ang nagpapatulo ng pawis para likhain ang pagkain, damit, tirahan, at lahat ng likhang yaman ng tao sa lipunan.
Pero ang mismong manggagawa ng pagkain ay magugutom, ang manggagawa ng sapatos ay magyayapak, ang manggagawa ng tela ay walang bibihisan kung wala silang pambili ng mga produktong ito. Ang mga produktong likha ng manggagawa ay hindi kanila kundi pag‑ aari ng iba.
Sa kapitalismo, ang direktang kailangan ng tao ay hindi na mismo ang produktong likha ng kanyang kamay kundi ang salapi sa bulsa. Ang kailangan niya munang lagyan ng laman ay ang kanyang bulsa bago ang kanyang tiyan. Sa sistemang ito, parang iisang bagay na lang ang kailangan ng tao: salapi. Kung may sapat siya nito, siya’y mabubuhay. Kung wala, siya’y mamamatay.
Sa kapitalismo, lahat ay binibili’t binebenta. Lahat ay ginagawang kalakal. Lahat ay may presyo. Lahat ay mabibili ng salapi. Ang kalakal ang produkto ng paggawa na ibinebenta o ipinagpapalit sa katumbas na kalakal. Ang salapi naman ay isang kalakal na ginawang pangkalahatang katumbas ng lahat ng kalakal.
Ang kapitalismo ang natatanging sistema ng lipunang nabubuhay sa produksyon at palitan ng kalakal. Isang sistemang pinaghaharian ng kapangyarihan ng salapi. Sa ganitong lipunan, lahat ay may presyo. Lahat ng produktong kailangan ng tao ay may presyo. Pati ang tao ay may presyo — ang manggagawa — sapagkat siya’y ginawang kalakal sa ilalim ng kapitalismo.
Sa kapitalismo umabot sa kasukdulan ang produksyon ng kalakal. Ang lubusang kapangyarihan ng salapi. Ang may laman at dugong lakas‑paggawa ng tao ay ginawang kalakal sa porma ng sahurang‑ paggawa. Ang isang walang‑buhay na kalakal — ang salapi — ay ginawang mapang‑aliping kapangyarihan sa porma ng kapital.
Sa kalakal at sa kanyang pandaigdigang mukha, ang salapi, umiinog ang produksyon at buhay sa lipunang kapitalista. Kung tutuusin, dito nakasilid ang mga sikreto’t batas ng kapitalismo.
Ang sikreto ng kapitalismo — ang kapitalistang pagsasamantala — at ang batas ng pag‑unlad ng kapitalismo — ang di maiiwasang paglitaw at pagbagsak nito — ang inilalantad ng Marxistang pagsusuri sa kapitalismo na nakabatay sa produksyon, sirkulasyon at akumulasyon ng kalakal. Ang pagsusuring ito ang tinatawag na Marxistang ekonomyang pampulitika.
Nang sumikad ang kapitalistang produksyon ng kalakal, mabilis na nawasak ang maliitan, nakasasapat‑sa‑sariling tipo ng ekonomya ng indibidwal na prodyuser ng lipunang pyudal.
Nalaos ang lumang mga instrumento sa produksyon nang umandar ang modernong mga pabrika. Ang manu‑manong mga kasangkapan ay tinubuan ng sapot nang umangil ang mga makinang de‑piston ng industriya na maramihang lumilikha ng mas murang produkto.
Kapag sinakop at ginulungan ng mekanisadong paggawa ang isang linya ng produksyon, lasug‑lasog na naiiwan ang maliitang produksyon. Ang kapalaran ng indibidwal na mga prodyuser, ang mga pesante’t artisano, ay maging mga pulubi’t palaboy kung di lalamunin ng kapitalistang industriya.
Nang malubos ang pangingibabaw ng kalakal sa lipunan, nalubos rin ang paghahari ng salapi. Di magkakalaman ang tiyan ng tao kung walang laman ang kanyang bulsa.
Sa lipunang nabubuhay sa kalakal, para kumita ang walang salapi kailangang mayruon siyang ibenta sa mayruong salapi. Kung ang isang indibidwal ay walang pag‑aaring kasangkapan at materyales para gumawa ng produkto, paano siya mabubuhay?
Ang seksyong ito ng populasyon — ang masang proletaryado — ay walang pag‑aari kundi ang kanilang katawan, ang lakas ng kanilang mga braso. Kung ito ang kanilang tanging pag‑aari, ito ang tangi nilang maipagbibili.
Sa lipunang kapitalista, mayruong isang kapangyarihang walang ibang nilalamon kundi ang lakas na ito ng katawan ng tao — ang lakas‑paggawa. Ang kapangyarihang ito ang konsentrado at nakaimbak na salapi sa kamay ng mga kapitalista — ang kapital.
Aalukin ng kapitalista ang manggagawa ng ikabubuhay, ng pambili ng ikabubuhay, kapalit ng pagtatrabaho sa pabrika. Bibilhin ng salapi ng kapitalista ang lakas‑paggawa. Ibebenta ang lakas‑ paggawa para sa salapi ng kapitalista.
Bibilhin ng kapitalista ang lakas‑paggawa para sa isang araw, isang linggo, isang buwan. Matapos bilhin, gagamitin niya sa ito sa loob ng napagkasunduang panahon.
Sa halagang ibabayad ng kapitalista para sa kanyang lakas‑ paggawa, halimbawa, P320 sa walong oras na trabaho, makakabili ang kapitalista ng isa’t kalahating kilo ng karne ng baka o anumang kalakal na ganito ang katumbas na halaga.
Ang P320 na pwedeng ibili ng kapitalista ng isa’t kalahating kilo ng karne ang presyo ng karneng ito. Ibig sabihin, ang P320 na ibinayad niya sa paggamit ng lakas‑paggawa, ang presyo ng walong oras na lakas‑paggawa. Ang lakas‑paggawa, samakatwid, ay isang kalakal. Parehas ng karne ng baka. Ang kaibhan, por‑araw ang lakas‑paggawa. Ang karne ay por‑kilo.
Ipinagpalit ng manggagawa ang kanyang kalakal, ang lakas‑paggawa, para sa kalakal ng kapitalista, ang salapi. Ganitong dami ng salapi para sa ganitong haba ng paggamit sa lakas‑paggawa. Para sa 8‑oras na trabaho, ang kapalit ay P320.
Ang P320 na ito ang kumakatawan sa lahat ng kalakal na pwedeng bilhin sa halagang P320. Ipinagpalit ng manggagawa ang kanyang kalakal, para sa lahat ng kalakal na mabibili ng halagang ito.
Ang P320 ang kumakatawan sa halaga‑sa‑palitan o exchange‑value ng lakas‑paggawa. Ito rin ang halaga‑sa‑ palitan ng isa’t kalahating kilo ng karne o anumang kalakal na mabibili sa ganitong halaga. Lahat ng kalakal para maging kalakal, ay kailangang may halaga‑sa‑palitan. Ang halaga ng isang kalakal, kapag kinwenta sa salapi, ang tinatawag na presyo.
Sahod ang ispesyal na pangalan ng presyo ng lakas‑paggawa, ng ispesyal na kalakal na ito na ang komposisyon ay dugo’t laman ng tao. Ang paggamit sa lakas‑paggawa — ang aktwal na paggawa — ay ang pagkonsumo sa halaga‑sa‑gamit o use‑value ng kalakal na ito. May halaga sa palitan ang lahat ng kalakal dahil mayruon silang halaga‑sa‑gamit.
Sa paghitit ay kinukonsumo ang sigarilyo. Sa araw‑araw na paggawa ay kinukonsumo naman ng kapitalista, di lang ang lakas‑paggawa, kundi ang mismong buhay ng manggagawa. Ang sigarilyo kapag naupos ay pinipitik. Ang manggagawa’y sinisipa kapag wala nang silbi.
Ang mismong buhay ng manggagawa ang kinukonsumo dahil ang lakas‑ paggawang ito ay di mahihiwalay sa buhay ng manggagawa. Ang komposisyon nito ay ang kanyang dugo’t laman.
Ito mismo ang manipestasyon ng kanyang buhay. Kung walong oras na ginagamit ng kapitalista ang lakas‑paggawang ito, walong oras ang kanyang pinipigtas sa buhay ng manggagawa.
Araw‑araw ay walong oras o higit pa ng kanyang buhay ang ibinebenta ng manggagawa sa kapitalista. Ibinebenta niya ang kanyang buhay para mabuhay. Ang walong oras ng bawat araw ng kanyang buhay ay hindi kanya, kundi pag‑aari ng kapitalista. Isinakripisyo niya ang parteng ito ng kanyang buhay para buhayin ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya.
Walang kahulugan sa manggagawa ang kanyang walong oras na aktibidad — ang paghahabi ng tela, pagmimina ng ginto, paggawa ng kung anu‑anong mga produkto — bukod sa ang mga aktibidad na ito ang tanging paraan para siya kumita. Kumita upang ang kanyang pamilya ay may pagkain, tulugan, damit, at anumang ginhawang maaring mabili ng kanyang sahod.
Dati nama’y di kalakal ang paggawa. Ang paggawa ay di dating sahurang‑paggawa.
Di ibinebenta ng alipin ang kanyang lakas‑paggawa sa kanyang panginoon gaya nang di ibinebenta ng kalabaw ang kanyang serbisyo sa kanyang amo. Ang alipin mismo ang kalakal pero ang kanyang lakas‑paggawa ay di kanyang kalakal. Ang binili ng panginoon ay ang alipin, di lang ang kanyang lakas‑paggawa. Ang may‑ari sa alipin ang nagbebenta sa kanya. Hindi siya na walang karapatan sa kanyang sarili.
Ang magsasaka nama’y isang parte lang ng kanyang lakas‑paggawa ang ipinagpapalit para sa karapatang bungkalin ang lupa. Di siya tumatanggap ng sahod mula sa panginoong maylupa. Bagkus, siya ang nagbabayad sa kanyang panginoon sa anyo ng upa sa lupa. Di siya pag‑aari ng panginoong maylupa. Pero sa klasikong pyudal na kaayusan, di siya maaring umalis sa lupang kanyang binubungkal.
Di gaya ng alipin o magsasaka, ang manggagawa ay malayang indibidwal, malayang trabahador. Pag‑aari niya ang kanyang sarili. Dahil pag‑aari niya ang sarili, nasa kanyang pagpapasya kung ipagbibili niya o hindi ang baha‑bahagi ng kanyang sarili — ang kanyang lakas‑paggawa. Ang kapitalista na makakabili nito ay pag‑aari ang lakas‑paggawang ito sa loob ng panahong kanilang napagkasunduan.
May kalayaan siyang iwan ang unang kapitalista at humanap ng bago. Pero siya, na ang ikinabubuhay ay pagbebenta ng lakas‑ paggawa, ay di maaring bumaklas sa uring kapitalista. Liban na lang kung mas gugustuhin niyang mamalimos sa gutom.
Di siya pag‑aari nang sinumang indibidwal na kapitalista. Pero pag‑aari siya ng buong uring kapitalista. Pwede lang siyang mamili kung kanino niya ibebenta ang kanyang lakas‑paggawa.
Alipin pa rin, gaya ng sinaunang panahon, ang uring manggagawa. Ang kaibhan, siya ngayon ay sahurang‑alipin. Alipin sapagkat araw‑araw ay nagiging pag‑aari siya ng indibidwal na kapitalista; buong‑buhay ay pag‑aari siya ng buong uring kapitalista.
Araw‑araw ay kanyang binibili sa kapitalista ang kanyang karapatang mabuhay. Sa kapitalismo, mismo ang karapatang ito ay may presyo. Kailanman ay di matutubos ng kanyang karampot na sahod ang karapatang ito mula sa kuko ng kapital. Habang nakapailalim siya sa sahurang‑paggawa, lumalago ang kapangyarihan ng kapital.
Nasa loob ng simpleng kalakal nakasilid ang sikreto ng kapitalismo at ang mismong buhay ng sistemang ito — ang kanyang paglitaw at pagbagsak.
Ang salapi na siyang ekspresyon ng kayamanan sa lipunang kapitalista ay kumakatawan lang sa lahat ng mga kalakal na katumbas nito. Ang sahod ay kumakatawan din lang sa lahat ng mabibiling kalakal na kailangan para mabuhay ang manggagawa. Ang kapital ay kumakatawan din lang sa lahat ng mga kalakal na kailangan para umandar ang produksyon. Sa usaping ito ng kalakal dapat magsimula ang pag‑aaral sa kapitalismo.
Para sa karaniwang tao, ang presyo ang kagyat na ekspresyon ng kalakal.
Ang kumpetisyon sa pagitan ng mga nagtitinda’t mamimili o ang batas ng suplay at demand ang karaniwang paliwanag ng mga ekonomista sa pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga kalakal.
Tatlong klase ang nagaganap na kumpetisyon sa hanay ng mga nagtitinda’t mamimili.
Una, kumpetisyon sa pare‑parehong nagtitinda.
Sa hanay ng mga nagtitinda ng isang kalakal na parehas ang kalidad, ang kumpetisyon ay kung sino ang makapagbebenta nang mas mura. Ang resulta nito’y ang tendensyang batakin pababa ang presyo.
Ikalawa, kumpetisyon sa pare‑parehong mamimili. Ang makapag‑alok ng mas mataas na presyo sa isang partikular na kalakal ang mananaig. Ang epekto nito’y ang tendensyang hilain pataas ang presyo.
Ikatlo, kumpetisyon sa pagitan ng mga nagtitinda’t mamimili. Ang interes ng una’y makapagbenta nang mas mahal. Ang huli’y makabili nang mas mura. Ang resulta ng kumpetisyong ito ay depende kung saan mas matindi ang kumpetisyon — sa hanay ng mga nagtitinda o sa mga mamimili.
Halimbawa: May itinitindang 100 yarda ng tela. Mayruon namang mamimili para sa 1,000 yarda ng tela ring ito. Sa ganitong kaso, ang demand ay sampung ulit na mas malaki kaysa suplay. Matindi ang magiging kumpetisyon sa hanay ng mamimili. Bawat isa’y gustong makabili.
Ang magiging tendensya nito’y hilain pataas ang presyo dahil ang nagtitinda ay maghihintay ng mas magandang alok sa ganitong sitwasyon.
Kapag baliktad naman ang sitwasyon, ibig sabihin, mas marami ang suplay kaysa demand, ang kumpetisyon naman ay iigting sa hanay ng mga nagtitinda. Bawat isa’y gustong makapagbenta kaya’t mag‑aalok nang mas mura kaysa kanyang mga karibal. Ang tendensya ay magmura ang presyo ng partikular na kalakal na sobra ang suplay.
Pero ang iniiksplika lang ng batas na ito ay ang pagbabagu‑bago ng presyo, ang tendensya ng pagtaas at pagbagsak ng presyo bunga ng relasyon ng suplay at demand. Mahirap magsalita ng “mataas” o “mababa” ng walang paghahambingan. Halimbawa, mataas ang puno kumpara sa tao pero mababa ang puno kumpara sa gusali. Saan ikinukumpara ang presyo kapag sinasabing ito’y mababa o mataas?
Para sa ordinaryong konsumer ng kalakal, ihahambing niya ito sa dating presyo. Walang gaanong maipaliliwanag ito dahil ito’y simpleng paghahambing ng presyo sa presyo.
Pero ang isang kapitalista ay may ibang paliwanag. Siya’y agad magkukwenta: Kung sa produksyon ng kalakal na kanyang itinitinda ay gumastos siya ng P300, at mabilis niya itong naibenta sa presyong P310, pwede na ang ganitong tubo. Kung naibenta niya ito ng P320 o P330, ito’y magandang tubo. Kung may bibili nito sa presyong P400, ito’y napakainam na tubo.
Bagamat tubo ang nasa isip ng kapitalistang ito, ang lumilitaw na sukatan niya ng presyo ng kalakal ay ang presyo o gastos sa produksyon. Ang mataas at mababa sa kanya ay mas dito niya ikinukumpara. Ang pagkarkula niya sa pagtaas at pagbaba ng presyo ay depende kung gaano ang itinataas o ibinababa nito sa presyo sa produksyon ng kanyang kalakal.
Ang isip ng kapitalista ay nasa kanyang bulsa, ibig sabihin, tubo ang laging laman ng kanyang isip.
Kung saan mas malaki ang tubo, duon ang direksyon ng kapital. Kung mataas ang presyo ng kalakal sa isang industriya, maliit ang suplay kumpara sa demand, ibig sabihin, lumalampas sa presyo sa produksyon, ang tendensya ng kapital ay dito bumuhos. Kung bagsak ang presyo ng kalakal sa isang industriya, sobra ang suplay kumpara sa demand, ibig sabihin, mababa sa presyo sa produksyon ang presyo ng kalakal, ang tendensya ng kapital ay lumikas.
Kaya’t bagamat ang presyo ng mga kalakal ay laging mataas o mababa sa presyo sa produksyon dahil sa operasyon ng batas ng pamilihan (bukod pa sa katusuhan ng indibidwal na mga kapitalista), dahil naman sa batas ng paggalaw ng kapital — ang pagdayo o paglikas nito sa paghahabol sa tubo — ang magiging natural na tendensya ng presyo ay pabalik sa presyo sa produksyon ng bawat kalakal.
Ibig sabihin, ang tunay na nagtatakda ng presyo ng mga kalakal ng buo‑buong mga industriya ay ang presyo sa produksyon samantalang ang pagbabagu‑bago nito ay resulta ng mga batas ng pamilihan, sa partikular, ng suplay at demand.
Kung ang presyo sa produksyon ang nagtatakda ng presyo ng mga kalakal, paano kinukwenta ang mga gastos na ito? Kung babalikan natin muli ang ating kapitalista, ipaliliwanag rin niya ito ng simple:
Dalawang klase ang malaking pinagkakagastusan sa produksyon. Una, ang gastos sa hilaw ng materyales ng gagawing kalakal at ang mga instrumento sa pagmamanupaktura nito (o ang maging depresasyon nito sa proseso ng paggamit). Ikalawa, ang gastos sa mga manggagawang magmamanupaktura nito.
Lahat ng binanggit na ito ng ating kapitalista ay pare‑parehong mga kalakal — ang hilaw na materyales, ang mga instrumento sa produksyon, ang lakas‑paggawa. Lahat ay kanyang binili, ibig sabihin, may kanya‑kanyang presyo na ipapatong niya sa presyo ng bagong kalakal bilang presyo sa produksyon.
Balik na naman tayo sa dating tanong: Paano itinakda ang presyo ng mga kalakal na ito na bumubuo sa kanyang presyo sa produksyon? Muli, ang sagot dito ay ang presyo sa produksyon ng bawat isa dahil silang lahat ay pare‑parehong kalakal.
Para tunay na masagot ang tanong na ito, kailangang tagusin ang panlabas na balat ng kalakal — ang kanyang presyo — at tumbukin ang tunay na kinakatawan ng presyo — ang halaga ng kalakal.
Ano ang tinatawag na halaga ng isang kalakal na kinakatawan ng kanyang presyo? Paano ito itinatakda?
Parehas ang presyo ng isang partikular na kalakal na magkakaiba ang importansya para sa magkakaibang indibidwal. Maaring di nagbabago ang importansya ng isang kalakal pero nagbabagu‑bago ang presyo nito. Ibig sabihin, hindi ang halaga‑sa‑gamit ang nagtatakda sa presyo ng isang kalakal.
Gawin nating halimbawa ang simpleng karayom. Parehas ang silbi nito para sa primitibo at modernong tao — para sa pananahi. Pero ang halaga ng isang pirasong karayom noon at ngayon ay napakalaki ang kaibhan. Noon ay maaring isang araw ang kailangang gugulin ng tao para makagawa ng isang pirasong karayom. Ngayon, sa loob ng isang minuto, ay maaring makagawa ang isang manggagawa ng isandaang piraso sa pamamagitan ng modernong makina.
Ihalimbawa rin natin ang tubig. Di mabubuhay ang tao kung walang tubig. Ang tubig ay isang kalakal laluna sa lungsod. Kung sagana ang suplay, di gaanong inaalala ang ito’y maaksaya dahil mura. Kung biglang maputol ang suplay, masira ang sentral na produksyon nito, tiyak na may magtitinda nito ng por botelya sa mataas na presyo.
Di nagbago ang gamit ng kalakal pero nagbago ang presyo. Di nagbago ang dami ng nangangailangan. Titipirin pa nga ito kaya’t mas kaunti ang konsumo. Ano ang nagbago? Ang suplay. Bakit tataas ang presyo dahil sa problemang ito ng suplay? Ang mismong maabilidad na magtitinda ng por botelyang tubig ang magpapaliwanag: dahil naging mahirap ang paghahanap, ang pag‑ iigib, atbp. ng kalakal na ito.
Sa mga halimbawang ito, malinaw na di ang gamit ng kalakal ang batayan ng halagang kinakatawan ng presyo kundi kung gaano kahirap o gaano kadali ang produksyon nito, kung gaano kahabang panahon ang kinukonsumo para gawin ito.
Para maipagpalit sa isa’t isa ang mga kalakal, kailangang may pangkalahatang katangian na komon sa kanilang lahat na pwedeng kwentahin sa palitan. Muli, ang komon sa mga kalakal na nagsisilbing batayan ng halaga ay hindi ang kanilang gamit bagamat lahat ng kalakal ay may gamit. Pero sa gamit nga sila nagkakaiba‑iba.
Lahat ng kalakal ay produkto ng paggawa. Ito ang komon na katangian ng lahat ng kalakal.
Ang tubig sa batis at sa gripo, bilang inumin, ay parehas ang gamit. Pero ang una’y hindi kalakal dahil hindi produkto ng paggawa di gaya ng tubig sa gripo. Kung ang isang tao ay magpapawis para umigib ng inumin sa batis, ang tubig na ito ay magiging produkto ng kanyang paggawa.
Pero di pa rin ito magiging kalakal kung inigib niya ito para sa pansariling konsumo. Magiging kalakal ito kung kanyang ipagpapalit sa iba pang produkto o ibebenta para makabili ng ibang produkto na kailangan niya.
Ibig sabihin, di lahat ng produkto ng paggawa ay kalakal. Para maging kalakal ang isang produkto ng paggawa, ang paggawang ito ay kailangang maging paggawang panlipunan. Ibig sabihin, ang paggawang ito ay kailangang maging sangkap at bahagi ng kabuuang paggawa ng lipunan, papailalim sa dibisyon sa paggawa sa lipunan.
Ang isang magbubukid at isang mananahi ay gumagampan ng isang dibisyon ng paggawa sa lipunan. Ang isa’y nagtatanim ng pagkaing butil at isa nama’y gumagawa ng damit. Ang kanilang mga paggawa ay parte ng kabuuang panlipunang paggawa kung may palitan sa pagitan ng kanilang mga produkto ng paggawa.
Lumitaw ang produksyon ng kalakal sa kaparaanan ng dibisyon sa paggawa sa lipunan. Sa ilalim ng kapitalismo, walang tigil na nilulubos at kinukumpleto ang dibisyong ito ng paggawa sa lipunan kaya’t ang produksyon nito’y produksyon ng kalakal, ang paggawa nito’y paggawang panlipunan.
Pero mismo ang paggawa ng tao ay magkakaiba. Ang paggawa ng magbubukid at mananahi ay magkaiba. Ano ang komon sa kanilang paggawa para mapagtumbas ang mga produkto ng isa’t isa?
Ang magkakaibang paggawa ng magbubukid, mananahi, minero, mason, atbp. ang tinatawag na kongkretong paggawa o partikular na paggawa. Pero silang lahat ay paggawa ng tao. Ito ang tinatatawag na abstraktong paggawa o pangkalahatang paggawa.
Bilang kongkretong paggawa, ang paggawa ng tao ay magkakaiba ang kalidad. Pero bilang abstraktong paggawa, pare‑parehas silang paggawa ng tao na nag‑iiba na lang sa kantidad.
Bilang mga produkto ng paggawang panlipunan, lahat ng kalakal sa isang lipunan ay ang kabuuan ng paggawa ng lipunang ito. Ibig sabihin, bawat kalakal ay kumakatawan sa isang bahagi ng kabuuang paggawang panlipunang ito.
Bawat kalakal na ito ay kumakatawan sa isang depinidong oras ng paggawa na ginugol anuman ang kalidad ng paggawang ginamit sa produksyon nito. Ang lahat ng kalakal na ito ay kumakatawan sa kabuuang oras ng paggawa na ginugol ng lipunan para sa mga produktong ito.
Ang oras ng paggawa ang pangkatidad na sukatan ng lipunan para maipagpalit at mapagtumbas ang iba’t ibang kalakal na magkakaiba ang gamit. Ang mga kalakal na ginawa sa magsing‑haba o magsing‑ iksing panahon ay magkakatumbas ang halaga. Ang oras ng paggawa na kinailangan para sa produksyon ng isang kalakal ang kumakatawan sa kanyang halaga‑sa‑palitan o simpleng halaga.
Ibig sabihin, katumbas niya sa palitan ang anumang kalakal na ganuon rin ang kinakatawang kantidad ng paggawa.
Paano kung ang isang produkto ay mas mahaba ang panahong ginugol sa paggawa dahil tatamad‑tamad ang may gawa, makaluma ang kanyang mga kasangkapan o walang gaanong kasanayan? Ibig bang sabihin ay mas mataas ang halaga ng kanyang produkto?
Ang tinutukoy na oras ng paggawa ay hindi ang indibiwal na pamantayan kundi ang pamantayang panlipunan dahil ang paggawang nilalaman ng mga kalakal ay paggawang panlipunan, nakapailalim sa dibisyon sa paggawa ng lipunan.
Ibig sabihin, ang sukatan ay ang naabot na pamantayan ng lipunan sa oras ng paggawa ng isang partikular na kalakal.
Halimbawa, kung ang naabot na antas ng produksyon ng karayom sa isang lipunan ay isang piraso sa isang minuto, ang katumbas nito ay ang mga kalakal o kantidad ng mga kalakal na ganito rin ang oras ng paggawa sa lipunan.
Ipagpalagay na ang presyo ng anumang kalakal na ganito ang oras ng produksyon ay P1. Kung ang produktong karayom ng isang maliit na prodyuser ay gumugol ng isang oras bawat piraso, walang matinong bibili nito kung ang ipipilit niyang katumbas ay P60 sa kalagayang may nabibiling karayom na parehas ang kalidad pero ang halaga ay P1.
Ang mismong batas ng halaga ng mga kalakal ang magpapatigil sa ganitong negosyante. Ang kanyang pagsasara ang magpapatunay sa katotohanan ng batas na ito.
Kung siya naman ay magpapatuloy sa negosyong ito, hahabulin niya ang teknolohiyang naabot ng lipunan sa produksyon ng karayom. Ibig sabihin, ang kinakailangang oras ng paggawa ng lipunan para sa ganitong produkto.
Ang nilalamang paggawa ng isang yaring kalakal ay hindi lang ang pinakahuling paggawang ginamit para dito kundi pati ang dating paggawang kinakatawan ng mga kalakal na kinailangan para sa produksyon nito.
Ang una ang tinatawag na bagong halaga sa loob ng yaring produkto. Ang ikalawa ang tinatawag na lumang halaga na inilipat sa produktong ito.
Sa pagkwenta sa halaga‑sa‑palitan ng isang kalakal, kailangang idagdag sa kantidad ng paggawang huling ginamit ang kantidad ng paggawang naunang ginamit sa paggawa ng hilaw na mga materyales ng yaring produkto, at ang paggawang ginamit sa mga kasangkapan, makina, planta, atbp. na pawang kailangan sa manupaktura.
Halimbawa, ang halaga ng ilang pares ng sapatos ay ang kantidad ng bagong paggawang ginamit at idinagdag sa lumang paggawang kinakatawan ng mga hilaw na materyales at kasangkapang ginamit para sa produksyon ng ilang pares na ito.
Ang mga instrumento ng paggawa, gaya ng mga kasangkapan, makina, planta, atbp. ay paulit‑ulit na ginagamit sa mahaba o maiksing panahon sa paulit‑ulit na mga proseso ng produksyon. Kung sila’y minsanan lang ang gamit, gaya ng mga hilaw na kalakal, ang buong halaga nila ay minsanang ililipat sa mga yaring produktong pinaggamitan sa mga instrumentong ito.
Pero dahil ang makina, halimbawa, ay paulit‑ulit na ginagamit, gagawa ang kapitalista ng karkulasyon batay sa karaniwang panahong itatagal nito at karaniwang depresasyon sa loob ng isang takdang panahon ng paggamit. Ang halaga ng depresasyong ito ang ipapatong sa halaga ng bawat yaring produkto.
Samakatwid, ang isang kalakal ay may halaga dahil ito’y panlipunang paggawa na nagkatawang kalakal. Ang tanging nagbibigay halaga sa mga kalakal ay ang kantidad ng paggawang kanilang nilalaman. Ang mga kalakal na magkakatumbas ang nilalamang kantidad ng paggawa ay magkakatumbas ang halaga‑sa‑ palitan.
Kung ang lakas‑paggawa ay isang kalakal o itinuturing na kalakal sa ilalim ng kapitalismo, ang iiral na batas sa pagkwenta ng halaga nito ay parehas ng ginagamit para sa ibang kalakal.
Ibig sabihin, hindi rin ang halaga‑sa‑gamit ng lakas‑paggawang ito ang babayaran ng kapitalista kundi ang kanyang halaga‑sa‑ palitan relatibo sa ibang kalakal o ang gastos sa produksyon ng lakas na ito. Ibig sabihin, ang materyal na pangangailangan sa reproduksyon ng lakas na ito ng manggagawa.
Ang sahod ang ispesyal na pangalan sa presyo ng partikular na kalakal na tinatawag na lakas‑paggawa. Ano ang kinakatawan ng sahod na ito?
Kinakatawan ng sahod ang pambili ng ikabubuhay ng manggagawa, ang halaga ng ikabubuhay ng kanyang pamilya sa araw‑araw.
Ang kahulugan ng sahod na ito ay pambili ng ilang kilo ng bigas, ilang piraso ng galunggong, ng pang‑upa ng ilang metro‑kwadradong kwarto o pinagtagpi‑tagping barung‑barong.
Kung ilang anak ang kanyang mapag‑aaral, kung anong mga kasangkapang bahay ang kanyang mabibili’t mahuhulugan, kung gaano siya kadalas makakapagsine o makakapamasyal ay depende sa matitipid sa arawan niyang sahod o kung makakapagtrabaho pati ang kanyang asawa’t mga anak.
Ibig sabihin, sapat lang ang sahod na ito para sa anong klase ng buhay, para sa anong mga gastos sa buhay?
Sa pangkalahatan, sapat lang para panatilihin siyang manggagawa, pabalikin sa pabrika kinabukasan bilang manggagawa at palakihin ang kanyang mga anak bilang mga manggagawa.
Ang sahod ay kumakatawan sa gastos sa produksyon ng lakas‑paggawa ng manggagawa sapagkat ito ang halaga ng kanyang lakas‑paggawa alinsunod sa batas ng mga kalakal.
Kung tutuusin, siya’y nabubuhay para sa kapital. Sa sahod na kanyang tinatanggap, siya’y hindi nagtatrabaho para mabuhay kundi nabubuhay para magtrabaho.
Sapat lang ang kanyang sahod para buhayin siya at ang kanyang pamilya bilang mga manggagawa, bilang mga trabahador ng uring kapitalista.
Ang binibigyan niya ng masaganang buhay ay hindi ang kanyang pamilya kundi ang mga pamilya ng uring kapitalista. Siya na tagapaglikha ng kasaganahan ay nabubuhay sa pagdarahop.
Kung ang presyo ng lakas‑paggawa ay P320 isang araw at ang P320 na ito ay kumakatawan sa kantidad ng mga kalakal na ang katumbas na oras ng paggawa ay apat na oras, samakatwid, ang kinakailangang oras ng paggawa ng kanyang kalakal — ang kanyang lakas‑paggawa — ay apat na oras.
Kung sa pag‑unlad ng produksyon ay umiikli ang oras ng paggawa ng mga materyal na pangangailangan sa buhay ng manggagawa, umiikli rin ang oras ng paggawa na kinakailangan para sa reproduksyon ng kanyang lakas‑paggawa.
Ibig sabihin, bumababa ang halaga nito relatibo sa ibang kalakal.
Kung ang halaga ng lakas‑paggawa ay ang gastos sa produksyon nito, bakit kabilang sa kwenta nito ang pangangailangan ng pamilya ng manggagawa kung hindi sila kabilang sa biniling lakas‑ paggawa ng kapitalista?
Kasama sa kwenta ang pamilya ng manggagawa dahil ang manggagawa ay gaya ng makina. Kung ang makina ay may depresasyon, ganoon rin ang manggagawa. Sa kanyang pagtanda at paghina, siya ay kailangang palitan.
Kaya’t bukod sa sariling mga pangangailangan para imantena ang kanyang lakas, kailangan ring mabuhay ang minimum na bilang ng kanyang mga anak na hahali sa kanya sa palengke ng paggawa at magpapatuloy sa lahi ng mga manggagawa na kailangan ng kapitalismo.
Dito’y ang tinutukoy ay ang gastos sa produksyon ng karaniwang paggawa na kinakatawan kadalasan ng tinatatawag na minimum na sahod. Ngunit ang magkakaibang kalidad o kasanayan ng lakas‑ paggawa ay magkakaiba ang halaga.
Magkakaiba ang kanilang halaga dahil magkakaiba ang kailangang gastos o panahon para maabot ang kanilang magkakaibang kasanayan o kalidad.
Kapag ang kinukwenta ay ang magkakaibang kalidad ng paggawa, kasama sa kwenta ang usapin ng pagsasanay at pagpapaunlad kabilang ang usapin ng edukasyon. Ang mismong pagpapaaral sa mga anak ay bahagi ng gastos sa produksyon sapagkat sa kanilang hanay magmumula ang mas bihasang manggagawa.
Ang sahod ay kumakatawan hindi sa halagang malilikha ng manggagawa sa loob ng walong oras ng paggawa kundi sa kantidad lang ng oras ng paggawa na kailangan para malikha ang lakas na ito.
Alinsunod sa batas ng palitan ng mga kalakal, ang halaga‑sa‑ palitan hindi ang halaga‑sa‑gamit ang sinusukat sa pagkwenta ng halaga ng isang kalakal. Sapagkat ang lakas‑paggawa ay isang kalakal, sa ganitong paraan din siya sinusukat sa ilalim ng kapitalismo.
Ang halaga‑sa‑gamit ng lakas‑paggawa ay ang direktang paggawa, ang aktibong enerhiya at pisikal na lakas ng manggagawa na kailangan para malikha ang isang produkto.
Ang halaga‑sa‑palitan nito ay ang gastos o presyo sa produksyon o ang oras ng paggawa na kinakatawan ng mga kalakal na kinukonsumo ng manggagawa para mamantena at mapaunlad ang lakas na ito. Ang una hindi ang huli ang binabayaran ng kapitalista sa anyo ng sahod.
Ito ang kakatwa sa kapitalismo. Ginawang kalakal ang tanging tagapaglikha ng kalakal — ang lakas‑paggawa ng tao.
Pagkatapos gawing kalakal, nilagyan ito ng presyo sa pamamagitan mismo ng mga kalakal na likha ng lakas‑paggawa, ng halaga na batay mismo sa lakas‑paggawa.
Bilang panghuling dagok, ang may laman at dugong lakas‑paggawa ng tao ay ginawang alipin ng mga kalakal — ng salapi, ng pabrika, ng kapital — na pawang pag‑aari ng kapitalista pero pawang likha ng manggagawa.
Ano bang misteryo mayruon ang kalakal at nagagawa nitong alipinin ang sa kanya’y may likha? Kapangyarihang maging kayamanan. Kayamanang nagiging kapangyarihan.
Ang kalakal ay kayamanan. Kayamanang nagmumula sa kanyang halaga. Halagang nagmumula sa paggawa. Paggawa na lumilikha ng produkto. Produktong naging kalakal. Kalakal na naging kayamanan.
Kung susunsunin ang pag‑inog na ito, ang simula ay nasa paggawa. Kung babalikan ang kasaysayan, ang likha ng paggawa ay dati’y simpleng mga produkto hindi mga kalakal.
Bilang mga produkto, sila’y may silbi sa katuturang sila’y ginagamit, pero walang halaga sa katuturang ipinagpapalit. Ang mga produktong ito’y nagkaruon ng halaga ng sila’y maging mga kalakal.
May bago bang nadagdag sa loob ng mga produktong ito at sila’y nagkaruon ng halaga at sa pagkakaruon ng halaga ay naging kalakal? Wala.
Ang bigas na dati’y simpleng produkto nang ito’y para sa pansariling gamit ay siya pa ring dating bigas na naging kalakal nang ito’y ipagpalit. Ang paggawa na dati’y para sa sarili ay naging paggawa para sa iba ngunit ito pa rin ang dating paggawa.
Ibig sabihin, hindi ang mismong mga bagay ang nagkaruon ng pagbabago kundi ang relasyon ng mga tao na kinakatawan ng mga bagay na ito. Ang palitan ng mga produkto, sa esensya, ay kumakatawan sa relasyon ng mga tao.
Ang kalakal, kung gayon, ay kumakatawan sa relasyong ito ng mga tao sa lipunan. Isang relasyon na sa paglawak at pag‑unlad ay nagbabalatkayong relasyon ng mga bagay. Kung ang kalakal ay kumakatawan sa kayamanan, kinakatawan rin kung gayon ng produksyon ng kalakal ang hatian ng kayamanan sa lipunan.
Nang magsimula ang produksyon ng kalakal, ang halaga nito ay hindi agad nangahulugan ng kayamanan. Ang palitan ng mga kalakal ay nagsimula bilang simpleng palitan ng mga pangangailangan.
Ang may sobrang ani ng bigas na nangangailangan ng tela ay makikipagpalit sa may sobrang tela na nangangailangan ng bigas. Kailan, kung gayon, naging kayamanan ang kalakal at mayruon bang ipinagbago ang mga kalakal nang ito’y maging kayamanan?
Naging kayamanan ang kalakal nang ito’y maipon sa kamay ng iilang indibidwal sa lipunan. Kayamanan hindi sa anyo ng mga produkto kundi sa anyo ng salapi. Ang mismong mga produkto ng paggawa ay hindi nagbago. Ang nagbago ay ang kanilang anyo. Sila’y nagkaruon ng mukha sa anyo ng salapi.
Ang kayamanang ito ay naipon sa kamay ng mga naghaharing uri sa magkakaibang sistema ng lipunan. Ngunit magkakaiba ang silbi ng kayamanang ito para sa naghalinhinang mga naghaharing uri.
Sa kamay ng mga panginoong may‑alipin at panginoong may‑lupa, ang kanilang salaping kayamanan, sa paglaon ng kanilang paghahari, ay nauubos habang ginagastos. Sa kamay ng uring kapitalista, habang ginagastos ito’y tumutubo. Habang tumatatagal ang kanilang paghahari, ito’y lalong lumalago.
Ang ganitong klase ng kayamanan sa kamay ng kapitalista ang tinatawag na kapital. Ang ganitong klase ng kalipunan ng mga kalakal ang kayamanang may kapangyarihan sa lipunan. Ginawang kalakal ng kalakal na ito ang lakas‑paggawa ng tao. Ito ang mapang‑aliping kalakal sa kamay ng mapang‑aliping uri.
Lahat ng kapital ay kayamanan. Lahat ng kapital ay kalipunan ng mga kalakal. Pero hindi lahat ng kayamanan, hindi lahat ng kalipunan ng mga kalakal ay kapital.
Ang kayamanan, ang kalipunan ng mga kalakal na ito, ay magiging kapital lamang sa isang takdang kalagayan. Ang kapital ay gaya ni Konde Drakula. Isang patay na nilalang na nabubuhay lamang sa sariwang dugo ng mga buhay na tao. Ang ikinabubuhay ng bampira ay ang dugo ng kanyang biktima.
Ang isang kalipunan ng mga kalakal ay hindi magiging kapital dahil lamang sa laki ng halaga o kayamanang kinakatawan nito. Anuman ang dami ng kantidad ng paggawa (halaga) o salapi (presyo) na kinakatawan ng isang kalakal o kalipunan ng mga kalakal, ay hindi makapagpapabago sa kalidad nito bilang mga kalakal.
Ang tao, pandak man o matangkad, ay tao pa rin. Ang kalakal, maliit man o malaki ang halaga, ay kalakal pa rin. Ibig sabihin, hindi ang simpleng pagkakatipon ng kayamanan o mga kalakal sa kamay ng isang indibidwal ang magtatakda ng transpormasyon nito sa kapital.
Para maging kapital ang isang kalipunan ng mga kalakal o salapi, kailangang magkaruon ito ng kapangyarihang tumubo at lumago kaysa dati nitong halaga. Nasa kanyang pagtubo’t paglago ang kanyang pagiging kapital.
Ito’y tutubo’t lalago lamang:
Una, kung ang isang bahagi ng kayamanang ito ay maipapalit at ang kabilang bahagi ay mapagagamit sa nag‑iisang kalakal sa mundo na tagapaglikha ng halaga — ang lakas‑paggawa ng manggagawa.
Ikalawa, kung may kapangyarihan sa lipunan ang kayamanang ito na obligahin ang mga manggagawa na ipagpalit ang kanilang lakas‑ paggawa sa anyo ng sahod.
Ibig sabihin, ang pag‑iral ng isang uri na walang ibang pag‑aari kundi ang kanyang lakas‑paggawa, ang pag‑iral ng uring ito na di mabubuhay kung hindi ipagbibili ang kanyang lakas‑paggawa — dahil monopolisado ng ibang uri ang mga kagamitan sa produksyon — ang kailangang kondisyon sa paglitaw ng kapital.
Tanging ang dominasyon ng natipon, nakalipas na paggawa na nagkatawang kalakal o nag‑anyong salapi, ang dominasyon nito sa buhay, sariwang paggawa ang magtatransporma sa isang kalipunan ng mga kalakal o nakatipong kayamanan sa pagiging kapital.
Ang kapital ay hindi ang paglilingkod ng mga produkto ng lumang paggawa sa bagong paggawa para sa layunin ng paggawa ng mga bagong produkto. Ang kapital ay ang paglilingkod ng bagong paggawa sa nakalipas na paggawa bilang tanging paraan upang ang halaga nito ay mapanatili’t maparami, lumago at tumubo.
Ang kapital ay nangangahulugan ng sahurang‑paggawa; ang sahurang‑ paggawa ay nangangahulugan ng kapital. Ang isa ay kondisyon sa pag‑iral ng kabila. Pinalilitaw nila ang isa’t isa.
Ang nililikha ng manggagawa ay hindi lamang mga yaring produkto. Nililikha niya mismo ang kapital, pinatutubo niya ito, at sa ganitong paraan, muli siya nitong bibilhin upang ito’y muling palaguin.
Totoong pinakakain siya ng kapital sa pamamagitan ng kanyang sahod. Ngunit kapalit nito, kinakain ng kapital ang kanyang lakas‑paggawa na kumakatawan sa walong oras o higit pa ng kanyang pang‑araw‑araw na buhay.
Walang saysay ang kapital kung hindi ito tutubo. Hindi ito matatawag na kapital kung hindi lalago. Ibig sabihin, ang lakas‑ paggawa ng sahurang‑manggagawa ay bibilhin lang ng kapital kung ito’y makapagpapalago sa kapital, kung makapagpapalakas sa kapangyarihang umaalipin sa kanya.
Dahil ang rekisito sa pag‑iral ng kapital ay ang pag‑iral ng proletaryado, ang paglago ng kapital ay di maiiwasang mangahulugan ng pagdami ng proletaryado sa lipunan.
Kailangan ng sahurang‑manggagawa ang kapital para mabuhay. Kailangan ng kapital ang sahurang‑manggagawa para tumubo. Ibig bang sabihin, magkatugma ang interes ng sahurang‑manggagawa at kapitalista?
Ganito ang sinasabi ng bugesya: Kung mabilis na lalago ang kapital, mas mabilis rin na lalago ang mga industriya. Kung mas yayaman ang mga kapitalista at lalago ang mga negosyo, mas maraming manggagawa ang kanilang kailangan. Kung mas maraming manggagawa ang kailangan, mas mahal na maibebenta ng manggagawa ang kanyang sarili alinsunod sa batas ng suplay at demand.
Sa ganitong pangangatwiran, ang lilitaw na interes ng manggagawa ay palakihin ang tubo ng kapital, pabilisin ang paglago ng kapital upang mapataas ang kanyang sahod!
Maari lang magtugma ang sahurang‑paggawa at kapital kung sila’y tatanawin bilang magkabilang panig ng iisa’t parehas na relasyon, magkabilang‑mukha ng iisang bagul. Ibig sabihin, ang sahurang paggawa ay nangangahulugan ng pag‑iral ng kapital. Ang kapital ay nangangahulugan ng pag‑iral ng sahurang‑paggawa.
Sila’y magkatugma sa katuturang ang sahurang‑pang‑aalipin ay walang iba kundi ang kapitalismo at ang kapitalismo ay walang ibang kahulugan kundi sahurang‑pang‑aalipin.
Hanggat ang sahurang‑manggagawa ay sahurang‑alipin, ang kanyang kapalaran ay nakasalalay sa kapital. Ito ang kanyang kapalaran bilang sahurang manggagawa ngunit hindi ito ang kanyang interes bilang isang uri.
Ang kanyang interes bilang isang uri ay wakasan ang pagsasamantala sa kanya ng kapital, pagsasamantala na nagpapalago sa kapital, at kapital na umaalipin sa kanya bilang isang uri.
Totoong bilang sahurang‑manggagawa, kailangan niya ang kapital para mabuhay gaya ng kailangan ng kapital ang sahurang‑manggagawa para tumubo.
Ngunit ang mas pundamental na katotohanan ay ito:
Ang lipunan ay hindi mabubuhay kung wala ang paggawa ng tao.
Ang pagsasamantala ang paggamit sa paggawa ng iba nang walang kapalit.
Kung ganito ang pagsasamantala, ikakatwiran ng kapitalista: Hindi ko pinagsasamantalahan ang manggagawa. Siya’y aking pinasasahod. Binibili ko ang kanyang lakas‑paggawa sa tunay na halaga nito bilang isang kalakal. Pinapalitan ko ng mga pangangailangan sa buhay na mabibili ng halaga ng kanyang sahod. Pati nga ang kanyang pamilya ay binubuhay ng sahod na ito gayong hindi naman sila nagtatrabaho sa pabrika.
Kung ang mga kapitalista ay hindi nagsasamantala, saan nagmumula ang tubo ng kanilang kapital? Paano lumalago ang dating halaga ng kanilang kapital?
Kung hindi ito mula sa pagsasamantala, mula ba ito sa simpleng pandaraya sa presyo, ibig sabihin, pamimili nang mura at pagbebenta nang mahal, kulang o lampas sa tunay na halaga ng mga kalakal?
Kung hindi ito mula sa pagsasamantala at hindi rin mula sa pandaraya, ibig bang sabihin, ang tubo ay kusang tumutulo mula sa kanilang kapital? Mula sa grasa ng makina, katas ng hilaw na materyal, at pawis ng manggagawa?
Kung ang tubo ng kapitalista ay galing sa simpleng pagbebenta nang lampas sa tunay na halaga, lampas sa presyo ng produksyon, ibig sabihin, hindi niya sinusunod ang batas ng kapitalismo.
Hindi niya sinusunod ang batas ng halaga at palitan ng mga kalakal. Kung ganito ang kanyang pamamaraan, ang kanyang tubo ay mula sa pandaraya, mula sa manipulasyon ng presyo.
Ginagawa ng bawat indibidwal na kapitalista sa iba’t iba’t pagkakataon, paraan at kalakal ang ganitong pandaraya sa presyo.
Pero hindi maaring mabuhay at lumago ang kapitalismo, hindi maaring maging pangkalahatang batas ng pagtubo ng kapital ang ganitong pandaraya sa presyo.
Anumang ganansya ng isang kapitalista sa ganitong paraan bilang tagapagbenta ng kalakal ay mawawala rin sa kanya bilang mamimili.
Sa lipunang nabubuhay sa kalakal, bawat tao ay kapwa nagbebenta at namimili. Kung dayaan lang sa presyo ang batas ng tubo, ang isang tao ay makakabiktima kapag siya ang nagbebenta pero siya rin ang magiging biktima kapag siya na ang mamimili.
Sa huling kwenta, walang lilitaw na may ganansya. Ganti‑ganti lang ang mangyayari. Walang bagong halagang nalilikha. Walang yumayaman.
Bawat kapitalista ay bumibili at nagbebenta ng kalakal. Siya ay bumibili ng mga materyales, makina, lakas‑paggawa, atbp para sa kanyang sariling kalakal. Kapag nayari ang kanyang produkto, siya naman ang magbebenta. Kung ang tubo ay simpleng mula sa dayaan sa bentahan, nagdadayaan lang ang pare‑parehas na mga kapitalista dahil pare‑parehas silang nagbebenta’t namimili ng mga kalakal.
Ipagpalagay na ang isang nagbebentang kapitalista ay dinaya sa presyo ang isang namimiling kapitalista. Pagkatapos ay ibabayad niya ang kanyang kinita sa kapitalistang ito kapag siya naman ang mamimili. Masasabi bang tutubo at yayaman ang ikalawang kapitalista kapag ginantihan na niya ng mataas na presyo ang unang kapitalista? Sa ganitong mga transaksyon, maaring may magulangan pero walang tunay na tutubo.
Ang paglago ng kapital ay hindi nagmumula sa simpleng sirkulasyon ng mga kalakal. Sa kabuuan, ang palitan ng mga kalakal ay sumusunod sa batas ng palitan ng magkakatumbas na mga halaga.
Sa pamilihan nagaganap ang palitan ng magkakatumbas na halaga. Pero hindi rito nagaganap ang paglikha ng mga bagong halaga. Sa produksyon hindi sa sirkulasyon nalilikha ang mga bagong halagang pinagmumulan ng tubo ng kapital. Sa pabrika nililikha ang bagong halaga. Isinasalin lang itong ng palengke sa anyo ng pera para ipambili ng panibagong kalakal.
Samakatwid, ang sikreto ng kapitalismo, ang sikreto ng pagtubo ng kapital, ay sa loob ng pabrika dapat tuklasin.
May dalawang parte ang kapital. Una ay ang tinatawag na palagiang kapital (constant capital) na ginagastos sa mga kagamitan sa produksyon (hilaw na materyal, mga makina, pabrika, atbp.).
Ikalawa ay ang tinatawag na nagbabagong kapital (variable capital) na ginagastos naman sa pasahod sa mga manggagawa. Ang kabuuan ng dalawang parteng ito ang tinatawag ng kapital o presyo sa produksyon.
Alinsunod sa batas ng palitan ng mga kalakal, ang produkto ay dapat ipagbili sa kanyang tunay na halaga at ang presyo nito ay dapat kumakatawan sa tunay nitong halaga. Ang kalakal ay ibinebenta batay sa kanyang tunay na halaga o presyo sa produksyon.
Paano tutubo ang kapital kung hindi niya papatungan ang halaga o presyong ito?
Narito ang sikreto ng kapitalismo! Katunayan, naipagbibili pa nga ng mga kapitalista ang kanilang kalakal nang mas mababa sa kanilang tunay na halaga o presyo sa produksyon pero kumikita pa rin sila ng limpak‑limpak na tubo.
Paano ito ginagawa ng kapitalismo? Ipagpalagay na ang isang kapitalista ng sapatos ay namumuhunan ng halagang P80 para sa hilaw na materyales at halagang P80 para sa depresasyon ng mga instrumento sa produksyon para sa isang pares ng sapatos.
Ibig sabihin, ang palagiang kapital sa isang pares ng sapatos ay umaabot sa halagang P160. Ang halagang ito ay simpleng ililipat sa magiging kabuuang halaga o presyo ng yaring produkto.
Ipagpalagay rin na ang minimum na sahod ng manggagawa ay P320 para sa isang araw o walong oras ng paggawa. Sa loob ng walong oras na ito ay makakatapos ang isang manggagawa ng walong pares ng sapatos.
Dahil sa batas ng halaga — ang halaga‑sa‑palitan ng mga kalakal ay kumakatawan sa nilalaman nilang oras ng paggawa — isalin natin sa oras ng paggawa ang nabanggit na mga presyo.
Ipagpalagay na sa panahong ito, ang presyong P80 ng anumang kalakal ay kumakatawan sa 1 oras ng karaniwang paggawa. Ibig sabihin, anumang kalakal na ang nilalamang kantidad ng paggawa ay 1 oras, ay katumbas ng anumang kalakal na ganito rin ang kinakatawang kantidad ng paggawa at pare‑parehas na ang kanilang presyo ay P80.
Ibig sabihin, ang materyales na kailangan para sa isang pares ng sapatos ay katumbas ng isang oras ng paggawa. Katumbas rin ng isang oras ng paggawa ang halaga ng depresasyon ng mga instrumento sa produksyon para sa isang pares.
Ang katumbas naman ng P320 na sahod ng manggagawa ay apat na oras ng paggawa. Ibig sabihin, ang katumbas nito ay anumang kalakal o kantidad ng mga kalakal na apat na oras ang kabuuang nilalamang kantidad ng paggawa. Batay ito sa kwentang ang presyo sa palitan ng mga kalakal na isang oras ang nilalamang paggawa ay P80.
Kung sa loob ng isang oras ay makakatapos ang manggagawa ng isang pares ng sapatos, ibig sabihin, ang halaga nito ay katumbas ng tatlong oras ng paggawa. Dalawang oras nito ay kumakatawan sa nakalipas na paggawa na siyang halaga ng kinumsumong hilaw na materyales at depresasyon ng mga instrumento sa produksyon. Isang oras naman ay kumakatawan sa direkta o pinakahuling paggawang ginamit para mayari ang isang pares ng sapatos.
Ibig sabihin, ang presyo sa produksyon ng isang pares ng sapatos ay P240 na kumakatawan sa halaga ng tatlong oras ng paggawa.
Kung ang isang pares ay P240 at makakatapos ang manggagawa ng walong pares sa walong oras na paggawa, ibig sabihin, ang kabuuang presyo ng walong pares ay P1,920. Sa walong pares na ito ang kabuuang kapital ng kapitalista ay P1,600. Samakatwid, tubo ang kapitalista, tumubo ang kanyang kapital ng P320 sa walong pares!
Paano ito nangyari, saan nagmula ang halagang ito, ang bagong halagang ito?
Ito’y nagmula sa huling apat na oras ng walong oras na paggamit ng kapitalista sa lakas‑paggawa ng manggagawa.
Sa huling apat na oras ay wala nang bayad ang paggawa dahil sa unang apat na oras ay nabawi na ng kapitalista ang isinahod niya sa manggagawa o nalikha na ng manggagawa ang katumbas na halaga.
Kung sa isang oras, ang manggagawa ay nakakalikha ng halagang katumbas ng P80, samakatwid, sa unang apat na oras o unang apat na pares ay nalikha ng manggagawa ang katumbas ng P320 niyang sahod.
Bawi na ang kapitalista sa kanyang pasahod sa manggagawa. Sa huling apat na oras ay libre na ang paggawa at dito nililikha ng manggagawa ang P320 na tubo ng kapitalista.
Ang huling apat na oras na ito ang tinatawag na sobrang‑ paggawa. Ang tubo na ginawa sa panahong ito ang tinatawag na sobrang‑halaga. Ito ang kapitalistang pagsasamantala.
Ang proporsyon sa pagitan ng ginugol ng kapitalista para sa sahod at nahuthot niyang sobrang‑halaga ang tinatawag na tantos ng pagsasamantala (Sobrang‑Halaga/Nagbabagong Kapital=Tantos ng Pagsasamantala). Ang sobrang‑halagang P320 ay kumakatawan sa 100% na tantos ng pagsasamantala. Sa tantos ng pagsasamantala nasusukat ang igting ng pagsasamantala sa manggagawa.
Ang proporsyon sa pagitan ng buong kapital at sobrang‑halaga ang tinatawag na tantos ng tubo (Sobrang‑Halaga/Kapital=Tantos ng Tubo). Sa P1,600 kapital para sa walong pares ng sapatos at tubong P320, ang tantos ng tubo ay 20%. Sa tantos ng tubo nasusukat kung mainam pagtubuan ang isang negosyo.
Hindi ba pwedeng magreklamo ang manggagawa? Ang nalikhang halaga ng kanyang paggawa ay P640 sa loob ng walong oras. Bakit P320 lang ang ibinayad sa kanya ng kapitalista?
Ganito ang isasagot ng kapitalista: Ayon sa batas ng halaga ng mga kalakal, ang iyong lakas‑paggawa ay nagkakahalaga lang ng P320, hindi P640. Ang P320 ang halagang katumbas ng paglikha ng iyong lakas‑paggawa. Ang P640 ang halagang malilikha sa paggamit ng iyong kalakal. Ito’y dalawang magkaibang bagay. Ang presyo ng isang kalakal ay itinatakda ng halaga‑sa‑palitan at hindi ng halaga‑sa‑gamit. Samakatwid, ang presyo ng lakas‑paggawa ay P320.
Sa loob ng apat na oras ay nalikha ng manggagawa ang katumbas na halaga ng kanyang sahod. Ibig sabihin, bayad na ang kapitalista sa ipinaluwal niyang sahod. Hindi ba dapat ay tumigil na siya sa pagtatrabaho matapos ang apat na oras?
Ang kapitalista ay di makakapayag. Ang kanyang katwiran: Binili ko ang lakas‑paggawa para sa walong oras na paggawa kaya’t dapat kumpletuhin ng manggagawa ang walong oras na ito! Ang ibinayad ko ay sapat para siya’y makabili ng kanyang mga kailangan para malikha sa kanyang katawan ang aktibong enerhiya at pisikal na lakas para magtrabaho ng walong oras. Kung apat na oras lang magtatrabaho ang manggagawa sa pabrika, babawasan ko ng kalahati ang P320 dahil ito rin lang ang katumbas na halaga para likhain ang lakas‑paggawa para sa apat na oras.
Kung ang halagang P640 ay mula sa lakas‑paggawa, hindi ba dapat lang ay ibigay ito sa manggagawa na siyang may likha nito?
Hindi rin dito makapapayag ang kapitalista. Ang kanyang katwiran: Binili ko ang lakas‑paggawang ito sa loob ng walong‑oras kaya’t pag‑aari ko ito sa loob ng walong oras. Dahil ito’y akin, lahat ng produkto nito sa loob ng walong oras ay akin! Sa batas ng pribadong pag‑aari, kung ang isang tao ay nakabili ng isang baboy at matapos ang ilang buwan ay nagsilang ito ng mga biik, di pwedeng angkinin ng nagbenta ang mga biik sa katwirang ang ibenenta lang niya ay ang baboy.
Kung hindi ibibigay ng kapitalista ang sobrang‑halaga na P320 sa manggagawa, hindi ba’t dapat ay bawasan niya ng P320 ang kabuuang presyo ng walong pares ng sapatos dahil P1,600 lang naman ang gastos niya rito at hindi P1,920?
Sa unang apat na pares, ang gastos ng kapitalista ay P240 bawat pares. Pero sa huling apat na pares ay P160 na lang ang kanyang gastos dahil libre na ang paggamit sa lakas‑paggawa.
Ibig sabihin, ang dapat na bentahan ng bawat pares ay P200 at hindi P240. O kaya’y, ang unang apat na pares sa halagang P240 at ang huling apat na pares sa halagang P160.
Mangingiti lang dito ang kapitalista. Ikakatwiran niya na ang presyo ng kalakal ay kumakatawan sa kanyang halaga at ang mga kalakal ay dapat ibenta sa kanilang halaga. Ang katumbas na halaga ng isang pares ng sapatos ay tatlong oras ng paggawa at ang halaga ng tatlong oras ng paggawa ay P240. Ang walong pares ng sapatos, ay pare‑parehas ang nilalamang kantidad ng paggawa. Bakit mag‑iiba ang kanilang halaga o presyo? Kung P240 ang halaga ng unang pares, P240 rin ang halaga ng ikawalo.
Pero bilang konsiderasyon sa mga anak ng manggagawa na nangangailangan ng sapatos, magmamagandang‑loob ang kapitalista: Payag siyang ibenta ang bawat pares sa presyong P220 na mas mababa sa tunay nitong halaga. Ngunit sa “paluging” presyong P220, tutubo pa rin ang kapitalista ng P20 bawat pares o P160 sa walong pares!
Sa balangkas ng kapitalismo, ang tubo ay hindi pagsasamantala. Hindi pagsasamantala ng kapital sa sahurang‑paggawa kundi karapatan ng kapital.
Ganito rin ang katwiran noon ng mga panginoong may‑alipin. Karapatan nilang magmay‑ari ng mga alipin. Ganito rin ang katwiran ng mga panginoong maylupa. Karapatan nilang magmay‑ari ng lupa kahit hindi sila ang nagbubungkal.
Gayunman, kahit sa balangkas ng kapitalismo, magkakabuhul‑buhol sa kasinungalingan ang burgesya kung tatangkain niyang ipaliwanag na ang tubo ay hindi lang sa lakas‑paggawa nagmumula at bumubukal rin ito mula sa ibang bahagi ng kanyang kapital.
Mayruon pa bang pwedeng pagmulan ang sobrang‑halagang ito bukod sa paggawa ng uring manggagawa? Ang mga kalakal na kinakatawan ba ng palagiang kapital gaya ng hilaw na materyales at modernong makina ay walang nililikhang bagong halaga o sobrang‑halaga?
Kahit isang kusing ng halaga ay hindi malilikha ng hilaw na materyal o ng modernong makina. Inililipat lang ang kanilang halaga sa kabuuang halaga ng yaring produkto. Mismo ang paglipat ng kanilang halaga sa yaring produkto ay hindi magaganap kung hindi magdadaan sa kamay ng manggagawa.
Dalawa lang ang pinagmumulan ng yaman sa mundo. Una’y ang kalikasan. Ikalawa’y ang paggawa ng tao.
Ang kalikasan ang nagsusuplay ng materyal na isinasalin ng paggawa ng tao sa kayamanan. Ang materyal na mula sa kalikasan ay ginagawang produkto sa pamamagitan ng paggawa. Kung kayamanan man na matatawag ang produktong ito, ito’y kayamanang walang halaga bago sinimulang ipagpalit ng tao bilang kalakal.
Sa proseso ng palitan ng mga produkto ng paggawa ng tao nagkaruon ng halaga ang mga produktong ito. Halaga hindi sa katuturan ng paggamit kundi halaga sa katuturan ng palitan. Ito’y naging kayamanang sinusukat sa porma ng Halaga, Presyo at Salapi.
Ang halaga kung gayon ay hindi maihihiwalay sa larangan ng palitan. Hindi maihihiwalay sa kinakatawan nitong paggawa ng tao. Para magkaruon ng halaga ang mga produkto ng paggawa ng tao, kailangang magkaruon ng palitan, at hindi lang simpleng palitan, kundi palitan ng magkakatumbas.
Ang kalikasan, ang mga makina, ang mga hayop na pansaka ay mga kagamitan sa produksyon ng tao. Ang relasyon ng tao sa kanyang mga kagamitan sa produksyon ay hindi relasyon ng halaga‑sa‑ palitan kundi halaga‑sa‑gamit.
Kaya’t walang nililikhang sariling halaga ang mga kagamitang ito nang hiwalay sa paggawa ng tao. Sila’y mga instrumento lang ng tao sa paglikha ng halaga, at sa kanilang sarili, hindi sila makakalikha ng halaga.
Kung kahit ang sariling halaga ay hindi nila malilikha, lalong di nila malilikha ang sobrang‑halaga para sa kapitalista.
Sa kamay ng mga produktibong pwersa sa lipunan, ng masang anakpawis, ang mga pabrika at lupa ay mga instrumento sa produksyon ng kanilang paggawa na bumubuhay sa lipunan.
Para sa mga uring mapagsamantala, hindi lang ito mga instrumento sa produksyon kundi mga instrumento ng pagsasamantala.
Ang mga taong may‑ari nito ay yumayaman hindi dahil ang mga instrumentong ito ay lumilikha ng yaman. Sila’y yumayaman dahil sa pagmamay‑ari sa mga instrumentong ito, nagagawa nilang angkinin ang yamang likha ng masang anakpawis.
Ang sobrang‑halaga ay walang ibang pinagmumulan kundi ang paggawa. Ang tubo ay hindi pinipiga mula sa kapital bilang kapital kundi mula sa manggagawa bilang sahurang‑paggawa. Hindi mula sa kapital tumutubo pero ang kapital ang tumutubo!
Saan nakatindig ang katwiran ng burgesya na ang tubo ay karapatan ng kapital? Siya ba ang may karapatan sa sobrang‑halaga dahil siya ang may‑ari ng mga kagamitan sa produksyon at ng mismong lakas‑paggawang ibinenta ng manggagawa sa kapital?
Para sa kapitalista, sila ang may karapatan sa tubo dahil kung hindi sa kanilang kapital ay hindi aandar ang produksyon at hindi mabubuhay ang manggagawa.
Totoong kung wala ang hilaw na materyales, kung wala ang mga makina, kung wala ang pabrika hindi aandar ang produksyon. Pero lahat ng ito ay kalakal. Bilang mga kalakal, itong lahat ay produkto ng paggawa.
Sino ba ang may likha ng mga hilaw na materyales na ito, sino ba ang may likha ng mga makina, sino ba ang nagtayo ng mga pabrika kundi ang masang anakpawis? Kahit isang butil ba ng pawis ay may ambag ang kapitalista sa paglikha ng mga kalakal na ito?
Pwedeng sabihin ng kapitalista na pinaghirapan din niya ang kanyang salapi. Ibig sabihin, mas mahirap pala ang magsamantala kaysa pagsamantalahan dahil mas malaki ang kita ng mapang‑alipin kaysa inaalipin.
Pero kung wala ang salapi ng kapitalista ay aandar ba ang produksyon ng mga kalakal? Kahit isang piraso ng salapi ng kapitalista ay hindi ginamit na aktwal na sangkap o kasangkapan sa produksyon ng kalakal.
Hindi ito ginamit na sangkap para mabuo ang makina at hindi rin ito ginamit na panggatong para umandar ang makina. Ang nagmina ng bakal sa mga bundok, nang langis sa kailaliman ng lupa, para mabuo’t umandar ang mga makina ay ang masang manggagawa. Ang nagpaandar sa makina ay ang manggagawa.
Dalawa lang ang papel ng salapi ng kapitalista. Una, ilipat ang pagmamay‑ari ng mga kalakal na ito mula sa kamay ng isang indibidwal o kapitalista patungo sa kanyang kamay. Ikalawa, alipinin ang masang manggagawa na obligadong magtrabaho para sa kapitalista para mabuhay.
Totoong sa pamamagitan ng sahod ay nabuhay ang sahurang‑ manggagawa. Ngunit ang sahod na ito ay hindi libreng ibinigay ng kapitalista sa manggagawa. Ang sahod na ito ay binayaran ng manggagawa ng kanyang lakas‑paggawa.
Katunayan, sino ang nabubuhay ng libre? Walang iba kundi ang kapitalista!
Ang kanyang luho sa buhay ay sustentado ng kanyang tubo. Saan ba galing ang tubong ito? Ito ay galing sa sobrang panahong nagtatrabaho ang manggagawa nang walang bayad, kinukuha niya ito sa manggagawa nang libre, walang kapalit. Sino kung gayon ang binubuhay nino?
Lahat ng likhang‑yaman sa mundo ay mula sa paggawa. Ang bumubuhay sa lipunan ay ang paggawa. Hindi mabubuhay ang tao kung wala ang paggawa.
Sa ganitong katuturan, masasabing ang may likha mismo sa tao ay ang paggawa dahil hindi magpapatuloy ang buhay at lahi ng tao sa ibabaw ng mundo kung walang ang paggawang ito. Pero sa kabila ng katotohanang ito, ipipilit ng burgesya na siya ang may karapatan sa tubo ng paggawa.
Saan nagmula ang karapatang ito, ano ang kahulugan ng karapatang ito, sino ang nagbasbas sa burgesya ng karapatang ito? Kung ang karapatang ito ay mula sa langit, ibig sabihin, hanggang sa kabilang buhay ay sila ang naghahari, nasakop na rin ng kapital pati ang langit! Pero dito sa lupa, walang tinatayuan ang karapatang ito.
Di lahat ng tubo ay sa bulsa ng kapitalista mapupunta at di rin lahat ay uubusin sa luho.
Pumaparte rin sa sobrang‑halaga ang mga may‑ari ng bangko sa porma ng interes sa pautang at ang mga panginoong maylupa sa porma ng upa sa lupa. Ang matitirang parte ang ibubulsa ng kapitalista bilang industriyal o komersyal na tubo.
Ang mga bwitreng ito ang pangunahing binubuhay ng sobrang‑ halagang likha ng uring manggagawa. Nabubuhay rin sa sobrang‑ halagang ito ang mga lintang nakasuso sa maluhong buhay ng mga uring mapagsamantala.
Mabuti pa ang mga bwitre, hinihintay nilang maging bangkay ang kanilang biktima. Ang nilalamon ng burgesya at mga palamuning uri sa lipunan ay ang may laman at dugong lakas‑paggawa ng buhay ng manggagawa.
Pero hindi lahat ng industriyal na tubo ay uubusin ng kapitalista sa luho. Matapos awasin ang para sa kanyang personal na luho, ang nalalabi sa sobrang‑halaga ay idadagdag sa orihinal na kapital.
Ito ang tinatawag na akumulasyon ng kapital. May sariling batas ang akumulasyon na ito na hindi lang nagsusulong sa kapitalistang produksyon kundi nagbubunga rin ng krisis ng sobrang produksyon, ng krisis ng kapitalismo.
Tubo ang layunin ng kapitalistang produksyon. Ito ang gumagatong sa kapitalistang kompetisyon. Tubo para sa ibayong tubo — ito ang pundamental na batas ng kapitalismo.
Ang tulak para sa ibayong tubo ay hindi simpleng udyok nang walang pagkabusog na kasakiman kundi ito mismo ang buhay ng kapital.
Ang kahibangan sa tubo ay tulak ng mismong mga batas ng kapitalismo — ang kumpetisyon at akumulasyon.
Obligadong magkamal ng mas malaking tubo, magkaruon ng akumulasyon ang kapital dahil sa kumpetisyon. Sa tulak naman ng akumulasyon, lalong umiigting ang kapitalistang kumpetisyon.
Kung paano pinisak ng kapital ang indibidwal na prodyuser sa panahon ng pyudalismo, ganuon rin pinipisak ng kapital ang sariling hanay.
Naglalamunan ang bawat kapitalista, at ang nananaig ay ang may dambuhalang kapital. Ang tubo na siyang nilalamon ng kapital para lumago ang siya ring lumalamon sa hanay ng mga may‑ari ng kapital hanggang sa ang buong kapitalismo ang lamunin ng sariling batas ng tubo.
Palakihin ang tubo para palaguin ang kapital, palaguin ang kapital para palakihin ang tubo — dito umiinog ang kapitalismo.
Ang tubo ay sobrang‑halaga. Samakatwid, lalaki ang tubo kung lalaki ang sobrang‑panahon ng paggawa na libreng nagagamit ng kapitalista.
Kahit pirmi ang oras ng araw na paggawa, mapahahaba ang sobrang‑ oras na ito kung mapaiiksi ang oras ng paggawa ng halagang katumbas ng sahod ng manggagawa. Kung gaano ang iniiksi nito, ganuon rin ang ihahaba ng libreng panahon ng paggawa.
Mangyayari ito kung tataas ang produktibidad ng paggawa sa pagsisinsin ng dibisyon ng paggawa na nangangahulugan ng paggamit ng makina at patuloy na modernisasyon nito.
Humahaba ang panahon ng libreng paggawa sa lahat ng empresa kung tumataas ang produktibidad ng paggawa sa mga sangay ng industriya na gumagawa ng mga kailangan ng manggagawa. Kung mas produktibo ang mga sangay na ito, bumababa ang halaga ng kanilang mga produkto. Bumababa rin ang halaga ng lakas‑paggawa dahil ang katumbas nitong mga produkto ay umiksi ang oras ng paggawa.
Umiiksi rin ang kailangang oras para sa halaga ng sahod ng manggagawa kung tumataas ang produktibidad sa mga sangay ng industriya na lumilikha ng mga kasangkapan sa produksyon na ginagamit ng mga industriyang lumilikha ng mga kalakal na kinukonsumo ng masang manggagawa.
Ibig sabihin, sa pamamagitan ng dibisyon at mekanisasyon ng paggawa, at walang tigil na modernisasyon nito, napaiigting ang produktibidad ng paggawa, napalalaki ang sobrang‑panahon ng paggawa, napalalaki ang sobrang‑halagang nahuhuthot ng kapital.
Ang kahulugan nito’y mas malaking pondo para sa parte ng kapital na nakalaan sa palagiang kapital o mga kasangkapan sa produksyon kaysa inilalaan para sa nagbabagong kapital o sahod. Ito ang isang saligang batas ng kapitalistang akumulasyon.
Kung mas maunlad ang mga kasangkapan sa produksyon ng isang kapitalista, mas malaki ang malilikhang kantidad ng kalakal sa parehas na oras ng paggawa kaysa mga empresa ng kanyang mga karibal na mas atrasado ang produksyon. Mas malaki ang kanyang puhunan, pero mas mura ang kanyang produkto.
Para mabawi ang mas malaking puhunan at maitaboy ang kanyang mga karibal, ibebenta niya nang mas mura ang kanyang kalakal. Kung nadoble ang kanyang produksyon, kailangang madoble ang kanyang benta.
Kung makukuha niya ang dominasyon sa pamilihan, makapagtatakda siya ng presyo. Mas mababa ito kaysa presyo ng kanyang mga karibal pero mas mataas kaysa tunay na halaga ng kanyang kalakal. Magagawa niya ito hanggat dominado niya ang pamilihan at monopolisado ang modernong produksyon.
Pero hihirit ang kanyang mga karibal. Lilitaw ang bagong kapital na magtutuloy sa labanang kanyang sinimulan. Kung saan mainam ang tubo, kung saan ang presyo ng kalakal ay mataas sa kanyang tunay na halaga, dadayo’t dadayo ang kapital.
Di maglalaon, mapapantayan o mahihigitan ang modernong produksyon ng dominanteng kapitalista. Lulunurin ng suplay ang demand. Mag‑ aagawan sa benta. Magpapabagsakan ng presyo. Hanggang sa umabot ito sa tunay na halaga at bumaba pa rito.
Kung di mamantena ng unang kapitalista ang patuloy na modernisasyon at konsentrasyon ng kanyang kapital sa harap ng kompetisyon, maagaw ito ng kanyang luma o bagong karibal.
Ang walang tigil na pagpapaunlad ng mga instrumento sa produksyon, ng mga modernong makina, ay batas ng akumulasyon ng kapital sa isang indibidwal na empresa o kabuuang kapital sa lipunan.
Dahil sa batas ng kumpetisyon at kalikasan ng kapitalistang akumulasyon, umunlad at nangibabaw ang mga sangay ng industriya na ang ginagawang kalakal ay mga produktong pamproduksyon.
Palatandaan ng pag‑unlad ng kapitalismo ang paglakas ng sektor na ito ng produksyon laluna ang pag‑unlad ng mga industriya ng makina.
Ang kabuuang produksyon ng kapitalistang sistema ay mahahati sa pagitan ng mga sangay ng industriyang pamproduksyon ang kalakal at mga sangay ng industriyang pangkonsumo ang produkto.
Mahigpit at sala‑salabat ang ugnayan ng mga sangay na ito ng industriya. Naglalarawan ito sa kabuuang pag‑unlad ng dibisyon ng paggawa sa ilalim ng kapitalismo.
Ang kabuuang kapital sa lahat ng sangay na ito ng industriya ang tinatawag na panlipunang kapital o kapital ng buong uring kapitalista. Ang batas ng akumulasyon ng panlipunang kapital ay di nalalayo sa batas ng akumulasyon sa indibidwal na mga empresa.
Para mapalaki ang tubo at mapalago ang kapital sa isang empresa, kailangang mas malaki at mas mabilis ang paglago ng parte ng palagiang kapital kumpara sa paglago ng nagbabagong kapital. Ito rin ang batas ng akumulasyon ng panlipunang kapital.
Sa akumulasyon ng panlipunang kapital, hamak na mas malaki ang inilalaan at inilalaki ng parte ng palagiang kapital kaysa parte ng nagbabagong kapital.
Alinsunod dito, mas mabilis na lumalaki ang palagiang kapital sa dalawang sektor ng industriya (pamproduksyon at pangkonsumo) kaysa nagbabagong kapital at sobrang‑halaga.
Ang nangyayari pa nga, ang pag‑unlad ng palagiang kapital sa mga industriyang pamproduksyon ay hamak na mas mabilis kaysa paglaki ng palagiang kapital sa mga industriyang pangkonsumo.
Pinakamabilis ang pag‑unlad sa mga industriyang gumagawa ng mga kasangkapan sa produksyon. Susunod ang mga sangay na gumagawa ng mga kagamitan sa produksyon para sa mga produktong pangkonsumo. Mas mabagal ang pag‑unlad ng mga industriyang pangkonsumo bagamat ito ang ultimong layunin ng produksyon.
Ang diin sa pag‑unlad ng paggawa ng mga kagamitan sa produksyon ay batas ng kapitalistang akumulasyon. Imposible ang akumulasyon kung hindi ito ang prayoridad.
Ito ang prayoridad ng kapital dahil sa ganitong paraan mapapalaki ang tubo, ito ang idinidikta ng kompetisyon. Ang modernong makina ay hindi lang simpleng instrumento para mapaunlad ang produksyon.
Para sa kapitalista, mas instrumento ito ng ibayong pagsasamantala, instrumento sa kompetisyon at akumulasyon.
Walang tigil na inuuga ang kapitalistang produksyon dahil sa ilalim nito’y ang batas ng kompetisyon at akumulasyon. Tuluy‑ tuloy ang pagsinsin ng dibisyon ng paggawa, ang pagpapalit ng mga makinarya, ang pananakop ng malakihang produksyon.
Anumang bagong makinarya ang ipasok ng isang kapitalista sa kanyang pabrika, itutulak ng kompetisyon ang ibang kapitalista na magpalit rin ng makinarya, habulin ang teknolohiya ng karibal. Ang hindi makasabay ay mababangkrap.
Kapag nagpang‑abot ang magkakasing‑lakas na kapital, ang kababagsakan ng ibayong produktibidad ng kanilang higanteng mga empresa ay mas murang kalakal na obligado nilang ibenta nang ilang ulit na mas marami kaysa dati.
Ilan libong ulit ang dami kaysa dati dahil kailangan nilang bawiin ang mas mababang presyo sa dami nang maibebenta. Mas malaking benta ang kailangan hindi lang para mas malaking tubo kundi para bawiin ang mas malaking gastos sa mas malaking puhunan.
Habang tumataas ang produktibidad, lalong umiigting ang kanilang kompetisyon sa pagbebenta ng kalakal. Lalo silang magiging sugapa sa ibayong pagpapaunlad ng mga kagamitan sa produksyon, sa ibayong akumulasyon ng kapital dahil ito ang paraan para makapangibabaw sa kompetisyon.
Ano ang hahantungan nang ganitong walang tigil na akumulasyon ng kapital? Ano ang epekto nito sa masang manggagawa?
Habang umuunlad ang makinarya ng industriya para mapahaba ang sobrang‑oras ng paggawa at mapalaki ang sobra‑halaga, kasabay nitong nililikha ang sobrang populasyon ng manggagawa.
Ang makina na instrumento para mapaiksi ang oras ng trabaho ay nagiging instrumento para ang manggagawa ay mawalan ng trabaho.
Ang makina na ekstensyon ng kamay ng manggagawa sa paglikha ng materyal na mga pangangailangan sa buhay, ay nagiging instrumento para hindi maabot ng kanyang kamay ang mga pangangailangang ito.
Kung ang makina ay nagsisilbing kasangkapan para sagarin ang produktibidad ng isang seksyon ng uring manggagawa, binabaog naman nito ang paggawa ng masang inaalisan nito ng trabaho.
Ang partikularidad ng kapitalistang kumpetisyon, ng gera ng kapital, ay ang katotohanan ang mga labanan ay naipapanalo hindi sa pagpapalaki ng hukbo ng paggawa kundi sa pagpapaliit nito. Mas tipid sa tao, mas malaki ang tubo.
Sa madaling salita, ang unang epekto ng akumulasyon ng kapital ay akumulasyon ng masang walang trabaho — ang reserbang hukbo ng paggawa ng kapitalismo.
Totoong sa pag‑unlad ng industriya, dumarami’t lumalaki ang mga pabrika. Ngunit ang pangangailangan sa paggawa ay hindi makakasabay sa kumpas ng akumulasyon ng kapital dahil ang direksyon ng kapital na ito ay pagpapalago ng puhunan para sa mga kagamitan sa produksyon.
Patuloy na lumalaki ang populasyon ng mga manggagawang pumapasok sa pabrika habang umuunlad ang kapital, pero lumalaki ito sa papaliit na proporsyon sa akumulasyon ng kapital.
Ang kahulugan ng pagpapaunlad ng produktibidad ng paggawa sa pamamagitan ng aplikasyon ng makinarya ay paglaki ng kapasidad sa produksyon ng indibidwal na manggagawa.
Tumataas ang produktibidad ng paggawa kung ang dating paggawa ng sampu, dalawampu o tatlumpu ay magagawa na lang ng isa sa tulong ng makina. Ang aplikasyon ng makina ay mangangahulugang pwede nang maghanap ng ibang trabaho ang mga manggagawang hahalinhan ng makina.
Sa ganitong halimbawa, pinaigting ng aplikasyon ng makina ang kompetisyon sa hanay ng manggagawa. Ang kompetisyon ng mga manggagawa ay hindi lang sa anyo ng sino ang makapagbebenta ng lakas‑paggawa nang mas mura; ang kompetisyon nila ay nasa anyo rin nang ang isa ay gumagampan sa trabaho ng marami.
Habang umuunlad ang dibisyon ng paggawa, napasisimple ang paggawa. Ang ispesyal na kasanayan ng mangggawa ay nawawalang‑ saysay. Ang kanyang paggawa ay nagiging paggawang kahit sino ay makakagampan. Bunga nito, kinukubkob siya ng kumpetisyon. Bukod sa kung mas simple ang paggawa, ito’y mas mura.
Kaya’t pwede nang palitan ng babae ang lalake. Pati ang mga bata ay mahihigop sa paggawa. Pami‑pamilya ang aalipinin ng kapital.
May tatlong anyo ang sahod: nominal na sahod, tunay na sahod at relatibong sahod.
Ang nominal sahod ay kumakatawan sa kabuuang salaping pinambili ng kapitalista sa lakas‑paggawa ng manggagawa. Ang tunay na sahod ay kumakatawan sa kabuuang kalakal na mabibili ng salaping ito. Ang relatibong sahod ay ang parte ng manggagawa sa bagong halagang kanyang nilikha relatibo sa parte ng tubo na dito magmumula.
Bawasin natin mula sa halaga ng isang kalakal ang halagang kumakatawan sa hilaw na materyales, depresasyon ng makina, atbp. na nagamit sa paggawa ng kalakal (halaga ng nakalipas na paggawa o palagiang kapital). Ang matitira ay ang bagong halagang likha ng paggawang huling ginamit.
Mula sa bagong halagang ito magmumula ang parte ng manggagawa at kapitalista sa anyo ng sahod at tubo. Magbago man ang proporsyon ng partihang ito, hindi magbabago ang kabuuang halagang pinagpapartehan.
Ibig sabihin, dahil ang pagpapartehan lang ng manggagawa’t kapitalista ay ang takda’t limitadong halagang ito, kung mas malaki ang magiging parte ng isang panig, mas maliit ang magiging parte ng kabila.
Samakatwid, kapag nagbago ang sahod, magbabago rin ang tubo sa kabilang direksyon. Kapag bumagsak ang sahod, tataas ang tubo; at kapag ang sahod ang tumaas, babagsak ang tubo. Sa bawat pagtaas ng tubo ay may katumbas na pagbagsak ang sahod. Sa bawat pagtaas ng sahod ay may katumbas na pagbagsak ang tubo.
May ganting‑aksyon ang anumang paggalaw ng tubo o sahod sa isa’t isa. Ito ang pangkalahatang batas ng pagtaas at pagbagsak ng sahod at tubo sa kanilang resiprokal na relasyon.
Ibig sabihin, sila’y ganap na magkasalungat, nakatayo sa magkabilang dulo ng isang relasyong ganap na magkasalungat.
Maaring nananatili sa dati ang nominal na sahod ng manggagawa, pero ang kanyang tunay na sahod ay bumabagsak. Ibig sabihin, sa dating salaping kanyang natatanggap, ay mas kaunting kalakal ang kanyang nabibili.
Maari ring lumalaki ang kanyang natatanggap na nominal na sahod, pero ang kanyang tunay na sahod ay nananatili sa dati. Ibig sabihin, dumami man ang kanyang natatanggap na salapi, ganoon pa rin ang kantidad ng kalakal na kanyang nabibili. Ang kalakaran pa nga, tumataas ang kanyang nominal na sahod, pero bumabagsak pa rin ang kanyang tunay na sahod.
Ibig sabihin, hindi katumbas ng pagtaas ng nominal na sahod ang pagbagsak ng tunay na sahod.
Manatili man sa dati ang tunay na sahod ng manggagawa, at maari pa ngang ito’y tumaas, pero ang relatibong sahod ay bumabagsak.
Ibig sabihin, maaring dumarami ang nabibiling kalakal ng nominal na sahod ng manggagawa kumpara sa dati kaya’t nasasabing tumataas ang kanyang tunay na sahod.
Pero bumabagsak pa rin ang kanyang relatibong sahod dahil, sa kabila nito, lumalaki ang parte ng tubo sa sobrang‑halagang nalilikha ng manggagawa. Ibig sabihin, kung lumiliit ang parte ng sahod sa hatian ng bagong halaga, bumabagsak ang relatibong sahod.
Masasabi lang na lumiliit ang parte ng tubo relatibo sa sahod kung ang pagtaas ng tunay na sahod ay may katumbas na paglaki ng nominal na sahod.
Ito’y nagaganap lamang sa pamamagitan ng matagumpay na pakikibaka ng buong uri at hindi lamang sa isa‑isang pabrika. Ibig sabihin isang pangkalahatang pagtaas ng nominal at tunay na sahod.
Pero ang pundamental na batas ng kapitalismo ay akumulasyon ng kapital. Isang kahulugan ng akumulasyon ng kapital ay mas mabilis na paglago ng palagiang kapital kaysa nagbabagong kapital. Mas malaking puhunan para sa kagamitan sa produksyon kaysa para sa sahod.
Ibig sabihin ang batas ng akumulasyon ng kapital ay palakihin ang nahuhuthot ng tubo hindi para palakihin ang pondo para sa sahod kundi iprayoridad ang pagpapalaki ng pondo para sa makinarya’t hilaw na materyal.
Ang tendensya pa nga ng kapital ay magtipid sa pondo para sa sahod para mailarga ang pondo para sa palagiang kapital. Itaas ang produktibidad ng manggagawa, itaas ang indibidwal na kapasidad ng paggawa para makatipid sa kantidad ng manggagawa. Abutin ng isa ang kapasidad ng isandaan.
Itaas ang kapasidad nang di itinataas ang kalidad ng paggawa. Ibig sabihin, tumuklas ng mga makinang pwedeng humalili sa isandaang manggagawa pero mapaaandar ng isang ordinaryong manggagawa. Mas modernong makina para mas kaunting manggagawa, mas simpleng operasyon ng makina para mas ordinaryong paggawa. Lahat para sa mas murang pasahod, mas murang lakas‑paggawa.
Ang tunay na pagtaas ng sahod ng manggagawa ay di magmumula sa batas ng kapital kundi sa pakikibaka ng buong uring manggagawa. Alam ito ng kapitalismo kaya’t ang sinisibak ng kapitalismo, ng buong uring kapitalista, ay ang pagkakaisa ng buong uring manggagawa.
Kung ang pagtaas o pagbagsak ng presyo ay itinatakda ng kumpetisyon, ang batas rin ng kompetisyon ang kinakasangkapan ng uring kapitalista para panatilihing mababa ang presyo ng lakas‑paggawa bilang kalakal.
Ang reserbang hukbo ng paggawa na pinalalago ng akumulasyon ng kapital, ng modernisasyon ng makina, ay pinanghahagupit ng kapitalismo sa aktibong hukbo ng paggawa para kumayod‑kalabaw sa paglikha ng sobrang‑halaga sa mababang antas ng pasahod. Kung sobra ang suplay ng paggawa kaysa demand, mas mababa ang presyo nito kaysa tunay na halaga.
Madaling susunggaban ng indibidwal na manggagawa ang alok na sahod ng kapitalista kung alam niyang marami ang kanyang karibal sa sahod na ito. Ang pagpapataas ng presyo ng kanyang kalakal ay nililimitahan ng realidad na maraming manggagawang walang hanapbuhay na handang magbenta ng sariling paggawa sa mas mababang presyo.
Mas maraming nagdarahop, mas maraming nagugutom, mas mababa ang pasahod. Mas mababang pasahod, mas malaki ang tubo. Mas malaking tubo, mas makapangyarihan ang kapital. Kung mas makapangyarihan ang kapital, mas madaling alipinin ang paggawa.
Samakatuwid, ang tunay na kalikasan at kahulugan para sa uring manggagawa ng kapital ay akumulasyon ng pagdarahop. Ito ang kalagayan ng uring manggagawa sa kapitalistang daigdig.
Maaring masabing mas maginhawa ang buhay ng isang manggagawa sa isang pabrika kaysa manggagawa sa ibang pabrika, gaya ng mas maginhawa ang buhay ng manggagawa sa abanteng bansa kaysa manggagawa sa isang atrasadong bayan.
Pero kumpara sa kayamanan at kapangyarihan ng kapital, ang manggagawa ng bawat pabrika, ng bawat bansa ay dukha, aliping‑ sahuran ng kapital.
Kung ang halagang pinaghahatian ay iisa, ang paglaki ng parte ng isang panig ay nangangahulugan ng pagliit ng parte ng kabila. Ang akumulasyon ng kayamanan ng isang panig ay mangangahulugan ng akumulasyon ng kahirapan ng kabila.
Dahil ang kapital ay akumulasyon ng kayamanan ng kapitalista, ang kabila nito’y akumulasyon ng karukhaan, pagkaalipin, brutalidad, pagkabagot sa trabaho kundi man kawalan ng trabaho, pagkasubsob sa trabaho kundi man pagkabaog sa paggawa.
Ang kakatwa sa kapitalismo, umaabot sa kasukdulan ang akumulasyong ito ng pagdarahop ng masang anakpawis kung kailan umaabot sa kasukdulan ang akumulasyon ng kapital, ang akumulasyon ng kayamanang likha ng lipunan — sa yugto ng krisis ng sobrang produksyon ng kapitalismo. Sa panahong lumulutang sa kayamanan ang kapitalismo sa anyo ng sobrang kalakal, sa panahon ring ito nalulunod sa kahirapan ang uring manggagawa.
Nilalamon ng sariling kontradiksyon ang kapitalistang produksyon. Kontradiksyong nag‑uugat mula sa kontradiksyon ng produksyong sosyal para sa indibidwal na tubo.
Tubo ang nasa isip ng bawat kapitalista. Alinusunod ito sa batas ng kumpetisyon at akumulasyon ng kapital. Ang kahulugan nito’y anarkismo sa produksyon. Kanya‑kanyang produksyon na ang hinahabol ay tubo, na ang tinutugunan ay tubo.
Insidental lang ang pangangailangan ng lipunan. Ang pundamental ay kung saan tutubo. Pinag‑aaralan ang pangangailangan ng lipunan hindi para serbisyuhan ito kundi para pagtubuan. Lumilikha ng artipisyal na pangangailangan sa pamamagitan ng komersyalisasyon nito para makapagbenta at tumubo.
Ang kababagsakan nito’y anarkismo sa produksyon.
Ang kontradiksyon ng sosyalisadong produksyon para sa pribadong tubo ay dito’y nag‑aanyong kontradiksyon ng organisadong produksyon sa bawat pabrika para sa maksimum na tubo at anarkistang produksyon sa buong lipunan dahil bawat kapitalista ay naghahabol ng tubo.
Kung gaano kasinsin ang pagkakaplano ng produksyon sa bawat pabrika para mapalaki ang tubo, kapag tinanaw na ito sa antas ng kabuuan ng lipunan, walang sinusunod na plano ang galaw ng kapital bukod sa batas ng pamilihan.
Kung saan mataas ang tubo, dito sumusugod ang kapital hanggang sila’y mag‑umpugan. Kapag sila’y nagkabuhol‑buhol sa sobrang produksyon, kanya‑kanya uling karipas para isalba ang kapital at ihanap ng panibagong pagtutubuan. Kung walang madapuan, patutulugin muna ang kapital hanggat walang mainam na oportunidad na masasakmal.
Ang anarkismo sa produksyon na nakasakay sa akumulasyon ng kapital at pinapaandar ng kumpetisyon ng kapital ay hahantong sa krisis ng sobrang produksyon.
Mabuti sana kung sa bawat paglaki ng kapasidad sa produksyon ay katumbas na lumalaki ang kapasidad ng lipunan na bilhin ito. Pero hindi ganito ang ibinubunga ng batas ng akumulasyon ng kapital at akumulasyon ng kayamanan sa lipunang kapitalista.
Ang mayorya ng lipunang kapitalista ay mga manggagawa. Kung ang pag‑unlad ng kapitalistang produksyon ay nangangahulugan ng akumulasyon ng kapital, ang mas malaking parte ng kapital ay mauuwi sa bulsa ng kapitalista at pagpapalago ng kanyang kapital sa anyo ng mga kagamitan sa produksyon.
Mas maliit ang inilaang parte para sa pasahod sa uring manggagawa at mas maliit ang paglaki ng pangangailangan nito sa paggawa. Katunayan, habang umuunlad ang kapasidad sa produksyon ng kapitalistang lipunan, lalong lumalaki ang itinatapon nitong mga manggagawa sa dagat ng reserbang paggawa.
Sa batas ng akumulasyon ng kapital, hindi makakasabay sa paglago ng produksyon ang kapasidad na bumili ng mga manggagawa.
Ang salapi, na siyang behikulo ng sirkulasyon ng mga kalakal, sa panahon ng krisis ng sobrang produksyon, ay nagiging sagka sa sirkulasyon.
Dahil sa sobra‑sobra na ang mga kalakal, nawawalan ng halaga ang salapi, sobra‑sobra ang iminumura ng mga kalakal, labis na bumababa sa kanilang tunay na halaga. Ito’y dahil hindi na makasabay ang paglaki ng pamilihan sa paglaki ng produksyon. Nagrerebelde ang sistema ng produksyon sa sistema ng palitan.
Ito ang krisis sa sobrang kasaganahan. Pero hindi kasaganahan para sa mga manggagawa. Ang kabaliktaran ang magiging kapalaran ng mga manggagawa sa ganitong kalagayan.
Kung ang produksyon ng isang araw ay makakasapat sa pangangailangan ng isang buwan, walang saysay ang patuloy na pag‑ andar ng mga makina.
Dahil sobra‑sobra na ang produksyon, magsasara ang mga pabrika, magbabawas ng mga manggagawa, lalawak ang reserbang hukbo ng paggawa.
Kaysa ipamigay ang mga sobrang kalakal sa mga manggawang walang hanapbuhay, susunugin ito ng mga kapitalista, itatapon sa dagat. Dahil kung ipamimigay ito, lalong lalangawin ang nalalabing kalakal sa pamilihan, lalong hindi mababawi ang kanilang kapital.
Ang konsentrasyon ng kapital na nagdala sa kapitalismo sa krisis ng sobrang produksyon ang siya ring magiging bunga ng krisis na ito. Ang pagkawasak ng ibang malalaking kapitalista at mas maraming maliliit na kapitalista ay magbubunga ng mas malaking konsentrasyon ng kapital sa kamay ng iilan.
Magbubunga ito ng mas malaking konsentrasyon ng kapital, sa anyo ng mga monopolyo sa iba’t ibang linya ng industriya. Mga higanteng korporasyon na pinagsanib na mga kapital ng mga higanteng kapitalista. Mismo ang industriyal at pinansyal na kapital ay magsasanib na ang bunga’y ang paghahari ng kapital sa pinansya sa buong industriya. Ito ang yugto ng imperyalismo.
Ang monopolyong ito ang kasalungat ng kompetisyon sa orihinal na porma nito. Ito ang leksyong natutunan ng kapitalismo sa mga krisis na dinaan sa proseso ng pag‑unlad.
Ito’y pagtatangkang ipailalim sa isang antas ng regulasyon ang kompetisyon at produksyon sa pamamagitan ng monopolyo — sa pag-alis o pagwasak sa kompetisyon. Pero ang monopolyong ito ay magbubunga ng mas matindi’t mas marahas na kompetisyon sa mas malawak na saklaw sa loob ng bansa at sa pandaigdigang saklaw.
Ang dalawang digmaang pandaigdig na walang kaparis sa kasaysayan ng tao ay resulta ng kompetisyong ito sa pagitan ng mga imperyalistang bansa. Ang marahas na pananakop ng mga kolonya’t malakolonya at partisyon ng mundo sa pinaghahariang teritoryo ang sistema ng dominasyon ng monopolyo‑kapital.
Ang sagot ng kapitalismo sa krisis na ibinubunga ng kompetisyon at akumulasyon ng kapital ay monopolyo kapitalismo — ang pagwasak sa kompetisyon sa pamamagitan ng higanteng konsentrasyon ng kapital.
Ang sagot ng kapitalismo sa kontradiksyon ng sosyalisadong produksyon at indibidwal na pagkamkam ng tubo, ay monopolisahin ang malaking parte ng panlipunang kapital sa kamay ng ilang higanteng kapitalista. Ang sagot ng kapitalismo sa anarkismo sa produksyon ay regulasyon o dominasyon sa pamamagitan ng monopolyo.
Ang sagot ng kapitalismo sa kontradiksyon ng burgesya at proletaryado ay ibayong palakasin ang kapangyarihan ng kapital sa paggawa, pasaklawin ito sa kontradiksyon ng imperyalistang bayan at sinasakop ng mga kolonya’t mala‑kolonya, alipinin ng imperyalistang kapital at karahasan ang masang anakpawis sa buong daigdig.
Ibig sabihin, nariyan pa rin ang mga kontradiksyong likas sa kapitalismo, mga kontradiksyong magbabagsak sa sistemang ito.
Katunayan, lalo nitong pina‑uunlad ang sosyalisasyon ng paggawa at konsentrasyon ng mga kagamitan sa produksyon. Lalo nitong pinaiigting ang pagsasamantala sa sariling mga manggagawa at sa mamamayan ng buong daigdig. Ang pagdalaw ng krisis ng sobrang produksyon ay dumadalas pa nga kaysa dati.
Ang imperyalismo ang bispiras ng sosyalismo, ang sistemang nakatakdang humalili sa kapitalismo alinsunod sa batas ng pag‑unlad ng lipunan. Sa kasaysayan, ang unang mga sosyalistang rebolusyon ay sumiklab at nagtagumpay sa panahon ng pagrurok ng imperyalistang kahibangan, noong dalawang digmaang pandaigdig.
Pero nagagawa nitong makahinga sa krisis dahil ipinapasa ang krisis ng kanilang mga bansa sa mga kolonya’t mala‑kolonya sa buong daigdig. Sa paghahari sa buong daigdig, hindi ito simpleng gumagalaw sa ilalim ang simpleng batas ng kapital o kalakal. Naghahari ito sa pamamagitan ng batas ng armas, pang‑ekonomyang panggigipit at pampulitikang dominasyon. Ang kahulugan ng imperyalismo ay digmaan at karahasan.
Natutunan ng imperyalismo na umangkop sa bagong arena ng labanan na may katunggali itong mga sosyalistang bayan. Kinontrol ng imperyalismo ang kilusang manggagawa sa sariling mga bansa upang hindi rumururok sa rebolusyon ang makauring tunggalian. Dinurog nito ang mga kilusang mapagpalaya na mas maigting na nagputukan sa mga atrasadong bayan laban sa imperyalistang dominasyon at pasistang mga diktadura.
Bunga ng internal na mga kamalian ng mga sosyalistang bayan at ng eksternal na pananabotahe ng imperyalismo ay gumuho at bumagsak ang katunggaling kampo ng sosyalismo. Sa nagbagong hugis na kalagayang pandaigdig at makauring tunggalian ay malayang naipatupad ang globalisasyon ng kapitalistang ekonomiya.
Kung tutuusin, ang globalisasyon ay itinulak ng dinamismo ng kapitalistang akumulasyon at kompetisyon gaya ng monopolyo kapital sa panahon ng klasikal na imperyalismo.
Sa panahon ng globalisasyon, ang sosyalisasyon ng produksyon ay umabot na sa antas ng internasyunalisasyon ng produksyon. Nagmistulang isang higanteng pagawaan ang buong mundo na nakalatag ang assembly line ng produksyon sa iba’t ibang bansa upang samantalahin ang mas murang lakas-paggawa, mas masaganang murang materyales at mas maunlad na teknolohiya. Ibig sabihin para tiyakin ang mas malaking tubo sa panahong mas maigting din ang kompetisyon.
Sa panahon ng globalisasyon, ang kapitalistang kompetisyon at anarkismo sa produksyon ay tumungo na sa maigting na globalisadong kompetisyon. Matinding kompetisyon ito ng mga korporasyong multinasyunal sa isa’t isa at sa pagitan ng mga korporasyong multinasyunal at mga kapitalistang lokal sa atrasadong mga bayan.
Ang mga korporasyong multinasyunal ang modernong mukha ng monopolyo kapital. Sa tulak ng walang tigil na mergers and acquisitions higit na lumalakas ang mga korporasyong multinasyunal.
Pinaplano at pinatatakbo ng isang korporasyong multinasyunal ang kanyang globalisadong produksyon sa tulong ng modernong teknolohiya, komunikasyon at transportasyon. Subalit kapag tinanaw sa antas ng internasyunal na ekonomiya, wala ni anumang pagpaplano.
Ang walang habas na liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng mga ekonomiya ay nagpaparaya sa walang hangganang kompetisyon ng mga kapitalista. Ang tinatawag na malayang pamilihan ng globalisasyon ay walang ibang kahulugan kundi malaya’t maigting na kompetisyon ng mga kapitalista sa internasyunal na antas.
Ang resulta nito ay krisis ng sobrang produksyon sa pandaigdigang saklaw. Sa halos ng industriya ngayon—computer, semiconductors, kotse, bakal at maging mga produktong agrikultural—ay nag-uumapaw ang mga kalakal na hindi maibenta.
Hindi maibenta kahit na ito ay kinakailangan ng mamamayan ng daigdig. Hindi mapakinabangan ang bumabahang mga produkto sa kabila ng katotohanang laganap ang kagutuman, kasalatan at kahirapan sa buong mundo.
Hindi meibenta ang labis na mga produkto sapagkat walang kakayahan ang mamamayan ng daigdig na bilhin ang mga pangangailangan nila sa buhay.
Sa panahon ng globalisasyon, kasabay ng higanteng pag-unlad ng produksyon ay ang grabeng pagbagsak sa kabuhayan ng tao. Binabarat ang sahod at benepisyo ng manggagawa. Pinauuso ang kontraktwalisasyon. Tinatapon sa lansangan ang milyun-milyong manggagawang tinatanggal sa trabaho. Laganap ito sa mauunlad man o atrasadong mga bayan, sa buong mundo.
Ang krisis sa sobrang produksyon ang ugat ng krisis ng globalisasyon, ang puno’t dulo ng internasyunal na resesyon at matumal na ekonomiya.
Sa panahon ng globalisasyon, lalong tumitindi ang dominasyon ng kapital sa pinansya sa kapital sa industriya. Sa kalagayang pabagsak ang tubo sa industriya bunga ng kompetisyon at krisis, lumilikas ang salaping kapital at isinusugal sa mga transaksyong pinansyal — gaya ng stocks, derivatives at currencies markets. Limampung beses na mas malaki ang salaping kapital na pinaiikot para sa mga transaksyong pinansyal kaysa sa salaping kapital na ginagamit para sa palitan ng mga produkto.
Lumilikha ito ng sariling problema sa kalagayang pinauso ang liberalisasyon sa sektor ng pinansya . Hamak na mas matindi ang palo ng anarkismo sa sektor ng pinansya. Ito ang pinagmulan ng krisis pinansyal noong 1997 na walang kasing bilis na kumalat at pumaralisa sa ekonomiya ng maraming bansa dahil mismo sa anarkismong dulot ng liberalisasyon.
Sa panahon ng globalisasyon, bumabangon at lumalakas ang kilusang manggagawa at kilusang masa sa maraming bansa. Nagpuputukan ang pangkalahatang mga welga matapos ang mahabang panahon ng paghupa ng pakikibakang manggagawa. Nagkakahugis ang isang kilusang anti-globalisasyon sa pangdaigdigang saklaw. Tahasang nilalabanan ng papalaking bilang ng mamamayan ng mundo ang imperyalistang globalisasyon.
Kaya naman sa panahon ng krisis ng globalisasyon, pumihit ang imperyalismo sa tahasang pananakop. Tulak ng maganit na krisis pang-ekonomiya at tumitinding pakikibakang anti-globalisasyon, lumalabas ang pangil ng imperyalismo. Itinatago ang imperyalistang pandirigma sa ngalan ng gera laban sa terorismo pero walang dudang mas tulak ito ng imperyalistang pandarambong para sa hilaw na materyales gaya ng langis at para sa dominasyon sa pamilihan ng ibang bayan.
Ang kilusang anti-gera at ang kilusang anti-globalisasyon ay kailangang magsalubong at magsanib bilang isang makapangyarihang kilusang anti-imperyalismo na tinutudla ang globalisasyon bilang ugat ng paghihirap at pagsasamantala sa buong daigdig.
Unti-unti, dahan-dahan sumusulong ang kilusan laban sa imperyalistang globalisasyon at nahihinog bilang mulat na pakikibaka para sa sosyalismo. Pinakaabante ang direksyong ito sa karanasan ng makauring tunggalian sa Latin Amerika. Sa Latin Amerika ang pakikibaka laban sa imperyalistang globalisasyon ay umaarangkada at nagtatagumpay sa pamumuno ng mulat na sosyalistang mga grupo, pwersa at lider.
Inspirasyon sa pandaigdigang kilusan laban a imperyalistang globalisasyon ang talibang pakikibaka ng mamamayan ng Latin Amerika. Ang pagbagsak ng imperyalistang globalisasyon ay isang pandaigdigang pakikibaka. Hindi na ito simpleng tunggalian ng uri ng burgesya at proletaryado sa loob ng mga abanteng kapitalistang bansa. Ito’y tunggalian sa pagitan ng mamamayan ng buong daigdig laban sa imperyalistang kapital.
Sa malao’t madali, titining at tatalas ito tungong modernong sosyalistang rebolusyon para ibagsak ang kapitalismo at imperyalismo sa yugto ng globalisasyon.
Sa lahat ng mapagsamantalang uring naghalinhinan sa paghahari sa lipunan, ang burgesya ang nagbunsod ng pinakamalaking pag‑unlad sa mga instrumento sa produksyon ng lipunan.
Ang ilang dekada ng paghaharing burges ay katumbas ng kabuuang pagsulong ng lipunan sa nagdaang ilang libong taon bago ang kapitalismo. Pagsulong na di sinadya ng burgesya. Di niya inakalang magaganap bunga ng sosyalisasyon ng mga paraan ng produksyon.
Sa panahon ng burgesya naganap ang tinaguriang Rebolusyong Industriyal. Sa rebolusyong ito sa paraan ng produksyon, ang kalat‑kalat, limitado at krudong mga instrumento ng naunang mga sistema ay kinonsentra ng burgesya sa kanyang kamay. Ginawang makapangyarihang makinarya ng produksyon.
Hinalinhan ng modernong industriya ang primitibong handikrap at manupaktura sa introduksyon ng makabagong mga makina at pagtuklas ng mga makinang gumagawa ng makina. Ang manu‑mano’t de‑padyak na mga krudong instrumento ay pinalitan ng mga makinang de‑pindot at de‑kuryente.
Ito ang makasaysayang misyon ng kapitalistang produksyon at ng tagapagtaguyod nito — ang burgesya.
Pero ang misyong ito ng modernisasyon ng mga kagamitan sa produksyon ay di matutupad ng burgesya nang di sabay na itinatransporma ito mula sa pagiging kasangkapan ng indibidwal tungo sa pagiging kasangkapang sosyal.
Ibig sabihin, aandar lang kung may konsentrasyon at kooperasyon sa paggawa ang daan‑daan at libu‑libong mga trabahador sa loob ng isang pabrika. Ang sosyalisadong produksyon, ang modernong industriya ay nangangahulugan at nangangailangan ng paglitaw, samakatwid, ng proletaryado.
Sa ganitong sistema, ang anumang produkto ng pabrika ay dumadaan sa kamay ng maraming manggagawa. Mga manggagawang may kanya‑ kanyang papel sa paggawa ng bawat parte ng kabuuang produkto.
Sa ganitong dibisyon ng paggawa sa loob ng pabrika, walang sinumang manggagawa ang makapagsasabing siya, bilang indibidwal, ang may gawa ng produkto. Mula sa pagiging produkto ng indibidwal sa naunang mga lipunan, ito’y naging produkto ng kolektibong paggawa, produktong sosyal, isang tunay na produkto ng lipunan.
Kondisyon sa pagsulong ng kapitalismo ang pagwasak sa indibidwal na produksyon. Ang kailangan at ang kalikasan ng modernong produksyon ay produksyong kolektibo o sosyalisado.
Para dito, kailangang baklasin ang indibidwal na mga prodyuser — ang mga magsasaka ng kanayunan, ang mga artisano ng lungsod — mula sa kanilang mga kagamitan sa produksyon.
Baklasin upang mawalan sila ng ibang paraan ng ikabubuhay bukod sa pagpasok sa sosyalisadong kapitalistang produksyon. Para mabuhay ang kapitalismo kailangan nito ng walang pagkasaid na suplay ng mga taong ang tanging ikabubuhay ay ang pagpapailalim sa kapitalistang produksyon, sa sistema ng sahurang‑paggawa, sa sistema ng sahurang‑pang‑aalipin.
Samakatwid, upang matupad ng burgesya ang kanyang misyon sa kasaysayan, kailangan ang paglitaw ng malawak na masa ng proletaryado na hahawak sa mga instrumentong ito, hihigupin ng sosyalisadong paggawa.
Mga proletaryong ganap na “malaya” — malayang piliin ang magutom o magpaalipin sa ilalim ng sahurang paggawa. Ito ang kahulugan ng paglaya ng magsasaka sa lupa — pagkabaklas ng indibidwal na prodyuser mula sa sariling kagamitan sa produksyon.
Nasa pagkakait na ito sa indibidwal na prodyuser na magmay‑ari ng kagamitan sa produksyon ang esensya ng produksyong sosyal ng kapitalismo.
Narito rin ang panloob na kontradiksyong magwawasak sa kapitalismo. Habang inaagnas ng kapitalismo ang indibidwal na produksyon, hinihigop nito ang papalaking bilang ng populasyon para maging mga sahurang‑manggagawa. Itinataas ang antas ng konsentrasyon ng mga kagamitan sa produksyon sa kamay ng maliit na seksyon ng populasyon kasabay ng ibayong pagpapalawak ng sosyalisadong produksyon.
Ang instrumento sa produksyon na sosyal ang paggamit ay pag‑aari ng indibidwal. Inaangkin ng indibidwal ang produktong sosyal ang paggawa. Narito ang kabalintuanan ng kapitalismo. Ito ang kontradiksyon ng kapitalistang produksyon.
Binago ng kapitalismo ang indibidwal na karakter ng produksyon ng naunang mga sistema at ginawang sosyal ang esensya ng paraan ng produksyon pati ang produkto. Pero ipinailalim ito sa dating porma ng pag‑angkin, ang pribadong pag‑angkin sa panahon ng indibidwal na produksyon.
Para sa indibidwal na prodyuser na may sariling kasangkapan, sariling hilaw na materyal, at buong‑buong nililikha ng sariling kamay ang kanyang produkto — di usapin ang pag‑angkin sa produkto dahil ito’y talagang kanya. Ito’y kanyang indibidwal na produkto na matapos niyang gawin ay dadalhin niya sa pamilihan para ipagpalit o ipagbili.
Ang mga kondisyon para sa pag‑iral ng ganitong indibidwal na produksyon ay winasak ng kapitalismo. Pero ang paraan o porma nito ng indibidwal na pag‑angkin sa produkto ay ipinagpatuloy ng burgesya.
Ipinagpatuloy sa batayang pag‑aari niya ang mga hilaw na materyal. Pag‑aari niya ang mga instrumento sa produksyon. Pag‑aari niya ang lakas‑paggawa dahil binili niya ito sa porma ng sahod.
Kanya ang kabuuang kapital kaya’t kanya raw ang ang buong produkto kahit isang butil ng pawis ay wala siyang kontribusyon sa aktwal na paglikha nito.
Preserbado ang lumang porma ng pag‑angkin pero ang karakter ng pag‑angking ito ay ganap nang nagbago sabay ng lubos na pagbabago ng karakter ng produksyon.
Ganap na magkaiba ang angkinin mo ang produktong iyong pinagpawisan sa angkinin mo ang produkto na pinagpawisan ng iba. Narito ang saligang pagkakaiba ng pribadong pag‑angkin ng indibidwal na prodyuser sa kanyang sariling produkto sa pribadong pag‑angkin ng burgesya sa produkto ng iba. Dito nakasilid ang sikreto ng kapitalistang pagsasamantala.
Sikretong pinagkatagu‑tago ng burgesya sa gabundok na mga teorya pang‑ekonomya at eternal na mga konsepto ng katotohanan, kalayaan, karapatan, katarungan, at kung anu‑ano pang idealistang basura.
Sosyalisado na ang produksyon. Sosyalisado na ang kalikasan ng mga kagamitan sa produksyon. Ang kulang na lang ay gawing sosyalisado ang pag‑aari nito. Sosyalisado ang pag‑angkin sa produkto ng lipunan.
Kinumpiskahan ng burgesya ang kalakhan ng populasyon ng pribadong pag‑aari. Ang tanging nalalabi’y kumpiskahan ang kumpiskador para tuluyang maglaho ang pribadong pag‑aari ng kagamitan sa produksyon. Isang hakbang na lang at iigpaw sa isang makasaysayang pag‑unlad ang lipunan ng tao.
Pero ang burgesya, na promotor ng sosyalisasyong ito ng produksyon, ay di gagawin ang mapagpasyang hakbang na ito. Dahil kabaliktaran ito ng kanyang interes. Lampas at lihis ito sa kanyang misyon sa kasaysayan. Ang misyong ito ay nasa balikat ng uring proletaryado.
Ang burgesyang nagwasak sa lahat ng balakid sa higanteng pagsulong ng modernong produksyon, ang siya ngayong balakid sa ibayo’t ganap na pagsulong ng sosyalisadong produksyon.
Matapos magampanan ang misyong gawing moderno at sosyalisado ang produksyon, lubusin ang produktibidad ng lipunan, ang burgesya naman ngayon at ang kanyang kinakatawang relasyon sa produksyon, ang balakid sa ibayong pagsulong ng mga pwersa sa produksyon, ng produktibidad ng lipunan.
Ang dating tagawasak ng luma, ang siya ngayong tagabalakid sa bago.
Sinasagkaan ng burgesya ang panibagong pag‑abante ng lipunan dahil sa kanyang tunay, pundamental at nag‑iisang interes bilang uri. Ito’y walang iba kundi ang pagkakamal ng tubo.
Ang sosyalisasyong ng produksyon, ang modernisasyon ng mga kasangkapan sa produksyon ay hindi siyang motibong interes na nagpapagalaw sa indibidwal na mga kapitalista kundi ang akumulasyon ng tubo.
Ang sosyalisasyon at modernisasyon ng produksyon ay mga instrumento lang ng kapitalista para sa akumulasyong ito. Pero, kung tutuusin, siya’y instrumento din lang ng kasaysayan para makasulong ang lipunan sa mas maunlad pang yugto kaysa kapitalismo.
Ang uring siyang tunay na may interes sa sosyalisasyon at modernisasyon, sa ibayong pagsulong nito ay ang proletaryado.
Bagamat bago siya naging proletaryado at bilang proletaryado, siya’y biktima ng modernisasyon at sosyalisasyong ito — bilang proletaryado na walang pag‑aari, nasa modernisasyon at sosyalisasyong ito ang kanyang kinabukasan.
Siya ang produkto ng pagsulong na ito ng produksyon. At siya rin ang tanging produktibong pwersa ng ganitong pagsulong. Ang bawat pagsulong nito’y nangangahulugan ng paglawak at paglakas ng kanyang uri, at pag‑unlad ng materyal na kondisyon para sa sistema ng lipunang kanyang kinakatawan.
Hindi simpleng personal na kasakiman ang nagtutulak sa kapitalista sa walang tigil na akumulasyong ng tubo. Ito’y idinidikta ng sariling batas ng kapitalistang produksyon, ng kapitalistang kompetisyon.
Di gaya ng naunang mga uring mapagsamantala, kailangang magpalaki ng tubo ang bawat kapitalista di lang para sa personal na luho’t konsumo kundi para sa ibayong pagpapalago ng kapital.
Kung di niya ito mapalalago, siya’y lalamunin ng kanyang mga karibal na kapitalista. Siya mismo, bilang burgis na “kumpiskador”, ay magiging biktima ng burgis na kumpikasyon. Siya bilang promotor ng modernisasyon ay magiging biktima ng kapitalistang modernisasyong ito na nakasandig sa akumulasyon ng kapital.
Ang tulak para magkamal ng tubo na siyang nagbunsod sa modernisasyon ng produksyon ang siya ring nagbubuhol sa kapitalismo sa krisis ng sobrang produksyon.
Ang tubo na nag‑uudyok sa bawat kapitalista na episyenteng planuhin ang produksyon sa pabrika para malubos ang tubo ang siya ring ugat ng anarkismo sa produksyon ng kabuuang sistemang kapitalista.
Narito ang kontradiksyon ng sosyalisadong produksyon sa kapitalistang apropriyasyon, ng pribadong pag‑angkin sa produkto ng sosyalisadong paggawa.
Walang ibang solusyon sa kontradiksyong ito ng kapitalismo kundi ang sosyalistang rebolusyon ng proletaryado. Kontradiksyong ang bunga ay kahirapan para sa proletaryado at kasaganahan sa burgesya. Rebolusyong magpapalaya sa proletaryado bilang sahurang‑alipin ng burgesya.
Napakalayo na’t di na halos masukat ang distansya ng inabante ng produksyon ng lipunan mula sa naunang mga sistema bago ang kapitalismo. Kagila‑gilalas ang naabot na kapasidad ng modernong industriya at teknolohiya sa produksyon ng kalakal at materyal na yaman na kailangan ng sangkatauhan.
Sa kabila nito, ang buhay ng proletaryado ay di pa rin makalayo sa miserableng kalagayan ng masang anakpawis ng sinaunang mga panahon.
Sa ilalim ng kapitalismo, sa pamamagitan ng modernong produksyon, ang nalilikhang yaman o halaga ng indibidwal na manggagawa sa kanyang 8‑oras na trabaho sa pabrika ay ilang libong ulit na mas malaki kaysa nagagawa ng kanyang ninunong mga alipin sa dalawang naunang tipo ng makauring sistema.
Pero ang bulto ng kayamanang ito, gaya ng dati, ay nananatiling konsentrado sa kamay ng naghaharing uri — ang burgesya.
Dahil sa sosyalisadong produksyon ng modernong industriya, walang kaparis ang isinulong ng produksyon ng materyal na mga pangangailangan sa buhay ng lipunan.
Pero dahil ang mga instrumento sa produksyon na sosyalisado ang kalikasan ay nananatiling pribadong pag‑aari, dahil nananatiling pribado ang pag‑angkin ng produkto ng sosyalisadong paggawa — nananatiling ang yamang likha ng lipunan ay angkin ng iilan, nananatili ang miserableng buhay ng anakpawis gaya ng malayong nakaraan.
Isang hakbang na lang ang kailangang gawin ng proletaryado. Kumpiskahan ang orihinal na kumpiskador ng pribadong pag‑aari ng kagamitan sa produksyon.
Lubusin ang kumpikasyon ng pribadong pag‑aari na pinasimulan ng burgesya sa buong lipunan ngunit kumpiskasyong ang naging kapitalistang kahulugan ay konsentrasyon sa kamay ng iilan.
Lubusin ang sosyalisasyon ng produksyon na pinasimulan ng burgesya sa buong lipunan ngunit sosyalisasyong ang kinauwian ay pribadong pag‑angkin sa produkto ng sosyal na paggawa.
Gawing sosyalisado, hindi lamang ang produksyon kundi pati ang mga kagamitan sa produksyon. Gawing sosyalisado hindi lamang ang paggawa ng produkto kundi pati ang pag‑angkin nito.
Kung ang istorikal na misyon ng burgesya ay gawing sosyalisado ang paggawa ng produktong kailangan ng lipunan, ang misyon naman ng proletaryado ay gawing sosyalisado ang paraan ng pag‑angkin nito para sa buong lipunan.
Ang makasaysayang hakbang na ito ang higanteng igpaw ng sangkatauhan patungong sosyalismo. Isang pagsulong na alinsunod sa agos ng pagsulong ng kasaysayan.
Itinatakda ng batas ng pag‑unlad ng mismong kapitalismo. Matatagpuan sa mismong sinapupunan ng kapitalismo. Di sadyang pinalalago sa bawat hakbang ng pag‑abante ng burgesya.
Ang wakas ng pagsasamantala ng tao sa tao ay magaganap sa pagwawakas ng paghahari ng kapitalismo. Ito na rin ang magiging wakas ng pagkakahati ng lipunan sa mga uri. Dito rin maglalaho ang estado bilang marahas na kapangyarihan sa ibabaw ng lipunan.
Itong lahat ay magwawakas di pa dahil dumating na ang panahong ayaw nang magpaalipin ng mga alipin sapagkat mulat sapul naman ay walang aliping gustong magpaalipin. Magwawakas ito dahil ang mismong pang‑aalipin, ang lahat ng ito’y wala na sa panahon.
Wala na sa panahon sapagkat ang mga historikal kondisyon para sa abolisyon ng pang‑aalipin ay latag na sa materyal na kondisyon ng produksyon ng lipunan. Bunga ito ng sosyalisasyon ng paggawa ng kapitalismo.
Sa porma ng kolektibong paggawa, bumabalik ang lipunan ng tao sa porma ng produksyon na hawig sa komunal na paggawa sa panahon ng primitibong lipunan — ang istorikal na yugto ng lipunan na walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Ngunit, sa kabila ng sosyalisadong paggawang ito, ang kapitalismo, sa lahat ng makauring lipunan, ang pinakamatinding sistema ng pagsasamantala ng tao sa tao.
Dati’y ang produkto ng indibidwal na alipin o magsasaka ang kinakamkam ng uring mapagsamantala. Sa kapitalismo, ang produktong sosyal, ang produkto ng lipunan ang kinakamkam ng burgesya.
Ito — ang pribadong pagkakam, ang pribadong pag‑aari sa kagamitan sa produksyon — ang mapagpasyang ipinag‑iiba, sa porma, ng kapitalismo sa komunal na lipunan.
Ang sosyalisasyon ng pag‑aari ng mismong mga kagamitan sa produksyon, di lang ang sosyalisasyon ng paggawa, ang kumplisyon ng pag‑inog na ito ng kasaysayan ng lipunan — mula sa primitibong panahong walang alipin at mapang‑alipin tungo sa modernong panahong walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Ngunit hindi ito ilang libong taon ng pag‑inog ng kasaysayan pabalik sa luma.
Sa pagkawasak ng kapitalismo at pagsulong ng sosyalismo, ang primitibong komunal na lipunang pinagsimulan na tao ay magiging modernong komunal na lipunan — magkahawig sa porma pero magkaiba sa nilalaman.
Ito’y isang lipunang nabubuhay sa paraang komunal pero di sa batayan ng primitibong produksyon kundi sa batayan ng modernong industriya. Ang babalikan ng tao ay ang kanyang kasaysayan ng ilampung libong taon ng kolektibong pamumuhay at tatalikuran ang mas maiksing panahon ng indibidwalismo ng mapagsamantalang lipunan.
Matapos ang abolisyon ng tunggalian ng uri, ang abolisyon ng makauring lipunan, muling babalik ang tao sa orihinal niyang prinsipal na pakikibaka — laban sa kalikasan.
Pero di gaya ng primitibong tao na armado lang ng sibat at pana, ang modernong tao ay armadong ng syensya at teknolohiya sa kanyang pakikibaka sa kalikasan. Ang dating alipin ng kalikasan, ang magiging amo nito para sa kabuuang kapakanan ng sangkatauhan.
Ang istorikong materyalismo ay walang sama ng loob sa kasaysayan. Hindi nito hinuhusgahan ang kasaysayan sa batayan ng moralidad kundi sa batayan ng nesesidad.
Ngunit sumasabog ang buong paghihimagsik ng kalooban ng isang Marxista laban sa sinumang magbibigay katwiran sa kasaysayan ng pang‑aalipin sa batayan ng moralidad. Sa sinumang makakakita ng moralidad sa kasalukuyang pagsasamantala sa lipunan na kailangan nang wakasan. Sa sinumang magtatangkang itago sa proletaryado at masang anakpawis ang realidad ng pagsasamantala sa makauring lipunan at sa katotohanang ito’y may kasaysayan, may simula’t may katapusan.
Ang unang hakang sa pagwawakas sa kapangyarihan ng burgesya at pagtatayo ng sosyalistang lipunan ay agawin ng proletaryado ang estado power, simulang samsamin ang mga kagamitan sa produksyon at ilagay ang dating pribadong pag-aari ng mga kapitalista sa kamay ng lipunan na organisado bilang gobyerno ng manggagawa.
Ang pakikibaka ng manggagawa para sa sosyalismo ay kapwa isang rebolusyong panlipunan at rebolusyong pampulitika.
Ito ay rebolusyong panlipunan sa puntong babaguhin nito ang sistema ng produksyon g lipunan. Mula sa produksyon para sa tubo ng mga kapitalista sa batayan ng pribadong pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon tungong produksyon para sa pangangailangan ng tao sa batayan ng sosyalisadong pag-aari. Katunayan ito ang ganap na rebolusyong panlipunan sa kasaysayan sapagkat wawakasan nito ang pagsasamantala sa lipunan.
Subalit ito rin ay isang rebolusyong pampulitika sapagkat papalitan ng uring manggagawa ang uring kapitalista sa paghawak sa estado poder. Sa porma, ang pakikibaka para sa sosyalismo ay isang pakikitunggaling pampulitika, pag-agaw sa poder mula sa uring kapitalista. Pero sa nilalaman, ito ay pakikibaka para ganap na pawiin ang pagsasamantala sa lipunan.
Inoorganisa ng burgis na mga pulitiko ang kanilang mga sarili sa mga partidong pampulitika sa interes ng kanilang paligsahan para sa poder. Subalit nagtutunggali man sila sa batayan ng kanilang kagyat na paksyunal na interes, nagkakaisa sila sa ultimong layuning ipagtanggol ang kapitalistang sistema.
Kalikasan ng pampulitikang pakikibaka sa modernong panahon ang organisahin ng mga grupong pampulitika ang kanilang mga sarili sa mga partido pulitikal sa batayan ng depenidong interes at programa.
Gayundin, kinakailangang magbuo ang uring manggagawa ng sarili niyang partido pampulitika para isulong ang pakikibaka para sa sosyalismo, ang pampulitikang paglaban para agawin ang poder mula sa uring kapitalista.
Ang partidong pampulitikang ito ay itatayo sa batayan ng plataporma ng pagpapabagsak sa estado ng burgesya at pagbubuo ng estado ng proletaryado bilang unang hakbang sa paglalatag ng sosyalismo.
Ang partidong pampulitikang ito ay rebolusyonaryo sa kanyang programa at rebolusyonaryo sa kanyang pamamaran.
Ang pakikibaka para sa sosyalismo ay natural na rebolusyonaryo sa nilalaman sapagkat isa itong ganap na rebolusyong panlipunan.
Dahil sa mismong rebolusyonaryong katangian ng sosyalistang programa ng partidong ito, rebolusyonaryo rin ang karakter ng mga porma sa pakikibaka nito. Ito ay itinatakda ng katotohanang gagawin ng uring kapitalista ang lahat upang gapiin at durugin ang makauring pakikibaka ng manggagawa para sa sosyalismo. Kaya’t obligadong gamitin ng partido ang lahat ng armas sa pakikibaka sa buhay-at-kamatayang digmaan laban sa burgis na estado.
Sa pagsulong at pagrurok ng makauring pakikibaka ng manggagawa, dapat lamang asahan na lalantad ang pasistang katangian ng burgis na estado at momobilisahin nito ang armadong pwersang nasa disposisyon nito. Walang ibang magagawa ang partido pampulitika ng uring manggagawa kundi paghandaan ang ganitong klase ng malupit na pampulitikang labanan.
Ganunpaman, ang depenidong mga porma ng paglaban na kakailanganin para isulong at ipagwagi ang makauring pakikibaka para sa sosyalismo ay itatakda ng konkretong kalagayan. Kung ang makauring pakikibaka at ang katayuan ng partido pampulitika ng manggagawa ay magiging armado o di-armado, ligal o iligal, hayag o lihim, at kung ito ay magpapalit-palit ay magiging kumporme sa aktwal na sitwasyon at sa mga pagbabago nito.
Ang tiyak ay ang prinsipal na layunin ng rebolusyonaryong partido pampulitika—ang organisahin ang makauring pakikibaka ng manggagawa para sa demokrasya at sosyalismo.
Ang papel nito ay paunlarin ang makauring kamulatan ng manggagawa tungong sosyalismo at direksyunan ang kanilang makauring pakikibaka tungong pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika.
Ito ay magiging talibang partido sa gawa di lang sa salita habang papalaki at papalaking bilang ng masang manggagawa ang namumulat, napapakilos at naoorganisa nito sa batayan ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo.
Kaya natitipon sa loob ng rebolusyonaryong partido ang pinakamulat na mga manggagawa at pinakaaktibong mga elemento sa makauring tunggalian. Ang mga kasapi ng rebolusyonaryong partido ay iyong mga manggagawang tinanggap ang Marxismo bilang gabay sa pakikibaka para sa sosyalismo.
Sa isang banda, ang teorya ng Marxismo ay magiging materyal na pwersa kapag niyakap ito ng masang manggagawa.
Sa kabilang banda, ang makauring pakikibaka ng manggagawa ay magkakaroon ng makapangyarihang gabay kapag inangkin nito ang Marxismo. ###